Sabado, Hulyo 29, 2017

SAPAT NA ANG DIYOS

30 Hulyo 2017 
Ikalabimpitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46) 



Ang Suscipe ay isang panalanging kinatha ni San Ignacio de Loyola. Sa panalanging ito, inialay ni San Ignacio de Loyola ang kanyang buong sarili sa Diyos. Inialay niya sa Diyos ang lahat ng ukol sa kanyang sarili - mga kayamanan, hangarin, kalayaan, karangalan, at tagumpay. Pinili niya ang pinakamahalaga sa lahat - ang Diyos. Para kay San Ignacio de Loyola, sapat na ang Diyos. Sapat na ang pag-ibig ng Diyos. Ang Diyos ay sapat na. Ang Diyos ang tunay na kayamanan. Hindi na mahalaga ang mga bagay-bagay dito sa daigdig na ito. Sapat na ang Panginoon. Sapat na ang kalooban ng Panginoon. Sapat na ang pag-ibig ng Panginoon. 

Ito ang mensaheng nais ipaabot sa atin ng mga Pagbasa ngayong Linggo. Sapat na ang Diyos. Mapapanatag ng Diyos ang ating mga puso't kalooban. Hindi na nating kailangang maghanap ng iba pa sa mundong ito. Hindi matatapatan o mahihigitan ng mundong ito ang mga kaloob ng Diyos. Sapat na ang Panginoon sa ating buhay. Sapat na ang Kanyang mga pagpapala. Siya ang tunay na kayamanan. 

Sa unang dalawang talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo, ipinagbili ng dalawang tao ang lahat mga ari-arian nila kapalit ng mga bagay na itinuturing nilang mga tunay na kayamanan. Ang una'y isang taong nakahukay ng isang kayamanang nakabaon sa isang bukid at ang ikalawa'y isang mangangalakal na nakahanap ng isang perlas na mamahalin. Parehas nilang binenta ang lahat ng kanilang mga ari-arian kapalit ng mga bagay na napakahalaga para sa kanila. Sapat na para sa kanila ang kanilang mga tanging yaman. Hindi mapapantayan o mahihigitan ng iba pang mga bagay sa daigdig na ito ang kahalagahan ng mga kayamanan o perlas na nahanap nila. 

Hindi mapapantayan ng mga kaloob ng sanlibutan ang mga kaloob ng Diyos. Ang mga kaloob ng sanlibutan ay pansamantala lamang. Hindi magtatagal ang mga ito magpakailanman. Ang mga handog at bigay ng mundo sa bawat isa sa atin ay may hangganan. Ang bawat tao'y maghahanap na naman ng ibang mga mahahalagang bagay na lilipas rin sa huli. Subalit, ang mga kaloob ng Diyos ay walang hanggan. Ang Kanyang pag-ibig ay walang hanggan. Ang Kanyang mga pagpapala'y walang hanggan. Ang Diyos mismo ay walang hanggan. 

Ang Diyos ay sapat na. Sapat na ang Kanyang mga biyaya. Sapat na ang Kanyang pag-ibig. Wala na tayong hahanapin pa. Hindi mapapantayan o mahihigitan ang pag-ibig at mga kaloob ng Diyos. Walang kapantay ang Panginoong Diyos. Wala ring hihigit sa Kanya. Sapat na ang Panginoon. Papanatag at papayapa ang ating mga puso't kalooban sa Kanyang piling. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento