23 Hulyo 2017
Ikalabing-anim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: 13, 24-30)
Sa pelikulang X-Men: Days of Future Past (2014), nakatagpo ng batang Professor Charles Xavier (James McAvoy) ang kanyang mas matadang sarili sa kinabukasan (Patrick Stewart). Nakita ng batang Professor X ang madilim na kinabukasan para sa mga mutants at pati na rin sa sangkatauhan. Kaya, nang magtagpo ang dalawa, inilabas ng batang Professor Charles Xavier ang lahat ng kanyang mga saloobin at mga hinanakit. Nawala ang lahat sa kanya. Walang-wala na siya. Galit na galit siya sa mundo. Siya'y iniwanan ng mga malalapit sa kanya tulad nina Raven (Mystique) at Erik Lehnessher (Magneto). Sa mga tanong ng batang Professor Charles Xavier sa kanyang matandang sarili, kitang-kita kung gaano kabigat ang mga dinadala at dinidibdib niya sa kanyang puso - lahat ng galit, lungkot, at mga hinanakit.
Sa pag-uusap ng dalawa, isa sa sa mga sinabi ng matandang Professor X sa kanyang batang sarili ay, "Just because someone stumbles and loses their way doesn't mean they are lost forever." Hindi porke't nagkamali ang isang tao at naligaw sa kanyang dinadaanan ay nangangahulugang habambuhay na siyang naliligaw ng landas. May pag-asa para sa bawat tao na magbagong-buhay at magpakabuti habang nabubuhay pa sa mundo. Hindi porket masama ang isang tao ay nangangahulugang mananatili siyang masama habambuhay. Habang nabubuhay pa ang isang tao sa daigdig na ito, mayroon pa siyang pag-asang magbagong-buhay.
Ang temang isinasalungguhit ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay pag-asa. Ang pag-asa ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang Diyos ang bukal ng pag-asa. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pag-asa. Ang pag-asang ipinagkakaloob ng Panginoong Diyos sa bawat isa sa atin ang nag-uudyok sa puso ng bawat isa na pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay at mamuhay ayon sa kalooban ng Panginoong Dios, ang buhay na puno ng kabanalan. Kung walang pag-asa, hindi mauudyok ang mga puso natin na magbagong-buhay, magpakabuti, at magpakabanal. Kung walang pag-asa, ipagpapatuloy natin ang ating mga makasalanang pamumuhay.
Inihayag sa Unang Pagbasa na binibigyan ng pagkakataon ang bawat makasalanan upang makapagsisi. Hindi agad pinarurusahan ng Diyos ang mga makasalanan. Sa halip na parusahan at lipulin agad ang bawat makasalanan, binibigyan Niya sila ng oportunidad o pagkakataong makapagsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Gaano mang kabigat ang kasalanan ng bawat isa, binibigyan sila ng Diyos ng pag-asa na makamit ang Kanyang awa at kapatawaran. Ginagawa iyon ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataong makapagsisi at magbalik-loob sa Kanya ang mga makasalanan.
Inihayag ni Apostol San Pablo na tayong lahat ay tinutulungan ng Espiritu Santo sa ating mga kahinaan sa Ikalawang Pagbasa. Ang Espiritu Santo ang ating Patnubay. Siya ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoong Hesus upang maging Patnubay nating lahat. Bilang ating Patnubay,tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na magbalik-loob sa Diyos. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pag-asa na pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan upang makamit ang Awa at Kapatawaran ng Diyos. Binibigyan tayo ng pag-asang makipagkasundo sa Diyos. Ang Espiritu Santo pa nga mismo ang tumutulong sa bawat isa sa ating lahat na makipagkasundo sa Diyos.
Sa Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga damo sa triguhan kung paanong ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataon sa bawat tao na makapagsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Katulad ng inihayag sa Unang Pagbasa, hindi kaagad-agad pinarurusahan at pinupuksa ng Diyos ang makasalanang sangkatauhan. Bagkus, binibigyan Niya ng pagkakataong pagsisihan at talikuran ng bawat tao ang kanilang makasalanang pamumuhay. Ang bawat tao ay binibigyan Niya ng pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Sa mata ng Dios, habang nabubuhay ang bawat tao sa mundong ito, meron pang pag-asa para sa kanya na makapagbagong-buhay.
Habang may buhay ang bawat tao sa daigdig na ito, mayroon pang pag-asa para sa bawat tao na makapagbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoon. Gaano mang kabigat at kasama ang kasalanan ng bawat tao, mayroon pang pag-asang magbalik-loob sa Diyos habang nabubuhay pa sa daigdig na ito. Sapagkat ang mga kasalanan ng sangkatauhan ay hinding-hindi makahihigit sa kadakilaan at kapangyarihan ng Awa't Pagpapala ng Diyos. Ang Awa't Pagpapala ng Diyos ay higit na dakila at higit na makapangyarihan kaysa sa kapangyarihan at kabigatan ng kasalanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento