Lunes, Oktubre 31, 2016

HINDI PANAHON NG KASINDAKAN

31 Oktubre 2016 
Pagninilay para sa Panahon ng Undas 



Tuwing sasapit ang ika-31 ng Oktubre, nagsisilabasan ang mga kasuutan ng mga nakakatakot na karakter, tulad ng mga mangkukulam, mga multo, mga ispiritista, at iba pa. Meron pa ngang naglalabas ng mga disenyong nakakatakot, tulad ng mga bungo. Sa telebisyon at radyo naman, pinapalabas ang mga pelikula o programang nakakasindak. Nakakatakot. Kung papanoorin o papakinggan nang mag-isa ang mga programang iyon, malamang maubusan ang ating mga hininga sa kakasigaw. Bakit? Nakakatakot. Nakakasindak. 

Ang Ika-31 ng Oktubre ay ang simula ng Undas. Ang gabi ng Ika-31 ng Oktubre ay tinatawag ring Gabi ng Pangangaluwa. Subalit, ang gabing ito ay parang nagiging gabi ng kasindakan. Gabi ng pananakot. Bakit naging gabi ng kasindakan o gabi ng pananakot ang gabi ng Ika-31 ng Oktubre? Iyan ba ang gusto ni Hesus? 

Si Hesus ay pumarito hindi upang magbigay sindak sa sangkatauhan. Bagkus, si Hesus ay pumarito upang ipakita at ipadama sa lahat ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. Nagkaroon ng Mukha ang Awa at Habag ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Mukha ni Hesus. Hindi naparito si Hesus upang magdala ng sindak sa tao. Naparito si Hesus upang ipakita at ipadama ang Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. 

Kaya, ang panahon ng Undas ay hindi panahon ng kasindakan. Ang panahon ng Undas ay panahon ng pananalangin para sa mga kaluluwa ng mga mahal nating yumao upang makapiling nila ang Diyos sa langit. Sa piling ng Diyos sa langit, mararanasan nila muli ang Kanyang Awa, Habag, at Pag-Ibig. Hindi ito panahon upang takutin o manindak ng kapwa-tao. Bagkus, ito'y panahon ng pananalangin para sa mga kaluluwa ng mga yumao upang maranasan nila ang Awa at Habag ng Diyos sa langit. Si Hesus ay naparito hindi upang manindak ng tao. Naparito Siya upang ihatid sa atin ang mensahe ng Awa, Habag, at Pag-Ibig ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento