Linggo, Hunyo 4, 2017

ESPIRITU SANTO: PATNUBAY, KASAMA

4 Hunyo 2017 
Linggo ng Pentekostes (A) 
Mga Gawa 2, 1-11/Salmo 103/1 Corinto 12, 3b-7. 12-13/Juan 20, 19-23 



Isang napakahalagang araw ang Linggo ng Pentekostes para sa Simbahan. Sa araw na ito, ang mga apostol ay nilukuban ng Espiritu Santo. Pumanaog sa mga apostol ang Espiritu Santo sa anyo ng mga dilang apoy. Ang mga alagad ay nabinyagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Matapos lukuban ng Espiritu Santo, lumabas ang mga apostol mula sa silid na kanilang pinagtitipunan upang simulan ang misyong ibinigay sa kanila ng Panginoong Hesukristo. Puspos ng Espiritu Santo, sinimulan ng mga apostol ang pagsaksi kay Kristo Hesus sa iba't ibang dako ng daigdig. Ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga apostol ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. 

Ang mga apostol ay sinugo ng Panginoong Hesus upang maging mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Sinabi ng Panginoong Hesus sa mga apostoles sa Ebanghelyo ngayon, "Kung paanong sinugo Ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo Ko kayo." (20, 21) Si Hesus ay sinugo upang maging Panginoon at Tagapagligtas ng lahat. Sinugo si Kristo Hesus upang iligtas ang lahat ng tao sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay. Ang mga apostol naman ay hinirang ni Hesus upang magpatotoo sa Mabuting Balita ng kaligtasang ipinagkaloob Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. 

Subalit, bago sinimulan ng mga apostol ang kanilang misyon ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita, kinailangan nilang hintayin ang pagdating ng Patnubay, ang Espiritu Santo. Ipinangako sa kanila ng Panginoong Hesus bago Siya umakyat sa langit na papanaog sa kanila ang Espiritu Santo. Ang mga apostol ay bibinyagan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang mga apostoles ay tutulungan ng Espiritu Santo sa pagtupad ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo Hesus sa iba't ibang bansa. Kaya, matapos ang pag-akyat ni Hesus sa langit, bumalik ang mga apostol sa Herusalem upang hintayin ang pagdating ng Espiritu Santo. 

Noong sumapit ang araw ng Pentekostes, dumating ang Espiritu Santo. Nilukuban ang mga apostol ng Espiritu Santo. Tinanggap nila ang Espiritu Santo na lumukob sa kanila. Tinanggap ng mga apostol ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo. Bininyagan sila ng Espiritu Santo noong araw na iyon bilang paghahanda para sa pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ni Kristo. 

Lumabas ang mga apostoles mula sa silid na pinagtitipunan nila nang matanggap nila ang Espiritu Santo. Puspos ng Espiritu Santo, nagpuri sa Diyos sa iba't ibang wika ang mga apostol. Sinimulan ng mga disipulo ang misyong ibinigay sa kanila ni Kristo Hesus. Ang mga apostol ay nangaral nang buong kasigasigan tungkol sa kaligtasang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Inihayag ng buong katatagan ng loob ng mga apostoles sa kanilang ministeryo na si Hesus ay Panginoon. Pinanindigan ang mga apostoles hanggang kamatayan na Panginoon si Hesus. Paano nila ito naipapahayag nang buong katatagan ng loob? Si Apostol San Pablo ang sumagot sa katanungang ito sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na pinapatnubayan ng Espiritu Santo ang bawat taong nakapagpapahayag na si Hesus ay Panginoon. Naipapahayag ng mga apostol nang malakas sa kanilang ministeryo na Panginoon at Tagapagligtas si Kristo Hesus dahil pinapatnubayan sila ng Espiritu Santo. 

Ang Espiritu Santo ay patuloy na pumapatnubay sa lahat. Tayong lahat na bahagi ng sambayanang pinagbuklod ni Kristo Hesus ay laging ginagabayan ng Espiritu Santo. Hinding-hindi tayo pababayaan ng Espiritu Santo kahit kailan. Sa hirap at ginhawa, lagi tayong sinasamahan at ginagabayan ng Espiritu Santo. Tutulungan Niya tayong patatagin ang ating pananalig sa Diyos at panatilihin Siya sa sentro ng ating buhay bilang mga Kristiyano. Tutulungan rin tayo ng Espiritu Santo na sumaksi sa Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng salita at gawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento