Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80
Isang espesyal na karakter sa kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan si San Juan Bautista. May isang napakahalagang tungkulin ang ibinigay ng Diyos kay San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ay hinirang upang ihanda ang bayan ng Diyos para sa pagdating ng Mesiyas. Si San Juan Bautista ang hinirang upang maging tagapagpauna ng Panginoon. Hinirang siya upang ibalita sa sambayanan ng Diyos na nalalapit na ang pagdating ng Mesiyas na kanilang pinanabikan nang buong puso't kaluluwa. Siya ang maghahayag sa bayan ng Diyos na dumating na ang Tagapagligtas ng lahat, ang Panginoong Hesukristo.
Binibigyang-diin ng mga Pagbasa ngayong Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista na ang buhay natin ay dapat nakasentro sa Diyos. Inihayag sa Unang Pagbasa na nakasentro sa Diyos ang buhay ng Kanyang mga lingkod. Ang Diyos ang sentro ng buhay ng Kanyang mga lingkod, hindi ang sarili o kung anu-ano pa. Isinalaysay ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang mga sinabi ni San Juan Bautista noong tinanong siya kung siya ba ang Mesiyas o hindi. Sa halip na samantalahin ang pagkakataon upang magpasikat, inamin ni Juan Bautista na hindi Siya ang Mesiyas. Hinayaan ni San Juan Bautista na manatili ang Diyos sa sentro ng kanyang buhay, hindi ang ambisyon. Hindi niya isinentro ang kanyang buhay sa makamundong katanyagan, kundi sa Panginoon lamang. Sa Ebanghelyo, inihayag na nananahan sa sanggol na si San Juan Bautista ang Diyos. Puspos ng pagpapala at grasya ng Diyos mula noong siya'y isilang.
Noong dumating ang takdang oras ng pagpapakita ng Panginoong Hesus sa bayan ng Diyos, Siya'y itinuro ni San Juan Bautista. Itinuro ni San Juan Bautista sa mga tao ang Mesiyas na kanilang pinanabikan na si Hesus. Hindi nainggit si San Juan Bautista noong mabalitaan niya na dumarami ang mga sumusunod kay Hesus at hindi sa kanya. Sa halip na mapuno ng inggit, si San Juan Bautista'y napuspos ng tuwa sapagkat alam niyang tinupad niya ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang misyong ibinigay ng Diyos kay Juan Bautista: ihanda ang daraanan ni Hesus at ipakilala Siya sa sambayanan ng Diyos.
Ang aral na ibinibigay sa atin ni San Juan Bautista ay napakahalaga para sa ating lahat. Ang ating buhay ay dapat nakasentro lamang sa Diyos. Dapat sa Diyos lang nakasentro ang ating buhay. Sa gayon, magiging maayos ang lahat ng bagay. Lalo nating mararanasan ang awa at pagpapala ng Dios kapag Siya ang nasa sentro ng ating buhay. Tanging ang Diyos lamang ang dapat maging sentro ng ating buhay upang magkaroon ng kaayusan ang lahat ng bagay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento