11 Hunyo 2017
Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Isang Diyos (A)
Exodo 34, 4b-6. 8-9/Daniel 3/2 Corinto 13, 11-13/Juan 3, 16-18
Ang Diyos ay isang Diyos na puspos ng pag-ibig. Ito ang inilalarawan ng misteryo ng Banal na Santatlo. Ang Banal na Santatlo ay binuklod ng pag-ibig. Pag-ibig ang sentro ng bukluran o pagkakaisa ng Banal na Santatlo. Naka-ugat sa tunay na pag-ibig ang ugnayan ng Banal na Santatlo. Bagamat magkaiba ang mga bumubuo ng Banal na Santatlo - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, ang tatlong personang ito ay nag-iibigan at nagkakaisa bilang Diyos. Ipinapakita ng Banal na Trinidad sa lahat ang tunay na pag-ibig na nagdudulot ng tunay at ganap na pagkakaisa.
Nais ibahagi ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa ating lahat. Nais ipakita ng Diyos sa atin kung gaano Niya tayo iniibig. Nais ipadama ng Diyos sa atin ang tunay at wagas Niyang pag-ibig na walang hanggan. Kung paanong iniibig ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang bawat isa, gayon din naman, tayong lahat ay minamahal ng Santisima Trinidad. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay, ganap, at walang hanggan.
Ipinamalas at ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig mula noong pasimula ng panahon hanggang sa kasalukuyan. Ang Ama ang Tagapaglikha ng lahat. Ang Anak na si Kristo Hesus ay pumanaog sa sansinukob upang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Ang Espiritu Santo naman ang nagbibigay-buhay. Patuloy Siyang nagbibigay ng bagong buhay at gumagabay sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya bilang isa sa mga bumubuo ng Tatlong Persona sa Isang Diyos.
Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos kay Moises sa Bundok ng Sinai na Siya'y puspos ng awa at pag-ibig. Hindi Siya madaling magalit. Lagi handa ang Diyos sa pagbibigay ng awa at kapatawaran sa mga taos-pusong nagtitika. Mabilis Siyang magpatawad. Kahit na hindi nagpapakita ng katapatan sa Kanya ang lahat ng tao, kahit na paulit-ulit Siyang binibigo ng tao, patuloy na nagpapakita ng awa at pag-ibig ang Diyos. Nanatili tapat ang Diyos sa sangkatauhan, kahit paulit-ulit Siyang binibigo ng lahat ng tao.
Inilarawan sa Ebanghelyo kung gaanong kamahal ng Diyos ang sangkatauhan. Ang mga unang kataga sa Ebanghelyo ay ang pinakamasikat na talata mula sa Banal na Kasulatan. Ang Anak ng Diyos na si Kristo Hesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang buod ng salaysay ng Mabuting Balita. Isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang iligtas at bigyan ng buhay na walang hanggan ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ni Hesus, inihayag at ipinamalas ng Diyos kung gaano kadakila ang Kanyang pag-ibig para sa lahat.
Inihayag naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang presensya ng Diyos ay lalo nating mararansan sa pamamagitan ng pagkakaisa. Makakamit ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pag-ibig. Si Apostol San Pablo rin ang nagsabi sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas na ang buklod ng ganap na pagkakaisa ay ang pag-ibig (3, 14). Kung paanong binuklod ang pagkakaisa ng Banal na Santatlo ng pag-ibig, gayon din naman, magbubuklod ang pagkakaisa natin kapag ang bawat isa'y mag-iibigan katulad ng Banal na Santatlo. Lalong mararanasan ng lahat ang presensya ng Banal na Santatlo kapag ang bawat isa'y magkakaisa.
Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Nararapat lamang na purihin at sambahin ang Diyos na puspos ng pag-ibig. Bagamat tayo'y hindi karapat-dapat, ipinamalas at ipinadama sa atin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Mapalad tayong lahat sapagkat mayroon tayong Diyos na patuloy na umiibig sa atin nang buong katapatan, kahit paulit-ulit natin Siyang binibigo sa pamamagitan ng mga pagkakasala natin laban sa Kanya. Patuloy tayong minamahal at kinahahabagan ng Diyos, kahit tayong lahat ay mga marurupok na makasalanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento