16 Hulyo 2017
Ikalabinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9)
Tampok sa Ebanghelyo ngayon ang Talinghaga ng Manghahasik. Ang mga binhing inihasik ng magsasaka sa talinghaga ni Hesus ay nalaglag sa iba't ibang uri ng lupa. Mayroong mga binhing nalaglag sa tabi ng daraanan, sa kabatuhan, sa dawagan, at sa mabuting lupa. Inilarawan ni Hesus sa parabulang ito kung paanong inihahasik ng Diyos ang Kanyang Salita sa puso ng bawat tao, matuwid man o makasalanan.
Hindi eksklusibo para sa mga mabubuting tao ang Salita ng Diyos. Kung ang Salita ng Diyos ay eksklusibo lamang sa mga matuwid, ang mga katulad nina Apostol San Pablo, San Agustin, at San Ignacio de Loyola'y hindi magiging banal. Bagkus, sila'y mananatiling makasalanan. Subalit, hindi ganun ang Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay para sa lahat. Inihahasik ng Dios ang Kanyang Salita sa puso ng bawat tao, mabuti man o masama. Hindi pinipili ng Diyos kung sinu-sino ang mga dapat at 'di dapat tumanggap sa Kanyang Salita. Niloob ng Diyos na ibahagi sa lahat ng tao ang Kanyang Salita. Niloob ng Diyos na maging para sa lahat ang Kanyang Salita. Kaya naman kusa Niya itong ibinabahagi sa lahat ng tao.
Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na magaganap ng Kanyang mga salita ang lahat ng Kanyang mga ninanais. Anuman ang Kanyang naisin, tulad ng pagbibigay ng bagong buhay sa bawat makasalanan at pagkakaloob ng mga pangangailangan ng sangkatauhan, ay Kanyang mapangyayari sa pamamagitan ng Kanyang Salita.
Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang Mabuting Balita tungkol sa kalooban ng Diyos. Inihayag ng Diyos na niloob Niyang ituring at ampunin ang lahat ng mga tumanggap sa Espiritu Santo bilang unang kaloob ng Diyos sa bawat tao. Niloloob ng Diyos na bigyan tayo ng bagong buhay bilang Kanyang mga anak. Niloob ng Diyos na tayo'y ampunin at tanggapin bilang mga anak Niya. Niloob ng Dios na iligtas at palayain tayong lahat mula sa bitag ng kaalipinan at kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak.
Niloob ng Diyos na ibahagi sa ating lahat ang Kanyang Salita. Niloob ng Diyos na tanggapin, ampunin, at kalingain bilang mga anak Niya. Niloob ng Dios na bigyan tayo ng bagong buhay bilang Kanyang mga anak. Suriin natin ang ating mga sarili - mabuting lupa ba ako? Tatanggapin at tatalima ba ako sa kalooban ng Diyos?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento