29 Hunyo 2017
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19
Isinalaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito kung paanong naging unang Santo Papa ng Simbahan si Apostol San Pedro. Noong nagninilay-nilay si Hesus kasama ang Kanyang mga disipulo sa Cesarea ng Filipos, tinanong Niya sila kung sino Siya sa mata ng ibang tao at kung sino Siya sa mga mata nila. Bilang sagot sa ikalawang tanong, inihayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas na ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Dahil diyan, ibinigay ni Hesus kay Pedro ang mga susi sa kalangitan, ang sagisag ng kanyang authoridad bilang Santo Papa.
Subalit, sa kabila ng paghirang sa kanya ng Panginoong Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahang Kanyang itinatag, hindi iyon nangangahulugang ligtas na siya mula sa mga pagsubok sa buhay. Maraming mga pagsubok ang hinarap ni Apostol San Pedro bilang Unang Santo Papa ng Santa Iglesia, at higit sa lahat, bilang isang apostol ni Kristo. Tulad na lamang ng kanyang hinarap at tiniis sa Unang Pagbasa. Hinarap ni Apostol San Pedro ang kalupitan ni Haring Herodes sa bawat kaanib ng Simbahan. Siya'y ipinadakip at ibinilanggo ni Haring Herodes. Binalak ni Herodes na iharap sa mga tao at patayin pagkatapos ng Paskuwa. Subalit, siya'y iniligtas ng Diyos. Sinugo ng Panginoon ang Kanyang anghel upang iligtas si Apostol San Pedro mula sa pag-uusig ni Haring Herodes.
Naranasan rin ni Apostol San Pablo na masubukan ang kanyang pananampalataya kay Kristo. Pinagdaanan din ni Apostol San Pablo ang mga pinagdaanan ni Apostol San Pedro. Maraming mga pagkakataon sa buhay ni Apostol San Pablo kung saang sinubukan ang kanyang pananalig kay Kristo Hesus. Hinarap niya ang kalupitan at pag-uusig ng mga autoridad dahil sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo. Marami ang mga hindi tumanggap sa kanya dahil sa kanyang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo hanggang kamatayan.
Paanong nanatiling tapat ang mga apostol katulad nina Apostol San Pedro at San Pablo sa kanilang pananampalataya sa Panginoong Hesus? Saan sila humugot ng lakas ng loob upang tiisin at pagdaanan ang mga sandaling iyon ng kahirapan? Si Apostol San Pablo na mismo ang sumagot sa Ikalawang Pagbasa. Ang Panginoon ang pumatnubay at gumabay sa kanilang paglalakbay at pagmimisyon. Hindi nag-iisa ang mga apostoles sa paglalakbay at pagmimisyon nila sa iba't ibang dako ng daigdig. Kasama nila ang Panginoon na hindi nagpapabaya, ang Emmanuel. Siya ang nagbibigay sa kanila ng katatagan ng kalooban upang pagdaanan ang lahat ng mga matitinding pagsubok sa buhay.
Ang Panginoon ang bukal ng katatagan ng loob. Siya ang nagbibigay ng katatagan ng loob sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento