9 Hulyo 2017
Ikalabing-apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Roma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30
Inilalarawan ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang kababaang-loob ng Panginoong Hesus. Mahirap mamuhay nang may kababaan ng loob, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Itinuturo sa atin ng lipunan na ang kababaang-loob ay tanda ng kahinaan at dapat tayong makipagpaligsahan sa kapwa. Dapat nating gawin ang lahat upang iangat ang sarili, kahit ang kahulugan nito'y pabagasakin ang iba, ang ating kapwa. Subalit, noong si Hesus ay pumanaog sa sanlibutan, sinuway Niya ang pananaw na ito. Bagkus, si Hesus ay nagturo ng isang bagong pananaw na taliwas sa mga turo't aral ng lipunan - ang mamuhay nang may kababaang-loob. Si Hesus rin mismo ang naging tunay na huwaran ng Kanyang mga turo't aral ukol sa kababaang-loob.
Ang Panginoong Hesukristo ang hari na tinutukoy ni propeta Zacarias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa. Noong pumanaog sa sanlibutan si Hesus, hindi Niya tinaglay ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos. Bagkus, katulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa ikalawang kabanata ng kanyang sulat sa mga taga-Filipos (2, 6-11), hinubad ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos at namuhay bilang alipin. Kusa Siyang nagpakumbaba at niyakap ang buhay ng mga maralita. Ayon rin sa hula ni propeta Zacarias sa Unang Pagbasa, si Hesus ay dumating nang buong kababaang-loob. Hindi Siya nagmataas noong Siya'y nagpakita sa Kanyang bayan bilang hari't mananakop. Buong kababaang-loob na lumitaw at nagpakita si Hesus sa Kanyang bayan bilang Panginoon, Tagapagligtas, at Hari.
Bakit kababaang-loob ang tinaglay ni Hesus noong Siya'y pumanaog sa lupa? Ayon kay Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, "hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman" (8, 12). Bakit hindi na tayo mga alipin ng likas na hilig ng laman? Dahil sa Panginoong Hesus. Ang Panginoong Hesus ang Siyang nagbigay ng kalayaan sa ating lahat. Tayong lahat ay makapamuhay nang malaya bilang mga anak ng Diyos dahil sa kababaang-loob ni Kristo Hesus. Ipinamalas ni Kristo Hesus ang Kanyang kababaang-loob noong inihain Niya ang Kanyang buhay sa krus para sa atin. Dahil sa kababaang-loob ni Kristo, tayong lahat ay nagkaroon ng kalayaan. Tayong lahat ay pinalaya ni Kristo mula sa pagkaalipin sa pita ng laman.
Habilin rin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang mga gawa ng laman ay dapat patayin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung tayo'y mabubuhay ayon sa laman, hindi tayo magkakaroon ng buhay na kaloob ng Diyos. Kapag ang mga pita ng laman ay tatanggapin natin, itinatakwil natin ang biyaya ng buhay na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Subalit, kung ang mga pita ng laman ay papatayin natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tinatanggap natin ang paghahain ng sarili ni Kristo sa krus. Atin ding tinatanggap ang biyaya ng buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo.
Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y maamo at mababang-loob. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang kaamuan at kababaang-loob noong inanyayahan Niya ang mga napapagal at nabibigatan ng pasanin na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng kaginhawaan at kapahingahan sa piling Niya. Hindi malamig ang Kaniyang loob sa lahat ng mga nabibigatan sa kanilang mga pasan. Bagkus, Siya'y puno ng kaamuan at kababaan ng loob. Pinapatunayan ito ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang pag-anyaya sa lahat ng mga lubhang nabibigatan ng pasan. Hindi Niya pinagbabawalan ang lahat ng mga napapagal na makasumpong ng kaginhawaan sa Kanyang piling.
Tinatawag at inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na lumapit sa Kanya upang makasumpong ng tunay na pahinga at ginhawa sa piling Niya. Sa pamamagitan ng paanyayang ito, ipinapakita sa atin ni Hesus ang Kanyang kaamuan at kababaang-loob. Ang kaamuan at kababaang-loob ni Hesus ang nagdulot ng ating kalayaan at kaligtasan. Ang kaamuan at kababaang-loob ni Hesus ang Siya ring nagdudulot ng tunay na kapanatagan ng loob na masusumpungan lamang natin sa piling Niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento