27 Hunyo 2017
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo
Juan 2, 1-11 (Ang Ebanghelyo ay isa sa mga pagpipilian mula sa Pangkat ng mga Pagdiriwang - Sa Karangalan ng Mahal na Birheng Maria)
"Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo." (Juan 2, 5)
Ang mga salitang ito'y namutawi mula sa mga labi ng Mahal na Birheng Maria sa kasalan sa Cana. Sinabihan niya ang mga naglilingkod sa kasalan na sumunod sa mga utos ng Panginoong Hesus. Sa tulong ng mga salitang ito, ang unang milagro ni Hesus ay naganap. Dahil sinabihan ni Maria ang mga naglilingkod sa kasal na sumunod sa anumang iutos sa kanila ni Hesus, ipinamalas ang kapangyarihan at kaluwalhatian ni Hesus bilang Diyos.
Nananatili pa rin ang saysay ng mga salitang ito ng Mahal na Birheng Maria. Ang mga salitang ito ng Mahal na Birhen ay hindi nawawalan ng halaga sa paglipas ng panahon. Mahalaga pa rin sa ating lahat ang mga salitang ito ng Mahal na Birhen. Ito ang utos ng Mahal na Ina para sa ating lahat na nananalig at sumasampalataya kay Kristo; hindi lamang ito para sa mga naglilingkod sa kasalan sa Cana. Tayong lahat ay inuutsan ng Mahal na Birheng Maria na laging sumunod at tumalima kay Kristo Hesus na ating Panginoon at Tagapagligtas.
Hindi madali ang ipinapagawa sa atin ng Mahal na Inang si Maria. May mga utos si Hesus na mahirap gawin. Katulad na lamang ng utos ni Hesus na umibig tulad Niya. Hindi madaling umibig tulad ni Hesus. Ang pag-ibig ng Panginoong Hesus ay wagas at totoo. Sinsero at perpekto ang pag-ibig ni Hesus. Ang pag-ibig nating lahat ay hindi perpekto. Mahirap sundin ang mga utos ni Hesus.
Subalit, gaano mang kahirap gawin ang mga iniuutos ni Hesus, kailangan nating gawin ang mga ito. Kailangan nating sundin ang mga utos at turo ni Kristo Hesus upang makamit natin ang biyaya ng kalangitan. Kung lagi tayong susunod sa mga utos ng Panginoong Hesus, matatahak natin ang landas ng kabanalan. Ang landas ng kabanalan ang ating daan patungo sa pangako ng buhay na walang hanggan sa langit, kapiling ang Panginoong Hesus at ang Mahal na Inang si Maria.
Paano tayo makakatalima sa Panginoong Hesus? Tumawag tayo sa Mahal na Ina. Tayong lahat ay tutulungan ng Mahal na Inang si Maria na sumunod sa mga utos ng Panginoong Hesus. Tutulungan niya tayo sa ating pagsikap na sundin ang mga aral ni Kristo. Hindi tayo pababayaan ng Mahal na Ina na maghirap tayo sa ating pagsikap na sumunod sa landas ni Kristo. Ang landas ni Kristo'y ang siyang landas ng kabanalan patungo sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento