13 Agosto 2017
Ikalabinsyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33
Ipinamalas ng Diyos kay propeta Elias sa Unang Pagbasa ang Kanyang pag-ibig na mapagkalinga at mapag-aruga. Inihayag naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma kung paanong ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa sambayanang Israel sa pamamagitan ng pakipagtipan at pag-angkin sa kanila bilang Kanyang bayang hinirang. Naranasan ni Apostol San Pedro sa Ebanghelyo ang pagligtas sa kanya ni Hesus mula sa tuluyang paglunod sa dagat sa pamamagitan ng pagsagip sa kanya ng Panginoon.
Naranasan ni Propeta Elias sa Unang Pagbasa ang pag-ibig ng Diyos na umaaruga at kumakalinga sa bawat isa. Ang puso't loobin ni Propeta Elias ay puspos ng takot sa mga sandaling yaon. Natatakot siya sapagkat may banta laban sa kanya si Reyna Jezebel. Batid ng Panginoong Diyos ang nararamdaman ng Kanyang abang lingkod na si Propeta Elias sa kanyang puso't loobin. Kaya, ipinadama ng Panginoong Diyos ang Kanyang presensiya kay Propeta Elias sa pamamagitan ng Kanyang banayad na tinig. Sa pamamagitan ng banayad at mahinahong tinig na ito, binigyan ng Diyos si Propeta Elias ng kapanatagan at katatagan ng loob.
Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Roma kung paanong ipinamalas ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa Kanyang bayang hinirang - ang bayang Israel. Sa dinami-dami ng mga bansa sa daigdig, pinili't hinirang ng Diyos ang sambayanang Israel upang maging Kanya. Nilingap ng Diyos ang bayang Israel sa lahat ng mga bansa sa mundo. Kahit na ilang ulit nilang sinuway at tinalikuran ang Diyos, kahit na sila'y naging suwail, hindi nagmaliw ang pag-ibig ng Diyos sa Kanyang bayan. Paulit-ulit Siyang nakipagtipan sa Kanyang bayan upang ipadama ang Kanyang dakilang pag-ibig na hindi magmamaliw kailanman. Humantong ang lahat ng ito sa pagdating ng Diyos Anak na si Kristo Hesus sa sanlibutan. At si Kristo Hesus na ating Mahal na Panginoon at Tagapagligtas ay pumanaog sa sanlibutan upang ipamalas sa lahat ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang hanggan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay - ang Kanyang Misteryo Paskwal.
Sa Ebanghelyo, sinagip ng Panginoong Hesus si Apostol San Pedro na nagsimulang malunod sa dagat noong sinubukan niyang maglakad sa ibabaw ng tubig, tulad ng Panginoon. Ipinamalas ni Hesus kung gaano katunay at kadakila ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsagip kay Apostol San Pedro. Kahit pinagsabihan ng Panginoong Hesus si Apostol San Pedro dahil sa kaliitan ng kanyang pananalig, hindi Niya pinabayaang malunod ang Kanyang apostol at kaibigan. Bagkus, sinagip ni Hesus si San Pedro Apostol. Si Apostol San Pedro ay nagpakita ng kakulangan ng pananalig noong sinubukan niyang maglakad sa ibabaw ng tubig tulad ni Hesus, na humantong sa kanyang paglunod. Bilang tugon, nagpakita ng pag-ibig at pagkalinga si Hesus kay Apostol San Pedro sa pamamagitan ng pagsagip sa kanya.
Gaano mang kalaki o kaliit ang pananalig na taglay ng bawat isa, ipapakita't ipapadama pa rin ng Panginoon ang Kanyang tunay at dakilang pag-ibig na walang hanggan. Hindi Niya ipagdadamot ang Kanyang pag-ibig sa mga nagtataglay ng maliliit na pananalig sa Kanya. Kahit maliit ang pananalig na taglay ng bawat tao, iniibig pa rin sila ng Diyos. Mahalaga pa rin sa paningin ng Panginoon ang bawat nananalig sa Kanya, gaano mang kalaki o kaliit ang pananalig na taglay. Ipapakita't ipapadama ng Diyos sa bawat nananalig sa Kanya nang buong puso't kaluluwa ang Kanyang dakilang pag-ibig na kumakalinga at nagdudulot ng kapanatagan ng loob.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento