Lunes, Hunyo 19, 2017

WALANG HANGGANG PAG-IBIG

Ika-23 ng Hunyo 2017 - Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (A) 
Deuteronomio 7, 6-11/Salmo 102/1 Juan 4, 7-16/Mateo 11, 25-30 



Ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ang sagisag ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Inilalarawan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus kung gaano Niya tayo iniibig. Ang Puso ni Hesus ay puspos ng pag-ibig. Ang Mahal Niyang Puso ay hindi malamig. Hindi malamig ang loob ng Panginoong Hesus. Hindi pusong bato ang Kanyang Kabanal-banalang Puso. Bagkus, ang Mahal na Puso ni Kristo Hesus ay puspos ng Kanyang pag-ibig para sa atin. At ang pag-ibig ng Panginoon para sa ating lahat ay tunay, tapat, at walang wakas. Ito ang ibinuod sa Salmo para sa araw na ito: "Pag-ibig Mo'y walang hanggan sa bayan Mong nagmamahal." 

Ang walang hanggang pag-ibig ng Panginoon para sa atin ang pangunahing tema ng mga Pagbasa ngayong Solemnidad ng Mahal na Puso ni Hesus. Inilalarawan ng mga Pagbasa ang dakilang pag-ibig ng Panginoon na walang katapusan. Magmula noong magsimula ang panahon hanggang sa kasalukuyan, ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang walang hanggang pag-ibig na puno ng katapatan at kadakilaan. Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi mapapantayan ng sinumang tao. Ang pag-ibig ng Dios ay tunay, tapat, totoo, dakila, at walang maliw. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Moises sa bayang Israel na hinirang sila ng Diyos upang maging Kanyang bayan dahil sa Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig ng Mahal na Poon ang dahilan kung bakit pinili at hinirang ang bayang Israel upang maging Kanyang bayan. Inako ng Diyos ang bayang Israel bilang Kanyang bayan sa lahat ng mga bayan sa daigdig. Sa pamamagitan nito, ipinahayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang pagmamahal para sa sambayanang Israel. 

Inihayag ni Apostol San Juan sa Ikalawang Pagbasa na dapat tayong umibig tulad ng Panginoong Diyos. Dapat nating ibigin ang bawat isa sapagkat ang Panginoong Diyos ang unang umibig sa atin. Una tayong inibig ng Diyos. Dahil sa pag-ibig ng Panginoon para sa atin, tayong lahat ay Kanyang inako bilang Kanyang mga anak na lagi Niyang kinukupkop at inaaruga. Ginawa Niya ito noong ipinagkaloob Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus bilang ating Tagapagligtas. Ang bawat isa'y inako ng Dios bilang mga anak Niya sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ni Kristo sa krus para sa ating lahat. Kaya naman, dapat nating mahalin ang bawat isa dahil ang Diyos nating Ama ang unang umibig sa atin. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Ipinapakilala Niya ang Kanyang sarili bilang Diyos na kumakalinga at umaaruga sa lahat ng mga nabibigatan sa kanilang mga pasanin. Ang Panginoong Hesus ay nagdudulot ng kapahingahan at kaginhawahan. Alam Niya na ang bawat isa'y may mga limitasyon. Alam Niya na tayo'y napapagod rin. Kaya, tinatawag ni Hesus ang bawat isa na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng kapahingahan at kaginhawahan. Si Hesus ang nagdudulot ng tunay na kapahingahan, kalinga, at kaginhawahan na hindi kayang ibigay ng sanlibutan. 

Ipinapakita ni Hesus ang Kanyang Awa at Pag-Ibig para sa atin. Nais kalingain ni Hesus ang mga napapagod dahil sa bigat ng kanilang mga pasanin. Nais ni Hesus na makaranas tayo ng kapahingahan at kaginhawaan kapag napapagod tayo dahil sa bigat ng ating mga pinapagal. Kaya, tinatawag ng Panginoong Hesus ang bawat isa na lumapit sa Kanya upang makaranas ng tunay na kapahingahan sa Kanyang piling at pasanin ang Kanyang pamatok, ang pamatok na magaan at kayang-kaya nating pasanin sa tulong Niya. 

Walang hanggan ang pag-ibig ng Panginoon. Tayong lahat ay laging kinukupkop at inaaruga ng Diyos. Lahat tayo'y malapit sa Kanyang Sagradong Puso. Tayong lahat ay labis Niyang pinahahalagahan at iniibig bilang mga anak Niya. Ang pag-ibig ng Panginoon ay hinding-hindi mahihigitan ninuman. Ang pag-ibig ng Panginoon ay tunay, tapat, dakila, at walang hanggan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento