Linggo, Pebrero 19, 2017

PATI SA ATING MGA KAAWAY

19 Pebrero 2017
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Levitico 19, 1-2. 17-18/Salmo 102/1 Corinto 3, 16-23/Mateo 5, 38-48 



Ang sentro ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay isang tagubilin para sa ating lahat mula sa Mahal na Poon. Ang tagubiling ito ng Panginoon ay napakahalaga. Dapat nating sundin at tuparin ang tagubiling ito. Ito ang sentro ng ating misyon bilang mga tagasunod ni Kristo dito sa lupang ibabaw. At ang tagubiling ito ng Mahal na Poon ay maging mahabagin at mapagmahal katulad Niya. Kapag tayo'y nagsikap sa pagsunod at pagtupad sa tagubiling ito, makikilala ng lahat na tayong lahat ay mga tagasunod ng Mahal na Poong Hesus, tulad ng Kanyang winika sa Kanyang mga disipulo sa ikalabintatlong kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan (13, 35).

Bago pa man pumanaog ang Diyos sa daigdig sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus, ang tagubiling ito ay ibinahagi Niya sa Kanyang bayan. Matutunghayan natin ito sa Unang Pagbasa kung saan nakipag-usap Siya kay Moises. Nagsalita ang Diyos kay Moises tungkol sa isang tagubiling napakaimportante. Ang tagubiling ito'y inilahad ng Diyos kay Moises upang maibahagi naman ito sa Kanyang bayang hinirang. Ang tagubiling ito ng Diyos ay ibigin ang kapwa. 

Muling inihayag ang tagubiling ito sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang lahat ng tao'y dapat nating mahalin. Hindi lamang kapwa ang dapat nating ibigin, kundi na rin ang ating mga kaaway. Ipanalangin rin natin ang ating mga tagausig. Kapag sinampal sa kanang pisngi, iharap naman ang kabila. 

Nagsalita rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa tagubiling ito ng Mahal na Poon. Sinabi niya na ang bawat isa'y templo ng Diyos at pananahan ng Espiritu Santo. Tayong lahat ay banal at sagrado. Ang buhay natin ay banal at sagrado. Ang ating mga katawan ay banal at sagrado. Pag-aari ng Diyos ang ating mga katawan at buhay. Hindi tayo mga may-ari ng buhay kundi ang Poong Diyos na Siyang bukal at pinagmumulan ng buhay. Ang ating mga katawan at ang ating buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Mga tagapangasiwa lamang tayo nito. 

Hindi madali para sa atin ang pagtupad sa tagubiling ito. Mga tao lamang tayo na may mga lakas at kahinaan. Nagkakasala rin tayo. Mahirap tuparin ang tagubiling ito ng Mahal na Poong Hesus. Ito'y may kalakip na sakripisyo. Mahirap ibigin ang ating mga kaaway. Anino pa lamang nila ang nakikita natin, sira na ang araw. Mga panira ng araw, buwisit, ang ating mga kaaway. Kumukulo pa nga ang dugo natin kapag nakikita natin sila. Gusto natin silang bigwasin, o kaya nama'y lasunin. 

Subalit, para kay Hesus, gaano mang kahirap para sa atin ang pagtupad sa habilin Niyang ito, kailangan nating itong gawin. Kailangan nating gawin ito upang tayo'y magiging ganap, tulad ng ating Amang nasa langit. Kung tayong lahat ay inibig at kinahabagan ng Ama, kahit tayo'y mga makasalanan, dapat nating ibigin ang mga kaaway natin, gaano mang kahirap ito. Kailangan nating ibahagi ang Awa at Pag-Ibig ng Diyos sa bawat isa, lalo na sa mga kaaway natin. 

Ibigin ang lahat ng tao. Ibigin natin ang ating kapwa at mga kaaway. Iyan ang utos ng Panginoong Hesus. Ibahagi natin ang Awa at Pagmamahal ng Diyos sa lahat ng tao, pati na rin sa ating mga kaaway. Gaano mang kahirap ito para sa atin, ito ang dapat nating gawin bilang mga tagasunod ni Kristo Hesus. Sa gayon, ang Habag at Pag-Ibig ng Diyos ay lalaganap sa ating daigdig. Ito ang unang hakbang sa landas patungo sa kaganapan at kabanalan. Sikapin nating tuparin ang tagubilin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento