Linggo, Marso 19, 2017

KAY GANDA NG BALITANG HATID NG KALOOBAN NG DIYOS

25 Marso 2017 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 



Ang pagbabalita ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Ina ay isang napakahalagang kabanata sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Sa sandaling ito, buong kababaang-loob na tinanggap at tumalima ang Mahal na Birheng Maria sa kalooban ng Diyos. Nagkatawang-tao at ipinaglihi sa sinapupunan ng Mahal na Birhen ang Verbo at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. Sa sandaling ito'y nagsimulang magkaroon ng katuparan ang kalooban ng Diyos. 

Niloob ng Diyos na iligtas ang lahat. Matagal nang inihayag ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Nangako ang Panginoon na Siya ang magkakaloob ng Manunubos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ipapadala ng Diyos ang Mesiyas na Tagapagligtas sa Kanyang bayan pagdating ng takdang panahon. Ilang ulit rin itong inihayag at hinulaan ng mga propeta sa Matandang Tipan. 

Isa sa napakaraming mga hula sa Lumang Tipan ukol sa pagdating ng Mesiyas ay ang mga salita ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Inihayag ni propeta Isaias ang palatandaang ibibigay ng Panginoon tungkol sa pagdating ng Tagapagligtas. Isang dalaga ang maglilihi at magluluwal ng isang sanggol na lalaki, at "Emmanuel" ang itatawag sa Kanya. Siya ang Diyos na sumasaatin. Ang Mesiyas na Tagapagligtas ng tanan ay iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga. 

Sa Ebanghelyo maririnig ang katuparan ng propesiyang ito. Isang dalaga mula sa Nazaret na nagngangalang Maria ang hinirang ng Diyos upang maging tagaluwal at ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na ang pangala'y Hesus. Buong kababaang-loob na niyakap at tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos. Bagamat napakalalim ang nilalaman ng kalooban ng Diyos para sa kanyang pang-unawa, ibinigay ng Birheng Maria ang buong puso niyang pananalig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Noong tinanggap at tumalima ang Inang Maria sa kalooban ng Diyos, ang Verbo at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus ay nagkatawang-tao at ipinaglihi sa sinapupunan ni Maria. 

Ibinunyag sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang Panginoong Hesus ay nagkatawang-tao at pumanaog sa lupa. Ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa lupa upang tuparin ang kalooban ng Diyos. Naparito Siya sapagkat ito'y niloloob ng Diyos. Niloob ng Diyos na ialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus para sa kaligtasan ng lahat ng tao. Sa pamamagitan ng paghahain ng sarili ng Panginoong Hesus sa krus, ipinamalas ng Diyos ang kadakilaan ng Kanyang Banal na Awa na tunay at wagas. Ang Kanyang Awa ay hindi magmamaliw kailanman. 

Tinanggap ng Birheng Maria ang Mabuting Balita ukol sa kalooban ng Diyos. Ang kalooban ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan at kabanalan. Nararapat lamang na magkaroon ito ng katuparan. Nararapat lamang na tumalima sa kalooban ng Diyos ang mga taos-pusong nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Sapagkat kung magkakaroon ng kaganapan ang kalooban ng Diyos, masasaksihan ng lahat ang kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos na nagliligtas sa lahat. 

Nagkaroon ng katuparan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus. Buong kababaang-loob na bumaba mula sa langit si Hesus, nagkatawang-tao, at iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen. Nang dumating ang takdang panahon, inihain ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus. Sarili Niyang buhay ay inalay nang lubos sa kahoy na krus sa Kalbaryo para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus, ipinamalas ang kapangyarihan at kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos. Ipinamalas ang kadakilaan ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang kalooban ng Diyos ang nagdulot ng kaligtasan mula sa kasamaan at kapatawaran para sa ating mga kasalanan. 

Iyan ang Mabuting Balitang ipinapahayag sa bawat isa. Ang Magandang Balitang hatid ng kalooban ng Diyos. Kabutihan at kabanalan ang paiiralin ng kalooban ng Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay puspos ng kadakilaan. Dulot nito'y kagalakan at pag-asa. Hangarin natin ang pagtupad ng kalooban ng Diyos. Tanggapin at sundin natin nang buong kababaang-loob at pananalig ang kalooban ng Diyos. Kapag iyan ang nangyari, masasaksihan natin ang kadakilaan ng Awa at Pag-Ibig ng Diyos na Siyang tumubos sa atin sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento