28 Mayo 2017
Dakilang Kapistahan ng Pag-Akyat (A)
Mga Gawa 1, 1-11/Salmo 46/Efeso 1, 17-23/Mateo 28, 16-20
Apatnapung araw matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay, si Hesus ay umakyat sa langit. Ang Kanyang maluwalhating Pag-Akyat sa Langit ang hudyat na tapos na ang Kanyang tungkulin bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Tinupad na ng Panginoon ang kalooban ng Ama. Ang Panginoong Hesus ay naghain ng buo Niyang buhay sa krus at muling nabuhay sa ikatlong araw upang iligtas ang sangkatauhan. Tinubos ng Panginoong Hesus ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at ang Kanyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw.
Bago umakyat ang Panginoong Hesukristo sa langit, isang mahalagang misyon ang Kanyang ipinagkatiwala sa mga disipulo. Ang misyong ipinagkatiwala ni Hesus sa mga apostol ay matatagpuan sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo ngayon. Isinugo ni Hesus ang mga alagad sa iba't ibang dako ng daigdig upang maging mga saksi Niya (Mga Gawa 1, 8). Ituturo din ng mga alagad sa lahat ng tao ang lahat ng mga atas ng Panginoong Hesukristo (Mateo 28, 20). Ipapangaral nila sa lahat ng tao sa iba't ibang dako ng sanlibutan ang Mabuting Balita ng Panginoong Hesus.
Ito ang ginawa ng lahat ng mga apostol, katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Si Apostol San Pablo ay nagpatotoo tungkol kay Kristo Hesus na namatay ngunit muling nabuhay; umakyat sa langit at naluluklok sa kanan ng Ama. Katulad ng ginawa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, buong sigla na nangaral ang mga apostol tungkol kay Kristo hanggang sa kanilang pagpanaw sa sanlibutang ito. Ang misyong ito na ibinigay ni Kristo sa mga apostol ay ipinagpapatuloy ng Inang Simbahan magpahanggang ngayon.
Tiyak na maraming mga pagsubok ang hinarap ng mga apostol at ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo. Subalit, bakit ang Simbahan ay naririto pa rin at nakatayo? Bakit ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagsaksi at pagpapatotoo kay Kristo Hesus? Sapagkat ang Panginoon ay nagbitiw ng isang pangako sa mga alagad bago Siya lumisan sa mundong ito. Siya'y laging makakasama ng mga alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan (28, 20). Ang Panginoong Hesus ay hindi nagpapabaya. Kahit hindi Siya nakikita ng ating mga mata, Siya'y kasama pa rin natin. Laging sinasamahan ng Panginoong Hesus ang Kanyang Simbahan. Tinutulungan ng Panginoong Hesus ang Kanyang Simbahan upang maging matagumpay sa kanyang misyon.
Mayroon tayong Panginoong hindi nagpapabaya - si Kristo Hesus. Tayong lahat ay hindi pinapabayaan ng Panginoong Hesukristo na mamuhay na parang mga ulila. Lagi tayong sinasamahan at ginagabayan ni Hesus sa ating paglalakbay sa buhay, kahit na hindi Siya nakikita ng ating mga mata. Hindi nagpapabaya si Hesus. Ang Panginoong Hesus ay lagi nating kasama, kahit hindi natin Siya nakikita.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento