9 Nobyembre 2016
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Sa pagdiriwang ng Hubileyo ng Awa, ang bawat (Arki)Diyosesis sa buong mundo ay nagtalaga ng mga Simbahan para sa Peregrinasyon. Mayroong mga Banal na Pintuan ang bawat Simbahang itinalaga bilang Simbahan para sa Peregrinasyon o Banal na Paglalakbay. Sa Arkidiyosesis ng Maynila, limang Simbahan ay itinalaga bilang mga Simbahan ng Peregrinasyon. Kabilang na rito ang Kalakhang Katedral at Basilika Menor ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Intramuros, Maynila.
Ano ang nais ipahiwatig ng Simbahan sa pagtatalaga ng mga Simbahan para sa Banal na Paglalakbay? Nais ipahiwatig ng Simbahan na ang Simbahan ay daluyan ng Awa ng Diyos. Tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan ni Kristo. Ibinuhos ng ating Panginoong Hesukristo sa Kanyang Simbahan ang Kanyang Banal na Awa na puspos ng kadakilaan. Ang Kanyang Simbahan ay daluyan ng Kanyang Awa.
Sa Ebanghelyo, nilinis ni Hesus ang Templo dahil sa Kanyang malasakit. Para sa mga Hudyo, ang Templo ay ang Tahanan ng Diyos. Dito matatagpuan ang Kaban ng Tipan. Dito nananahan ang Diyos. Kaya, noong makita ng Panginoong Hesus ang mga tindero't tindera at ang mga namamalit ng salapi sa buong kapaligiran ng Templo, agad Niyang pinalayas ang mga ito. Ginawang palengke o pugad ng mga magnanakaw ang tahanan ng Diyos. Hindi binigyan ng halaga ang kasagraduhan ng Banal na Lugar. Hindi binigyan ng halaga ang presensya ng Diyos sa Templo. Ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay binastos at binaboy.
Hindi pinahalagahan ng tao ang Awa ng Diyos na dumadaloy sa Banal na Lugar na ito. Naging ignorante ang mga taong ito sa pagdaloy ng Awa ng Diyos. Ang Templo ang tahanan ng Diyos. Dito nananahan ang Diyos. Ibinubuhos Niya ang Kanyang Awa sa lahat. Subalit, hindi ginamit ng mga tao ang pagkakataong maramdaman ang presensya at Awa ng Diyos. Mas mahalaga ang pagkakaitaan. Mas gusto nilang kumita ng maraming pera kaysa maramdaman at damhin ang presensya at Awa ng Diyos. Ang Diyos ay kanilang pinagpalit. Iba na ang kanilang Diyos. Hindi na ang Diyos ang kanilang sinasamba kundi ang kanilang kayamanan.
Kaya, noong ang mga Hudyo'y humingi ng tanda mula kay Hesus, sinabi Niyang muli Niyang itatayo ang Templo sa loob ng tatlong araw. Kahit winasak o giniba ang Templo, muli itong itatayo ni Hesus sa loob ng tatlong araw. At ang Templo na itinutukoy ni Hesus ay ang Kanyang Katawan. Nagkatotoo ito sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Si Hesus ay namatay sa krus, at nang mamatay, ang Kanyang tagiliran ay inulos ng isa sa mga kawal gamit ang kanyang sibat. Ang dugo at tubig - mga simbolo ng Awa ni Kristo - ay dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. At sa ikatlong araw, si Hesus na Poong Mahal ay muling nabuhay.
Dumaloy ang Dugo at Tubig mula sa tagiliran ni Hesus noong Siya'y namatay. Ang Dugo at Tubig ay mga simbolo ng Kanyang Awa. Nililinis Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Dugo at Tubig na dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. Nilinis ang sangkatauhan mula sa bahid ng kasalanan. Gaano mang kalaki ang bahid ng kasalanan sa bawat tao, hindi mapapantayan nito ang kapangyarihan ng Awa ng Diyos na dumaloy sa pamamagitan ni Hesus na nakapako sa krus.
Patuloy na ipinapadaloy ng Panginoon ang Kanyang Banal na Awa na puspos ng kadakilaan sa ating lahat. Ibinubuhos Niya ito sa atin sapagkat tayong lahat ang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Ang tanong ay - Binibigyan ba natin ng halaga ang Awa ng Diyos na patuloy na ibinubuhos sa atin? Mahalaga pa rin ba sa atin ang presensya at Awa ng Diyos? Iba na ba ang Diyos natin?
Bigyan natin ng halaga ang presensya at Awa ng Diyos. Patuloy na ipinapadama sa atin ng Panginoon ang Kanyang presensya at Awa. Tayong lahat ay napakahalaga sa Kanya sapagkat tayong lahat ang bumubuo sa Kanyang Simbahan. Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag sa Kanyang Simbahan. Mapalad tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo sapagkat patuloy na ipinapadama sa atin ang presensya at Awa ng Panginoon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento