Sabado, Marso 25, 2017

LIWANAG NA NAGBIBIGAY PAG-ASA AT KAGALAKAN

26 Marso 2017 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda (A) 
1 Samuel 16, 1b. 6-7. 10-13a/Salmo 22/Efeso 5, 8-14/Juan 9, 1-41 (o kaya: 9, 1. 6-9. 13-17. 34-38)



Lungsod ng Kapayapaan, 
magalak tayo't magdiwang.
Noo'y mga nalulumbay, 
ngayo'y may kasaganaan 
sa tuwa at kasiyahan. 
(Isaias 66, 10-11) 

Kilala rin ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma bilang Linggo ng Laetare, Linggo ng Kagalakan. Inihayag sa mga Pagbasa ang dahilan kung bakit ang bawat isa'y dapat magdiwang nang buong kagalakan. Tayong lahat na kabilang sa bayan ng Diyos ay naglalakbay sa liwanag. Ang Panginoong ating Pastol at bukal ng tuwa't galak ang liwanag na tumatanglaw at nagniningning. Ang liwanag ng Panginoon ang pumapawi sa kapangyarihan ng kadiliman. Nagdudulot ng kagalakan at pag-asa ang liwanag ng Diyos sa lahat na kabilang sa Kanyang bayan. 

Nasaksihan ni propeta Samuel sa Unang Pagbasa kung paanong nagdulot ng pag-asa't kagalakan ang liwanag ng Diyos. Namalas niya ito noong hinirang si David, isang pastol at bunsong anak ni Jesse. Isang hamak na pastol, isang bunsong anak, ang hinirang ng Diyos upang mamuno sa Kanyang sambayanan bilang hari. Ang haring mas mabuti at mas magaling pa kaysa sa kasalukuyang hari ng Israel na si Haring Saul ay natagpuan na ni Samuel. Namuhay sa kadiliman ang bayang Israel sa ilalim ng pamumuno ni Haring Saul magmula noong sinuway niya ang utos ng Diyos. Subalit, nagkaroon ng pag-asa si Samuel nang makita niya ang binatilyong pastol na si David, ang bunsong anak ni Jesse. Nakita ni Samuel ang pagkilos ng liwanag ng Diyos noong hinirang at pinahiran ng langis ang binata. Nagkaroon ng pag-asa ang bayang Israel na makapamuhay muli sa liwanag ng Diyos. 

Si Apostol San Pablo ay nagsalita sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa kagalakan at pag-asang dulot ng liwanag ng Diyos. Tayo'y nagkaroon ng galak at pag-asa dahil kay Hesus. Ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus ay pumanaog sa sanlibutan upang magdulot ng pag-asa't kagalakan. Ipinalaganap ni Hesus ang Kanyang liwanag noong Siya'y pumarito sa daigdig. Ang liwanag Niya'y tumatanglaw at nagniningning sa buong daigdig, magpahanggang ngayon. Hindi na nababalot ng kapangyarihan kadiliman, kasamaan, at kamatayan ang daigdig sapagkat ito'y lubusan nang pinawi ng tunay na liwanag na si Hesus. 

Matutunghayan sa Ebanghelyo kung paanong ang isang lalaking ipinanganak na bulag ay nakakita. Ang lalaking ipinanganak na bulag ay nagkaroon ng pag-asang makita ang kagandahan ng daigdig. Hindi inakalang makakakita ang lalaking ito. Sa mata ng karamihan noong panahong iyon, walang pag-asa ang lalaking ito. Ang lalaking ito'y mananatiling bulag habambuhay. Subalit, binigyan siya ng pag-asa ni Hesus. Nagkaroon ng pag-asang makakita ang lalaking ipinanganak na bulag dahil kay Hesus. Si Hesus ang Siyang nagbigay-liwanag sa mga mata ng lalaking ito. Nakakita ang lalaking ito dahil kay Hesus. 

Kay laki ng kagalakang naramdaman ng lalaking ito noong nakakakita na siya sa wakas. Ang lalaking ito'y nagalak nang mamulat na rin niya sa wakas ang kanyang mga matang nakapikit magmula noong siya'y ipinanganak. Kay laki rin ng galak ng mga magulang ng lalaking ito nang makita nilang nakakakita na rin sa wakas ang kanilang anak. Alam nilang matagal nang nagdusa ang kanilang anak dahil sa kanyang pagkabulag. Magmula noong isilang sa mundo, nagdusa na ang kanilang anak. Hindi siya nakakita; siya'y bulag. Matindi ang pagdurusang naranasan ng kanilang anak. Subalit, nagbago ang lahat dahil sa Panginoong Hesus. Dahil kay Hesus, nagkaroon ang pamilyang ito ng pag-asa't kagalakan. 

Si Hesus ang tunay na liwanag. Ang kaliwanagang dulot Niya'y nagbibigay ng pag-asa't kagalakan sa bawat isa. Ang bawat isa sa ati'y may pag-asa't kagalakan dahil sa liwanag ni Hesus, ang liwanag na nagniningning at tumatanglaw. Ang liwanag ni Hesus ang pumapawi at sumisindak sa kadiliman. Hayaan nating manaig at maghari sa ating buhay ang tunay na liwanag na si Hesus upang tayong lahat ay magkaroon ng tunay na pag-asa't kagalakang nagmumula sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento