30 Oktubre 2016
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Karunungan 11, 22-12, 2/Salmo 144/2 Tesalonica 1, 11-2, 2/Lucas 19, 1-10
"Diyos ko at aking Hari, pupurihin Kitang lagi."
Ang Diyos ay dapat nating purihin lagi. Dapat lagi nating purihin ang Diyos dahil sa Kanyang Awa at Habag. Dakila ang Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa Kanyang Awa at Habag, tayo ay Kanyang nilikha mula sa lupa. Noong tayo ay nalugmok sa kasalanan, ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang maging ating Manunubos. Sa pamamagitan ni Kristo, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa lahat. Sapagkat ang Panginoong Hesukristo ang Mukha ng Awa ng Ama. Kay Hesus makikita ang Awa at Habag ng Diyos.
Ipinahayag ng Manunulat ng Unang Pagbasa mula sa Aklat ng Karunungan na ang Diyos ay maawain, mahabagin, at mapagmahal. Ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan. Walang makakahigit pa sa Awa, Habag, at Pagmamahal ng Diyos. Dakila ang Awa, Habag, at Pagmamahal ng Diyos. Hindi ito mapapantayan o matutumbasan ng sinuman dito sa lupa. Walang makahihigit pa sa kadakilaan ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos.
Mahalaga sa paningin ng Diyos ang bawat nilalang, lalo na ang tao. Ang lahat ng mga nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang nilikhang masama ang Diyos. Mabuti ang lahat ng mga nilikha ng Diyos. Kaya naman, pinahahalagahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga nilikha, lalo na ang sangkatauhan.
Nagkaroon lamang ng bahid ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan dahil sa kasalanan nina Eba at Adan sa Halamanan ng Eden. Magmula noong kinain nina Eba at Adan ang pinagbabawal na bunga mula sa Puno ng Karunungan tungkol sa Kabutihan at Kasamaan, nagkaroon ng dungis ng kasalanan ang lahat ng tao. Ang kasamaan at kasalanan ay pumasok sa sanlibutan dahil sa kanilang pagsuway sa utos ng Diyos sa Halamanan. Dahil sumuway sina Adan at Eba sa utos ng Diyos, ang sangkatauhan ay naging mga makasalanan.
Subalit, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, pinahahalagahan pa rin tayo ng Diyos. Mahalaga pa rin tayo sa paningin ng Diyos. Kahit mga makasalanan tayo, tayong lahat ay Kanyang pinapahalagahan. Gaano man kadalas tayo nagkakasala laban sa Panginoon, mahalaga pa rin tayo sa Kanyang paningin. Minamahal pa rin tayo ng Panginoon, kahit ilang ulit tayong magkasala laban sa Kanya. Iniirog tayo ng Diyos. Ang mga makasalanan ay mahal ng Diyos, hindi ang salang nagawa.
Ito ang paksa ng panawagan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga-Tesalonica. Nanawagan si Apostol San Pablo sa lahat ng mga mananampalataya na magbigay ng papuri at karangalan sa Banal na Pangalan ng ating Panginoong Hesukristo, ang Mukha ng Awa ng Ama. Dapat nating bigyan ng papuri at karangalan ang Kabanal-banalang Pangalan ng ating Panginoong Hesus sapagkat ipinamalas Niya sa lahat ang Awa at Habag ng Diyos. Ipinamalas ni Kristo ang Awa at Habag ng Diyos upang tayong lahat ay magbalik-loob sa Kanya. Kahit tayong lahat ay mga abang makasalanan, ipinadama pa rin sa atin ng Panginoon ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa ating lahat.
Sa Ebanghelyo, ang publikanong si Zakeo ay nagbigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisi sa kanyang mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Kanya. Nangyari iyon noong makatagpo niya ang Mukha ng Awa at Habag ng Diyos na si Hesus. Pinagsisihan ni Zakeo ang kanyang mga kasalanan at nagbalik-loob sa Diyos dahil nakatagpo niya si Hesus. Noong nakatagpo ni Zakeo si Hesus, naranasan niya ang pagkilos ng Awa at Habag ng Diyos. Dahil sa karanasang iyon, nagbago ang buhay ni Zakeo. Sa pamamagitan ng kanyang ginawang pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos, binigyan ni Zakeo ng papuri at karangalan ang Diyos.
Si Hesus ang pinakadakilang larawan ng Awa at Habag ng Diyos. Noong Siya ay pumarito sa sanlibutan, isinilarawan ni Hesus ang Awa at Habag ng Ama. Nakita ng sangkatauhan ang Awa at Habag ng Diyos sa katauhan ni Hesukristo. Noong Siya'y pumarito sa daigdig, nagpatoto si Hesus tungkol sa Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Pumarito si Hesus sa daigdig upang maging ating Tagapagligtas. At bilang ating Tagapagligtas, ipinamalas ng Panginoong Hesukristo sa lahat kung gaano kalalim at kadakila ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Ang pinakadakilang gawa ng Panginoong Hesukristo kung saan ipinakita Niya sa lahat ang Awa at Habag ng Diyos ay ang Kanyang Banal na Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay.
Nararapat lamang na ang Diyos ay bigyan ng papuri at karangalan. Dapat tayong magbigay ng papuri at karangalan sa Diyos pagkat Siya'y puspos ng Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa lahat. Ipinakita sa atin ng Diyos ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig na puspos ng kadakilaan. Ito'y patuloy na ipinapakita ng Diyos sa atin magpahanggang ngayon. Paulit-ulit Niya itong ginagawa para sa atin. Ang Diyos ay hindi nagsasawa sa pagpapamalas ng Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig para sa atin. Kaya, nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating papurihan at parangalan. Huwag sana tayong magsawa sa pagbibigay ng papuri at karangalan sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento