26 Pebrero 2017
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 49, 14-15/Salmo 61/1 Corinto 4, 1-5/Mateo 6, 24-34
Ang Unang Pagbasa ay tungkol sa isang pagsasalitaan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan. Ang mga tao'y nalulumbay at nawawalan ng pag-asa sapagkat sa kanilang pananaw, kinalimutan na sila ng Diyos. Akala ng mga tao'y nakalimot na ang Panginoon, pinabayaan Niya silang nangungulila. Subalit, ang tugon ng Diyos sa kanilang pananaghoy ay isang tugon na nagbibigay ng pag-asa. Ipinahayag ng Poon na hinding-hindi Niya magagawang limutin o pabayaang nangungulila ang bayang labis Niyang minamahal.
Ang Diyos ay hindi nagpapabaya. Hindi Siya nakakalimot. Ang Mahal na Poon ay laging nakakaalala sa atin. Hinding-hindi tayo kinakalimutan o pinapabayaan ng Panginoon. Lagi Niya tayong inaalala at inaaruga. Lagi tayong pinapatnubayan at ginagabayan ng Panginoong Diyos. Siya'y lagi nating kasama at karamay. Puspos ng pagmamahal ang Diyos para sa ating lahat.
Isang hiwaga ang pagmamahal ng Diyos. Ang hiwagang ito'y alam natin. Subalit, mahirap ipaliwanag ng mga salita kung gaano kadakila at kalalim ang pag-ibig ng Diyos. Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Walang salita sa mundo ang sapat na makapagpapaliwanag sa misteryong ito.
Si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa kanyang tungkulin bilang apostol at misyonero ni Kristo sa Ikalawang Pagbasa. Sinabi ni Apostol San Pablo na bilang isang lingkod ni Kristo, siya'y isang katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Iniingatan, pinapahalagahan ng mga apostol ang hiwaga ng Diyos. Ang mga hiwaga ng Diyos ay napakasagrado. Kailangan itong ingatan at pahalagahan. Ipinangangaral rin ito ng mga apostol sa mga madla nang mapahalagahan at ingatan ito ng madla.
Iyan ang pangunahing misyon ng Inang Simbahan, magpahanggang ngayon. Ang Simbahan ay itinatag ng Panginoong Hesukristo upang sumaksi at magpatotoo sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Hindi magmamaliw ang pag-ibig ng Dios. Mananatili ang dakilang pagmamahal ng Panginoon magpakailanman. Ang pag-ibig ng Mahal na Poon ay hindi kumukupas, hindi sumusuko, hindi lumilimot. Dahil sa dakilang pag-ibig na ito ng Diyos, tayo ay lagi Niyang inaaaruga at sinasamahan. Hinding-hindi tayo lilimutin o pababayaang maulila.
Sa Ebanghelyo, inilalarawan ni Hesus kung gaano tayo iniibig ng Diyos. Inihayag ni Hesus na batid ng Ama ang ating mga pangangailangan. Ipinagkakaloob rin ng Diyos sa atin ang anumang kailangan natin. Ganyan tayo kamahal ng Diyos. Ang katotohanan ito ang nagpapatunay na ang Diyos ay mapag-aruga at mapagmahal. Batid ng Poong Mahal ang ating mga pangangailangan. Ibinibigay sa atin ng Poon ang anumang kailangan natin. Hindi nakakalimot ang Diyos. Lagi tayong inaalala, iniisip, at inaaruga ng mahabaging Amang nasa langit.
Lakasan natin ang ating loob. Manalig tayo sa Panginoon. Hindi Siya nakakalimot. Hindi Siya nagpapabaya. Wala Siyang balak limutin tayo. Hindi Niya binabalak na pabayaan tayong maging mga ulila. Bagkus, lagi tayong inaaruga, kinakalinga, at iniibig ng Diyos bilang Kanyang mga anak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento