Linggo, Oktubre 2, 2016

MARIA: HUWARAN NG PANANALIG SA DIYOS NANG BUONG KATAPATAN

2 Oktubre 2016 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10 



Ang mga Pagbasa ngayong Linggo ay tungkol sa pananalig sa Diyos nang may buong katapatan. Ang ating Mahal na Inang si Maria, na labis na pinararangalan at minamahal nating mga Pilipinong Katoliko, ay isang napakagandang huwaran ng isang taong nananalig sa Diyos nang may buong katapatan, sa hirap man o sa ginhawa. Tayong mga Pilipinong Katoliko na namimintuho at umiibig nang lubos sa Mahal na Birheng Maria ay makakatagpo ng isang napakagandang halimbawa mula sa kanya. Ang Mahal na Birhen ay nanatiling tapat sa kanyang pananalig sa Panginoong Diyos, sa hirap man o sa ginhawa, sa mga sandali ng tuwa at hapis. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng pangako sa propeta na Kanyang hinirang na si Habacuc na magpapatibay ng kanyang kalooban. Bilang tugon sa pananaghoy ni propeta Habacuc, nangako ang Diyos na ililigtas Niya ang mga matutuwid at tapat sa Kanya. Ililigtas ng Diyos ang mga matutuwid at tapat sa Kanya pagdating ng takdang panahon. At isa pang magandang balita mula sa Panginoon - hindi na magluluwat ang takdang panahon na ito. Nalalapit na ang takdang panahon kung kailan tutuparin ng Poong Maykapal ang Kanyang pangako. Hindi Niya bibiguin o lilimutin ang Kanyang pangako. Manalig lamang tayo sa Panginoon nang may buong katapatan. Tutuparin din Niya ang Kanyang pangako. Hindi Niya lilimutin o bibiguin ang Kanyang pangakong binitiwan. 

Ganun din ang hinihikayat ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat kay Timoteo. Noong kapanahunang yaon, si Apostol San Pablo ay nakabilanggo dahil sa kanyang pangangaral at pagpapatotoo tungkol kay Kristo Hesus sa mga madla. Hindi tinanggap ng karamihan si Apostol San Pablo o ang kanyang mga ipinapangaral at ipinapahayag, kaya ibinilanggo siya ng mga opisyales ng pamahalaan. Habang nakabilanggo, pinapalakas niya ang kalooban ng kanyang mga kapwa misyonero at mga naging kasama niya sa misyon tulad ni San Timoteo sa pamamagitan ng kanyang mga sulat sa kanila. 

Hinikayat ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang lahat, hindi lamang si San Timoteo, na huwag ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoong Hesus. Huwag ikahiya ang Panginoong Hesukristo. Patuloy tayong manalig sa Kanya at sumunod sa Kanyang kalooban, sa gitna ng mga pagsubok at pagdurusa sa buhay. Huwag tayong magpatalo sa mga pagsubok at pagdurusa sa buhay. Panatilihin at pag-alabin natin ang ating pananalig at pagmamahal sa ating Panginoon, sa hirap at ginhawa. Kahit inuusig at nagdurusa, gaano mang kahigpit ang buhay, manatili tayong tapat sa ating pananalig sa Panginoon. 

Ang Panginoong Hesus ay hindi nangako ng isang maginhawang buhay para sa mga nais maging tagasunod Niya dito sa lupang ibabaw. Nagbigay Siya ng babala na may mga pagkakataon sa buhay kung kailan susubukin ang ating pananalig sa Kanya. Susubukin ang katatagan ng pananalig natin sa ating Panginoon. May mga pagdurusa sa buhay na kailangan nating harapin bilang mga tagasunod ni Kristo. Susubukin kung gaano tayo katapat sa Panginoon. Subalit, kung tayo ay nananalig sa Panginoon nang buong katapatan, malalampasan at mapagtatagumpayan natin ang anumang pagsubok at pagdurusa sa buhay dito sa lupa. 

Sa Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na ang pananalig sa Diyos ay hindi basta-basta magiging buo. Kinakailangan itong lumago, katulad ng paglago ng isang munting binhi, tulad ng butil ng mustasa. Kailangang magsimula sa kamuntian ang ating pananalig sa Panginoon upang lumago ito sa paglipas ng panahon. Ang pananalig sa Panginoon ay hindi magiging buo at kumpleto agad-agad. Ang ating pananalig sa Poong Maykapal ay dapat lumago sa paglipas ng panahon. Habang tayo ay naglalakbay dito sa lupang ibabaw, kinakailangan nating hayaang lumago ang ating pananalig sa Maykapal. 

Habang nabubuhay ang Mahal na Birheng Maria dito sa daigdig, nanalig siya sa Diyos nang buong katapatan. Ang kanyang tapat na pananalig sa Diyos ay naging daan para makasunod at makatalima siya sa kalooban ng Diyos. Hinayaan niyang lumago ang kanyang pananalig sa Diyos sa paglipas ng panahon. Subalit, tulad ng kanyang Anak na si Hesus, hindi naging ligtas si Inang Maria mula sa kalupitan ng buhay. Naranasan ni Inang Maria ang mga pagsubok at pagdurusa sa buhay. Naranasan rin ng Mahal na Inang si Maria ang mga pangyayaring sumubok sa kanyang katapatan at pananalig sa Diyos. 

Subalit, gaano mang kalupit ang buhay sa kanya, gaano mang kahapdi ang mga pagdurusa sa buhay, hindi bumitiw ang Mahal na Ina sa kanyang pananalig at katapatan sa Poong Maykapal. Sa halip na sumuko sa mga pagsubok at pagdurusa sa buhay, at sa halip na bumitiw sa kanyang pananalig at katapatan sa Mahal na Panginoon, lalong kumapit ang Mahal na Birhen sa Panginoon.  Nanalig pa rin si Maria nang buong katapatan sa Diyos, lalung-lalo na sa mga oras ng pagsubok at pagdurusa. Nananalig si Maria na tutulungan siya ng Dios na pagtagumpayan ang mga pagsubok at pagdurusa, mga kalbaryo sa buhay. Nanalig si Maria na ang mga ito'y mga pagkakataon sa buhay upang lalo pang tumibay at lumago ang kanyang pananalig at katapatan sa Panginoong Diyos. 

Nagsimula sa kamuntian ang pananalig at katapatan ng Mahal na Birheng Maria sa Diyos, at hinayaan niyang lumago at tumibay ito sa tulong ng Diyos sa paglipas ng panahon. Sa tulong ng Awa ng Diyos, ang pananalig at katapatan ng Mahal na Inang si Maria ay lumago at tumibay. Hinayaan ni Inang Maria na tulungan siya ng Diyos upang lumago at tumibay ang kanyang pananalig at katapatan sa kanya. Kahit may mga pagkakataong hindi niya lubos na maintindihan ang kalooban ng Diyos, tinanggap at sinunod ng Birheng Maria ang kalooban ng Diyos. Hinayaan niyang manaig ang kalooban ng Diyos sa kanyang buhay. Hinayaan din ni Inang Maria na tulungan siya ng Diyos upang lalo pang lumago at tumibay ang kanyang pananalig at katapatan sa Kanya. 

Kung tayo ay tunay na namimintuho at nagmamahal kay Inang Maria, tatalima at susunod rin tayo sa kalooban ng Diyos, tulad niya. Patuloy rin tayong mananalig sa Diyos nang buong katapatan, sa kahirapan man o sa kaginhawaan. Patuloy rin nating hahayaang lumago at tumibay ang ating pananalig sa Panginoon, katulad ng isang munting binhi, isang butil ng mustasa. Higit sa lahat, paglilingkuran at sasambahin natin ang Diyos na Siyang ating Tagapagligtas at puspos ng Awa at Habag para sa lahat. Ang iisang Diyos na binubuo ng Tatlong Persona ng Ama, Anak, at Espiritu Santo. Kung tunay tayong may debosyon sa Mahal na Inang si Maria, tutularan natin ang halimbawa na kanyang ipinakita. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento