1 Marso 2017
Miyerkules ng Abo
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18
Dalawang bagay ang nais ipaalala sa atin sa pasimula ng panahon ng Kuwaresma ngayong Miyerkules ng Abo. Una, ang buhay natin dito sa lupa ay pansamantala lamang. Hindi permanente ang buhay dito sa lupa. Darating din ang araw kung kailan tayo lilisan sa mundong ito. At pangalawa, ang Diyos ay puspos ng awa at habag. Dapat tayong manumbalik at makipagkasundo sa Panginoon habang tayo'y nabubuhay at naglalakbay dito sa sanlibutan. Tayo'y binibigyan ng pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Diyos. At kapag tayo'y nanumbalik at nakipagkasundo sa Diyos, ibubuhos Niya sa atin ang biyaya ng Kanyang Awa. Hinding-hindi Niya ipagkakait sa atin ang biyaya ng Kanyang Banal na Awa kapag taos-puso tayong manunumbalik at makikipagkasundo sa Kanya.
Ang mga Pagbasa ngayong Miyerkules ng Abo ay tungkol sa Awa at kagandahang-loob ng Diyos. Dapat sa Awa at kagandahang-loob ng Diyos, ang bawat isa sa atin ay Kanyang tinatawag upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Nais ibahagi ng Mahal na Poon ang Kanyang Banal na Awa at Habag sa ating lahat. Kapag tayo ay nagsisi at nagbalik-loob sa Kanya, ibubuhos Niya sa atin ang Kanyang Banal na Awa. Hinding-hindi ipagkakait ng Panginoong Diyos ang Kanyang Banal na Awa sa sinumang taos-pusong nagsisisi at nagbabalik-loob sa Kanya.
Inihayag ni propeta Joel sa Unang Pagbasa ang panawagan ng Diyos. Ang Diyos ay nananawagan na magsisi at magbalik-loob sa Kanya ang bawat isa. Ang bawat isa ay tinatawag ng Diyos, na Siyang bukal ng Awa, upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Siya'y puspos ng Awa at kagandahang-loob. Dahil sa Kanyang Awa at kagandahang-loob para sa lahat, tinatawag Niya ang bawat isa na magsisi at magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso.
Muling binigyang-diin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ngayon na ang panahong nararapat para makipagkasundo sa Diyos. Nararapat lamang na pagsisihan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos ngayon din. Habang tayo'y nabubuhay pa dito sa mundo, dapat nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at humingi ng Awa at kapatawaran mula sa Panginoon. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Mahal na Poon upang makipagkasundo sa Kanya. Samantalahin natin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Poong Maykapal para makipagkasundo sa Kanya.
Sa Ebanghelyo, ipinapahayag ni Hesus na ang pagsisisi, pagbabalik-loob sa Diyos, at anumang pamamanata na gawin natin ay dapat maging taos-puso. Hindi dapat maging pakitang-tao lamang ang ating pag-aayuno, paglilimos, pananalangin, at pamamanata. Ito ay dapat maging bukal sa ating puso't kalooban. Dapat natin ito gawin nang palihim. Dapat gawin natin ito, kahit walang nakakakita sa ating mga ginagawa. Kapag iyan ang ginawa natin, gagantimpalaan tayo ng Ama.
Binibigyan tayo ng pagkakataon ng Maykapal upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya dahil sa Kanyang Awa at kagandahang-loob. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Poong Maykapal upang magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Habang tayo'y nabubuhay at naglalakbay sa daigdig, samantalahin na natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Mahal na Poong Maykapal upang manumbalik at makipagkasundo sa Kanya. Hindi tayo itatakwil ng Poon o pagkakaitan ng Kanyang Banal na Awa kapag taos-puso tayong lumapit sa Kanya upang humingi ng Awa at kapatawaran sa Kanya. Bagkus, kusang ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang Banal na Awa sa atin kapag iyon ang nangyari.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento