Biyernes, Agosto 4, 2017

PAGPAPAKILALA NG SARILI

6 Agosto 2017 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 



Isa sa mga pinakamahalagang sandali sa buhay ng Panginoong Hesukristo (bukod pa sa Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay) ay ang Kanyang Pagbabagong-Anyo sa Bundok ng Tabor. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabagong-Anyo, ipinakilala ng Panginoong Hesus ang Kanyang sarili at ang Kanyang misyon sa daigdig na ito. 

Sino nga ba ang Nazarenong ito na nagngangalang Hesus? Ano nga ba ang Kanyang pakay noong Siya'y pumanaog sa daigdig na ito? Ang Nazarenong ito na ang Ngalan ay Hesus ang Bugtong na Anak ng Diyos na pumarito sa daigdig upang tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Pasyong Mahal at Muling Pagkabuhay, ang Kanyang Misteryo Paskwal. Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang kadakilaan bilang Diyos. 

Mula noong nagsimula ang panahon, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kadakilaan. Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kanyang kaluwalhatian, ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili. Nagpakilala Siya bilang isang Diyos na puspos ng kadakilaan at kapangyarihan. Hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos sapagkat Siya lamang ang tunay at nag-iisang Diyos. 

Nasaksihan ng mga manunulat ng mga Pagbasa ngayong Linggo ang kadakilaan ng Dios. Isinalaysay ni propeta Daniel sa Unang Pagbasa ang lahat ng mga naganap sa isang pangitain. Nakita ng propetang si Daniel sa kanyang pangitain kung paanong ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kadakilaan. Isinalaysay naman nina Apostol San Pedro at San Mateo sa Ikalawang Pagbasa at sa Mabuting Balita kung paanong ang Panginoong Hesus ay nagbigay ng isang pasulyap sa Kanyang kaluwalhatian bilang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagbabagong-anyo sa Bundok ng Tabor. 

Ipinapamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian hindi upang ipagyabang ito kundi upang ipakilala ang Kanyang sarili sa lahat ng nilalang. Nais Niyang magpakilala at mapalapit sa ating lahat. Hindi Niya nais maging malayo o malamig ang Kanyang loob sa sangkatauhan. Nais ng Panginoong Diyos na Siya'y ating makilala, kapitan, lapitan, mahalin, at makapaling sa Kaniyang kaharian sa langit sa katapusan ng ating buhay sa lupang ibabaw. 

Ang pinakadakilang pagpapamalas ng kaluwalhatian at kapangyarihan na ginawa ng Diyos ay ang pagsugo Niya kay Kristo Hesus. Isinugo si Hesus upang ihayag sa tanan ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Si Hesus ay pumanaog sa sanlibutan bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, ipinamalas ang kapangyarihan at kadakilaan ng Dios sa tanan. Ito'y ginawa ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Si Hesus ang Anak ng Diyos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Siya ay pumanaog sa daigdig bilang Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Iniligtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Pagkabuhay. Ang Kanyang Misteryo Paskwal ang nagpamalas ng Kanyang kadakilaan bilang Kataas-taasang Diyos na makapangyarihan, walang hanggan, at walang kapantay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento