24 Disyembre 2016
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon:
Pagmimisa sa Bisperas
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25)
Ang tema ng Pasko ay pag-ibig. Unang nagpakita ng pag-ibig ang Diyos. Sabi nga ni Apostol San Juan sa kanyang unang sulat, "Tayo'y umiibig sapagkat una tayong inibig ng Diyos." (4, 19) Unang umibig ang Diyos. Sa kasaysayan, Siya ang unang umibig. Ipinapakita ng Diyos sa iba't ibang paraan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Walang makakapantay sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos.
Upang maging kapani-paniwala ang pag-ibig ng umiibig, sinusuyo ang iniibig. Sa kultura nating mga Pilipino, hindi kaila ang pagsuyo. Masasabi nating karamihan sa ating mga Pilipino ay mga dalubhasa pagdating sa pagsuyo ng mga iniirog. Ang pagsuyo ay dinadaanan sa iba't ibang pamamaraan. Isang halimbawa nito ay ang pag-awit. Madalas itong makikita sa mga nanliligaw. Inaawitan ng manliligaw ang kanyang nililigawan upang ipahayag ang pag-ibig na nararamdaman niya para sa sinisinta. Harana ang tawag sa kaugaliang ito sa tradisyon nating mga Pilipino.
Dahil ang Diyos ang unang umibig, masasabi rin nating Siya ang unang sumuyo. Subalit, dinaanan ng Diyos ang Kanyang pagsuyo sa tao sa ibang paraan na hindi tulad ng sa tao. Ang Diyos ay sumuyo sa tao sa pamamagitan ng gawa. Ang lahat ng Kanyang mga nilikha at ginawa ang mga tahimik na saksi sa pagsuyo ng Diyos sa tao. Nagpapatotoo ang mga ito sa isang tahimik na pamamaraan sa pagsuyo ng Diyos sa sangkatauhan. Ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang pagsuyo sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa.
Ang pinakadakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos ay ang pagkakaloob Niya kay Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao. Naging tao ang Diyos upang iligtas ang Kanyang bayan. Niloob Niyang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Inihayag at ipinamalas ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig sa santinakpan sa pamamagitan ng Kanyang pagparito bilang Tagapagligtas.
Isinasalarawan ng mga Pagbasa para sa Bisperas ng Pasko ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias ang Kanyang pagmamahal para sa Kanyang bayan sa Unang Pagbasa. Labis na kinalulugdan ng Diyos ang Kanyang bayan dahil sa Kanyang pagmamahal. Si Apostol San Pablo ay nagpatotoo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na Kanyang ipinakita sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ni Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Hesus, inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig na dakila at walang kapantay. Isinalaysay naman ni San Mateo sa Ebangheyo ang pagsilang ni Hesus. Si Hesus ay bumaba sa lupa at nagkatawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagparito bilang Manunubos ng tao, inihayag ni Hesus sa lahat ang Kanyang pag-ibig na dakila at walang kapantay.
Ang kwento ng Pasko ay kwento ng pag-ibig. Noong unang Pasko, ipinamalas ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus. Isinilang si Hesus sa mundo upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa tao. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan, tinupad ng Diyos ang pangakong Kanyang binitiwan sa Kanyang bayan. Nangako ang Diyos na Siya'y darating upang iligtas ang Kanyang bayan. Ipapadala ng Panginoon ang Kanyang sarili para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo at Anak ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento