Sabado, Agosto 19, 2017

ANG AWA'T BIYAYA NG DIYOS AY PARA SA LAHAT

20 Agosto 2017
Ikadalawampung Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 56, 1. 6-7/Salmo 66/Roma 11, 13-15. 29-32/Mateo 15, 21-28




Ang paksa o tema ng mga Pagbasa ngayong Linggo ay ibinuod sa Salmo: "Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng tao" (Salmo 66). Iisa lamang ang kahulugan nito - ang Diyos ay ang Diyos ng lahat. Hindi ekslusibo ang Diyos sa iisang bayan o lahi lamang. Siya ay para sa lahat ng tao. Siya ang Diyos ng lahat. Siya ang lumikha sa bawat tao mula sa iba't ibang lahi at bansa sa mundong ito. Siya lamang ang nag-iisang Diyos na Kataas-taasan at Makapangyarihan na pinupuri at sinasamba ng lahat, anuman ang lahi o wika ng bawat tao. Ang Awa't Pagpapala ng Diyos ay para sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lahi at bansa sa mundong ibabaw. 

Inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa na ang Kanyang pagliligtas ay malapit nang dumating at hindi na magluluwat. At ang pagliligtas ng Diyos ay hindi lamang para sa iisang bayan o lipi lamang - ito ay para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa lahat ng tao, ipinapakita't ipinapadama ng Diyos ang Kanyang Awa't Biyaya. Ang Awa't Biyaya ng Diyos ang nagdudulot ng kaligtasan sa lahat. Ibinabahagi Niya ang Kanyang awa't biyaya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa. 

Tinalakay nang mabuti ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma ang temang ito. Ang awa't biyayang ibinahagi ng Diyos sa mga Hudyo ay ibinabahagi rin Niya sa mga Hentil. Kung paanong kinahabagan at pinagpala ng Diyos ang bayang Israel, gayon din naman, ang mga Hentil ay kinahabagan at pinagpala ng Diyos. Anuman ang lahi, wika, lipi, o bansang pinagmulan ng bawat tao sa mundo, mararanasan nila ang pagpapala't awa ng Diyos. Ang habag at biyaya ng Maykapal ay para sa lahat ng tao. 

Sa Ebanghelyo, pinagaling ni Hesus ang anak ng isang Cananea. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus ang Kanyang habag at biyaya sa Cananea at sa kanyang anak. Noong una, mistulang hindi pinansin ng Panginoong Hesus ang pagsusumamo ng Cananea. Subalit, ang mistulang pagsasawalang-bahala ni Hesus ay isang pagsubok para sa Cananea. Sinubukan Niya ang pananalig ng Cananea. At nang makita ni Hesus ang tapat at malalim na pananalig ng Cananea, ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa't pagpapala sa pamamagitan ng pagpagaling sa anak ng babae. Kahit na isang Hentil ang Cananea, ibinahagi pa rin ni Hesus ang Kanyang Awa't Pagpapala. Isinalungguhit ng Panginoong Hesus sa Banal na Ebanghelyo na ang Awa't Pagpapala ng Diyos ay para sa lahat. At iyan ang Mabuting Balita. 

Ang Diyos ay para sa lahat. Ibinabahagi Niya ang Kanyang Awa't Pagpapala sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, bayan, at bansa. Anuman ang lahi ng bawat tao, ipinapakita't ipinapadama sa kanila ng Diyos ang Kanyang walang hanggang Awa't Pagpapala. Walang pinipili o itinatangi ang Diyos. Pinagpapala, kinahahabagan, kinakalinga, at iniibig Niyang lubos ang bawat taong namumuhay dito sa daigdig, anuman ang kanyang lahi, matuwid man o makasalanan. Hindi ekslusibo ang Awa't Biyaya ng Panginoon; ang Awa't Biyaya ng Panginoon ay para sa lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento