Linggo, Nobyembre 13, 2016

ANG TUNAY NA WALANG HANGGAN

13 Nobyembre 2016
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Malakias 3, 19-20a/Salmo 97/2 Tesalonica 3, 7-12/Lucas 21, 5-19 


Sa nalalapit na pagtatapos ng Taon K sa ating Kalendaryong Panliturhiya para sa taong ito, tayo ay binibigyan ng pagkakataong pagnilayan ang mga pangyayaring magaganap sa katapusan ng panahon. Ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may katapusan. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Subalit, ang walang hanggan ay matatagpuan natin sa kabilang buhay. 

Mahahanap natin ang walang hanggan sa dalawang lugar sa kabilang buhay - ang langit at ang impyerno. Ang mga mabubuting tao at ang mga banal ay mapupunta sa langit. Ang mga masama na hindi nagsisi at tumalikod mula sa kanilang mga kasalanan ay mapupunta at magdurusa sa impyerno. Ang mga mabubuting tao na namatay sa estado ng grasya ng Diyos, subalit may bahid ng kasalanang benyal, ay mapupunta muna sa Purgatoryo. Pansamantala lamang ang kanilang pananatili sa Purgatoryo. Hindi sila mananatili roon magpakailanman. Lilinisin muna sila mula sa mga bahid ng mga kasalanang benyal, mga maliliit na kasalanan. Pagdating ng takdang panahon, kung kumpleto na ang proseso ng paglilinis sa kanila, maaari na silang pumasok sa kaharian ng langit. 

Binababalaan tayong lahat ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa ngayon na nalalapit na ang pagwawakas ng panahon. Hindi natin alam kung kailan sasapit ang takdang araw. Subalit, hindi magluluwat at darating din, sasapit na rin, ang wakas ng panahon. Darating din ang ating Panginoon. Muli Siyang darating bilang Hukom ng nangagbubuhay at nangamatay na tao. 

Isang napakatinding babala mula sa Panginoong Diyos ang mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Malakias. Sa Unang Pagbasa, isinilarawan ng Diyos ang Kanyang poot. Lilipulin ng Diyos ang mga palalo at masasama. Dahil hindi nila pinagsisihan o tinalikdan ang kanilang mga kasalanan, parurusahan sila ng Diyos. Ang parusang ipapataw sa kanila ng Dios ay napakabigat. Masakit man para sa Diyos ang lipulin ang mga ito, gagawin Niya ito sapagkat hindi sila nagsisi o tumalikod sa kasalanan. 

Subalit, may pangakong binitiwan ang Diyos sa bandang huli ng Unang Pagbasa. Ang pangakong binitiwan ng Diyos ay para sa mga matutuwid, mabubuti, at ang mga nagsisi't tumalikod mula sa kanilang mga kasalanan. Ipinangako ng Diyos na ang mga matutuwid, mabubuti, at ang mga nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan ay makakaranas ng Kanyang pagliligtas. Ililigtas sila ng Diyos mula sa Kanyang kaparusahan. Makakapiling din nila ang Diyos sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng panahon. 

Ang mga taga-Tesalonica ay iniutos ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na huwag bigyan ng pagkain, inumin, o anumang gantimpala ang ayaw gumawa. Ito ang parusang ipapataw sa kanila dahil sa kanilang katamaran. Itinagubilin rin ng buong kahigpitan ni San Pablo Apostol na ang lahat ay dapat maghanap-buhay at mamuhay nang maayos. Maaari din natin itong gamitin sa konteksto ng kaligtasan natin. Kailangan nating pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan nang sa gayo'y kahahabagan, kaaawaan, at ililigtas tayo ng Diyos. Mahirap mang gawin ito, kailangan itong gawin upang maranasan ang Awa, Habag, at Pagliligtas ng Diyos. 

Sa Ebanghelyo, isang mensahe na magbibigay ng pag-asa ang namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesus. May pangako si Hesus para sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, sa gitna ng mga pagsubok at pag-uusig sa buhay dito sa lupa. Makakatanggap ng gantimpala mula sa Kanya ang bawat taong mananatiling tapat sa Kanya, sa kabila ng kalupitan ng buhay. Tiniis ang bawat tukso, pagsubok, pag-uusig, sa buhay alang-alang kay Kristo. May gantimpalang inilaan si Kristo Hesus para sa mga tapat sa Kanya hanggang sa katapusan. 

Pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan. Sikapin nating umiwas mula sa mga kasalanan, malaki man o maliit. Sikapin rin nating mamuhay para sa Diyos. Harinawa, mararanasan natin ang Awa, Habag, at Pagliligtas ng Diyos. Sa Diyos natin matatagpuan ang tunay na magpakailanman. Hindi natin matatagpuan ang tunay na walang hanggan dito sa daigdig. Sa Diyos lamang matatagpuan ito. Siya ang Alpha at Omega, ang Simula at ang Katapusan. Walang hanggan ang Kanyang Awa, Habag, Katarungan, at Pagliligtas. Siya rin ang magpapasiya sa katapusan ng panahon kung saan tayo hahantong magpakailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento