Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A)
Genesis 2, 7-9; 3, 1-7/Salmo 50/Roma 5, 12-19 (o kaya: Roma 5, 12. 17-19)/Mateo 4, 1-11
Dalawang importanteng tambalan ang nais pagtuunan ng pansin ngayong Unang Linggo ng Kuwaresma. Una, ang tambalan nina Adan at Eba. Sina Eba't Adan ang unang lalaki at babae dito sa mundo, ang unang magkabiyak ng puso. Si Adan ay nilikha ng Diyos mula sa alabok habang si Eba naman ay nilikha mula sa isang tadyang ni Adan. Pangalawa, ang tambalan ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria. Ang napakahalatang pagkakaiba ng dalawa ay sina Adan at Eba ay magkabiyak samantalang sina Hesus at Maria ay mag-ina. Si Hesus ang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao at si Maria naman ang nagluwal at umaruga sa Kanya bilang kanyang Anak na labis niyang minamahal.
Subalit, may mas malaking pagkakaiba sa dalawang tambalang ito. Ito naman ang inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Bagamat hindi binanggit ang pangalan nina Eba at Maria, inilarawan ni San Pablo Apostol ang naging sanhi ng pagdating ng dalawang tambalang ito. Sa pamamagitan ni Adan, pumasok ang kasalanan at kamatayan sa sanlibutan. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, pumasok sa sanlibutan ang Awa at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng buhay na ganap at kasiya-siya at kapatawaran ng mga kasalanan.
Mapapakinggan sa Unang Pagbasa ang salaysay ng pagkalugmok ng tao. Tinukso ng ahas (na sumasagisag sa demonyo) si Eba sa Halamanan ng Eden. Kahit sila'y pinagbawalan ng Diyos na kumain ng bunga mula sa puno ng karunungan ukol sa kabutihan at kasamaan, ginawa pa rin iyon ng mag-asawa. Nilabag nila ang utos ng Diyos. Mas pinili nilang sumunod sa ahas at sa masamang pita kaysa sa Diyos. Dahil doon, ang kasalanan at kamatayan ay pumasok sa mundo. Nalugmok ang tao sa kasalanan dahil sa kanilang pagsuway sa Diyos.
Tampok sa Ebanghelyo ngayon ang salaysay ng pagtukso sa Panginoong Hesus sa ilang. Nag-ayuno at nanalangin ang Panginoong Hesukristo sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Mahabang panahon iyon. Labis na nanghina at nagutom si Hesus sa panahong iyon. Ang demonyo ay lumapit kay Hesus upang tuksuhin Siya. Sinamantalahan ng demonyo ang pagkakataong mahinang-mahina si Hesus upang tuksuhin Siya. Subalit, sa kabila ng Kanyang kagutuman at kahinaan dahil sa apatnapung araw na pag-aayuno, si Hesus ay lumaban at nagtagumpay laban sa mga tukso ni satanas. Tatlong ulit tinukso ng demonyo si Hesus, tatlong ulit na lumaban at nagtagumpay ang Mahal na Poong Hesus.
Ang demonyo'y mahirap kalabanin nang nag-iisa. Matalino ang demonyo. Hindi niya tutuksuhin ang bawat isa kapag siya'y malakas. Tutuksuhin niya ang bawat isa kapag siya'y napakahina. Kapag mahina ang tao, sasamantalahin ng demonyo ang pagkakataong iyon. Kapag nanunukso, hindi niya ipapakita ang kapangitan at kasamaan. Bagkus, ipapakita niya ang kagandahan at kabutihan. Lilinlangin ng demonyo ang bawat isa kapag siya'y nanunukso.
Subalit, nagtagumpay ang tambalan ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Inang si Maria laban sa mga tukso ng demonyo. Hindi sila nagpadaig sa demonyo. Bagkus, lumaban at nagtagumpay sina Hesus at Maria laban sa mga tukso ng demonyo. Sa pamamagitan ng mag-inang sina Maria at Hesus, natupad ang propesiya sa aklat ng Genesis na nagsasabing dudurugin ang ulo ng ahas. Pinatunayan nina Hesus at Maria na kahit mahirap labanan ang demonyo, maaaring magtagumpay laban sa demonyo. Paanong nagtagumpay sina Hesus at Maria laban sa demonyo? Sila'y tumalima at sumunod sa kalooban ng Diyos.
Buong kababaang-loob na bumaba mula sa langit at naging tao ang Diyos Anak na si Kristo Hesus upang labanan ang demonyo. Nagkatawang-tao Siya at iniluwal ng Mahal na Birheng Maria, na tumalima rin sa kalooban ng Diyos. Nilabanan Niya ang demonyo, at nakamit ang tagumpay sa pamamagitan ng pagtalima sa naisin ng Ama. Inihain Niya ang Kanyang buhay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan nito, nagtagumpay si Hesus laban sa demonyo. Dinurog ng Poong Hesus ang ulo ng ahas, ang ulo ng demonyo.
Ang Mahal na Birheng Maria ay lumaban sa demonyo. Tinanggap at sinunod niya ang kalooban ng Diyos, kahit alam niyang ito'y napakahirap. Hinirang ng Diyos si Maria upang maging ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus, ang Anak ng Diyos. Kahit batid ng Mahal na Inang si Maria na mahirap unawain, ilarawan, at gampanan ang iniuutos ng Diyos sa kanya, buong kababaang-loob at pananalig siyang tumalima sa kalooban ng Diyos.
Lagi tayong tinutukso ng demonyo araw-araw. Mahirap siyang kalaban. Subalit, hindi imposibleng magtagumpay laban sa demonyo. Sama-sama tayong lumapit at kumapit sa tambalan ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Inang Maria. Sama-sama tayong manalangin sa Panginoong Hesukristo kasama ang Mahal na Ina, ang Birheng Maria. Lagi tayong tutulungan ng Mahal na Poong Hesus at ng Mahal na Inang Maria sa ating pagtitiis at pakikibaka laban sa mga tukso ng demonyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento