Linggo, Hunyo 25, 2017

PANG-AAPI SA KAPWA: PAGKAKAILA KAY KRISTO

25 Hunyo 2017 
Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 68/Roma 5, 12-15/Mateo 10, 26-33 



Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang pang-aapi ng tao. Hindi ninanais ng Diyos na maapi ang isa man sa Kanyang mga nilikha. Masakit para sa Panginoon na pagmasdan ang bawat tao na umaapi ng kapwa-tao. Nais ng Panginoong Diyos na makapamuhay nang matiwasay ang isa't isa. Nais ng Panginoong Diyos na ang bawat tao ay makipagkasundo sa isa't isa sapagkat isinasalamin nito ang Kanyang Habag at Pag-Ibig na lagi Niyang ibinabahagi sa lahat ng tao. Kinasusuklaman at isinusuka ng Diyos ang pang-aapi. 

Inihayag ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa na ang Panginoong Diyos ay nasa panig ng mga inaapi. Siya ang tumutulong at sumasanggalang sa mga inaapi. Ang Diyos ay kakampi ng mga inaapi. Ang Diyos ang magtatanggol sa kanila. Ang mga umaapi't umuusig ay hindi Niya pinahihintulutang manaig. Bagkus, lalabanan ng Diyos ang mga umaapi't umuusig sa kanila. Tutulungan ng Diyos ang mga inaapi na labanan at magtagumpay laban sa mga umaapi sa kanila.

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na kikilalanin Niya sa harapan ng Amang nasa langit ang sinumang kumilala sa Kanya sa harapan ng mga tao at itatatwa naman ang magtatatwa sa Kanya. Inihayag rin ng Panginoong Hesus sa ika-25 kabanata ng Ebanghelyo ayon kay San Mateo na ginagawa rin sa Kanya ang mga ginagawa sa isa sa mga pinakahamak sa Kanyang mga kapatid. Anumang gawin natin para sa kanila, mabuti man o masama, ginagawa rin natin iyon kay Hesus. Ang bawat mabuting gawa sa kanila ay pagkakilala kay Hesus, at ang bawat masamang gawa sa kanila, tulad ng pang-aapi, ay pagkaila o pagtatwa kay Hesus. 

Ano naman ang ipinagkakait sa mga taong inaapi? Ang karapatang maranasan ang mapagpalang kagandahang-loob ng Diyos, na isinalarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang kagandahang-loob ng Diyos na dumating sa sanlibutan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Ang biyaya ng Diyos na ipinalaganap ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y pumanaog sa sanlibutan. Ang biyaya ng Dios na nagdulot ng kaligtasan sa lahat sa pamamagitan ni Kristo. 

Hindi ikinalulugod ng Diyos ang pang-aapi. Ang pang-aapi ay pagkakait ng Awa't kagandahang-loob ng Diyos na buong puso Niyang ibinahagi sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Ang pang-aapi ay pagkakaila sa Awa't kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng ating kaligtasan. Ang pang-aapi ay taliwas sa ginawa ng Diyos para sa ating lahat sa pamamagitan ni Kristo. Ang pang-aapi ay pagkakaila sa Diyos na puspos ng Awa't Pag-Ibig. Ang pang-aapi ay pagkakaila kay Kristo na nag-alay ng buhay para sa ating kaligtasan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento