Sabado, Hunyo 17, 2017

MAPAGKALOOB ANG PANGINOON

18 Hunyo 2017 
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (A) 
Deuteronomio 8, 2-3. 14b-16a/Salmo 147/1 Corinto 10, 16-17/Juan 6, 51-58 



"Ang Panginoon ang Nagkakaloob" (Genesis 22, 14). Ito ang pangalan ng bundok kung saang sinubukan ng Diyos si Abraham. Sa bundok na ito'y ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham ang isang lalaking tupa bilang kapalit para sa anak niyang si Isaac. Matapos makita ng Panginoong Diyos ang pananampalataya ni Abraham, ipinagkaloob Niya ang isang lalaking tupa kay Abraham bilang kapalit kay Isaac na kanyang anak sa paghahandog. Ipinagkakaloob ng Panginoong Diyos ang mga pangangailangan ng mga buong pusong nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Angkop na angkop ang tema ng pagiging mapagkaloob ng Panginoong sa Pistang ipinagdiriwang ng Simbahan ngayong araw na ito - ang Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. Ipinagkaloob ng Panginoong Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo sa atin upang maging ating espirituwal na pagkain at inumin. Patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. 

Nais bigyang-diin ng pagdiriwang ngayon na mapagbigay ang Panginoon. Batid ng Panginoon ang lahat ng ating mga pangangailangan. Alam Niya kung ano ang mga kailangan natin. Ipinagkakaloob ng Poon sa bawat isa sa atin ang ating mga pangangailangan. Hindi ipinagdadamot sa atin ng Panginoon ang lahat ng ating mga pangangailangan. Ibinibigay Niya sa ating lahat ang lahat ng mga bagay na kailangan natin. Hindi malamig ang loob ng Diyos. Ang Diyos ay nakababatid sa lahat ng ating mga pangangailangan, at ito'y ibinibigay Niya sa ating lahat. 

Ipinaalala ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa kanila. Pinalaya ng Panginoong Diyos ang bayang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Nagpaulan ng manna mula sa langit. Nagpabukal ng tubig mula sa bato. Ipinakita lamang ng mga gawang ito na batid ng Dios kung ano ang mga kailangan ng Kanyang mga nilalang. Hindi Siya ignorante. Hindi Siya isang Diyos na walang pakialam. Bagkus, ang Diyos ay mapagbigay at mapagmalasakit. Ang Diyos ay mapagkalinga, mapag-aruga. Siya'y puno ng Awa at Malasakit para sa lahat ng Kanyang mga nilikha, lalung-lalo na ang tao. Ipinapamalas Niya ito sa pamamagitan ng pagkakaloob ng ating mga pangangailangan. 

Sa Bagong Tipan, isang bagong pagkain at inuming mula sa langit ang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Batid ng Diyos na hindi lamang pisikal ang kagutuman at kauuhawan ng tao. Kaya, ibinigay ng Panginoon ang Kanyang sarili sa lahat ng tao bilang espirituwal na pagkain at inumin. Ipinagkaloob ng Diyos sa lahat ng tao ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. 

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto na ang Katawan at Dugo ni Kristo ang espirituwal na pagkain at inumin para sa buong sambayanang Kristiyano. Ang Katawan at Dugo ni Kristo ang pagkain at inuming pang-espirituwal ng sambayanang Kristiyano. Ang bawat Kristiyano ay laging nakikinabang sa Katawan at Dugo ng Panginoon. Ito ang lagi nating ginagawa sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa. Tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo sa Banal na Eukaristiya. Tayong lahat na mga kaanib ng Simbahan ay nakikinabang lagi sa espirituwal na pagkain at inuming para sa sambayanang Kristiyano, ang Katawan at Dugo ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, ipinakilala ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na pagkain at inumin. Ibinibigay ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inuming pang-espirituwal. Alam ni Hesus na hindi mapapawi ng mga pagkain at inumin dito sa mundo ang pinakamalalim na kagutuman at kauhawan ng bawat tao. Kaya, ipinagkaloob ni Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging espirituwal na pagkain at inuming mapagsasaluhan ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. Bilang tunay na pagkain at inumin, buhay na walang hanggan ang kaloob Niya sa sinumang makikinabang sa Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. Ang Panginoong Hesukristo ang tunay na pagkain at inuming nagdudulot ng buhay na walang hanggan. 

Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ipinapamalas ng Panginoon ang Kanyang awa at malasakit para sa ating lahat. Ipinapakita ng Panginoon na tayong lahat ay malapit sa Kanyang Puso. Tinutugunan ng Panginoon ang ating mga pagkagutom at pagka-uhaw. Ibinibigay Niya ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo upang maging espirituwal na pagkain at inuming mapagsasaluhan nating lahat na nananalig at sumasampalataya sa Kanya. Sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ipinapakita ng Panginoon na Siya'y mapagkaloob. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento