Linggo, Nobyembre 20, 2016

ANG KAPANGYARIHAN NG AWA NI KRISTONG HARI

20 Nobyembre 2016 
Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K) 
2 Samuel 5, 1-3/Salmo 1121/Colosas 1, 12-20/Lucas 23, 35-43 



Kapag nag-isip tayo ng mga katangian ng isang hari o pinuno, agad nating iisipin ang kapangyarihan taglay nila. Makapangyarihan ang bawat hari o pinuno. Taglay nila ang kapangyarihang magpasiya at gumawa ng mga bagay na nararapat para sa mga bayang pinaghaharian o pinamumunuan nila. 

Makapangyarihan rin ang Panginoong Hesukristo. Bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, may kapangyarihan Siya. Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Namalas natin ang Kanyang kapangyarihang banal na nahihigit pa sa mga pwersa at kapangyarihan ng kalikasan. Noong si Hesus ay naglalayag kasama ang mga alagad, sinaway at pinatahimik Niya ang isang napakalakas na unos. Takot na takot ang mga alagad sa mga oras na iyon. Natatakot silang lumubog. Subalit, si Hesus ay kalamdo sa mga oras na iyon. Si Hesus lang ang mahinahon sa mga oras na iyon. At nang bumangon si Hesus mula sa Kanyang pagtulog, ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos upang sawayin ang napakalakas na bagyo. 

Bilang Hari, ang Panginoong Hesukristo ay makapangyarihan. Subalit, ginagamit Niya ang Kanyang kapangyarihan sa ibang paraan. Hindi ginagamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos at Hari tulad ng mga hari o pinuno dito sa mundo. Ginagamit ng Panginoong Hesus ang Kanyang kapangyarihan sa ibang paraan na hindi tulad ng sinumang hari o pinuno dito sa mundo. 

Sa kasaysayan ng ating daigdig, mayroong mga pinuno ng iba't ibang mga bansa na umabuso sa kanilang kapangyarihan. Ang kapangyarihan nila bilang pinuno ng bansa ay inabuso nila. Halimbawa, sina Adolf Hitler ng Alemanya at Joseph Stalin ng Unyong Sobyet (Rusya). Inabuso nila ang kanilang kapangyarihan. Naging mga diktador sila. At bilang mga diktador, ipinalaganap nila ang karahasan sa ilalim ng kanilang pamumuno. Lumaganap ang karahasan. Kaya nga muling nagkaroon ng isang malaking digmaan - ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

Nagkaroon din ng diktador sa ating bansang Pilipinas - si Ferdinand Marcos. Siya ang Pangulo ng ating bansa noong panahon ng Batas Militar. Ang Batas Militar ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan. Noong panahon ng Batas Militar, lumaganap ang karahasan. Marami ang naging biktima, nagdusa, dahil sa pang-aabuso ng mga namumuno sa pamahalaan noong panahon ng Batas Militar. Ito'y isang panahon kung saan lumaganap ang lagim at kadiliman sa ating bansa. Kaya nagkaroon ng isang napakalaking himagsikan - ang Rebolusyon sa EDSA noong 1986. Sawang-sawa na sila sa labing-lima't kalahating taon ng diktadura. Sawa na sila sa pamumuno ng isang diktador. Sawa na sila sa karahasan. Pagbabago ang kanilang hangad. At nakamit ito sa isang mapayapang paraan. 

Mayroong mga pinuno sa mundo na umaabuso ng kanilang kapangyarihan. May mga pinunong nagnanais na magpalaganap ng karahasan. May mga pinunong nais maghasik ng lagim at takot. Hindi iyan si Kristong Hari. Hindi ganyan ang Pagkahari ng ating Panginoong Hesukristo. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos at Hari sa ganung pamamaraan. 

Sa anong paraan ginagamit ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos at Hari? Ginagamit Niya ito upang ipalaganap ang Awa at Kapayapaan. Kapayapaan at Awa ang nais ipalaganap ni Hesus. Hindi nais gamitin ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan para ipalaganap ang karahasan. Hindi dahas ang nais ipalaganap ni Hesus. Bagkus, nais Niyang ihatid ang Awa at Kapayapaan na Kanyang kaloob sa lahat. Awa at Kapayapaan, hindi karahasan at lagim. 

Natunghayan natin ito sa Ebanghelyo. Kahit nakapako si Hesus sa krus, nililibak at kinukutya pa rin Siya ng Kanyang mga kaaway. Ang mga panlalait na ibinabato ng Kanyang mga kaaway ay sobrang dami at sobrang sakit. Subalit, tiniis Niya ang lahat ng mga panlalait at pagkutya ng Kanyang mga kaaway. Tahimik na tiniis ni Hesus ang paglilibak ng Kanyang mga kaaway. Sa katahimikan, nagpakita ng Awa at Kapayapaan si Hesus sa Kanyang mga kaaway. Kahit walang kalaban-laban si Hesus habang nakapako sa krus, Awa ang Kanyang ipinakita.

Ito ang umakit kay Dimas, ang magnanakaw na nagsisi. Naakit siya nang makita niya si Hesus na hindi naghihiganti sa Kanyang mga kaaway. Tahimik na tiniis ni Hesus ang lahat ng mga iyon. Mapayapa, mahinahon si Hesus kahit kinukutya. At sa pamamagitan ng pagiging mahinahon at mapayapa habang nakapako sa krus, nagpakita ng Awa si Hesus. Ipinakita ni Hesus na higit na makapangyarihan ang Kanyang Awa sa anumang pwersa ng karahasan at kasamaan. 

At noong magsisi si Dimas, ipinagkaloob ni Hesus ang Kanyang kahilingan. Ang pangako ng Paraiso ay ipinagkaloob ni Hesus sa nagtitikang magnanakaw. Hindi kinalimutan ni Hesus ang ginawang pagsisi at pagtalikod ng magnanakaw mula sa kanyang mga kasalanan, kahit naghihingalo na siya. Ipinangako ni Hesus na ang magnanakaw na ito ay isasama Niya sa Kanyang kaharian, ang tunay na Paraiso. Dahil sa pagsisisi ng magnanakaw na ito, naranasan niya ang Awa ng Diyos. Ang pangako ng Awa ng Diyos ay nakamtan niya. 

Magdiwang at magpasalamat tayo kay Kristong Hari. Ipinakita ni Kristong Hari ang Kanyang banal na kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapakita ng Awa at Habag sa atin. Namalas natin ito noong Siya ay magkatawang-tao. Muli nating ito namalas noong inihain Niya ang Kanyang buhay sa krus. At muli nating namalas ito noong Siya ay muling mabuhay sa ikatlong araw. Ang tatlong bahagi na ito sa buhay ni Hesus ang mga pinakadakilang larawan ng Kanyang Awa at Habag para sa atin. Kaya, nararapat lamang na magdiwang at magpasalamat tayo kay Kristo na ating Hari. Tunay na Awa at Habag ni Kristong Hari para sa ating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento