Lunes, Marso 19, 2018

PITONG HULING WIKA

UNANG WIKA (Lucas 23, 34)
"AMA, PATAWARIN MO SILA 
SAPAGKAT HINDI NILA NALALAMAN 
ANG KANILANG GINAGAWA.



Walang ibang ninais ang mga kaaway ni Hesus kundi patayin Siya. Walang ibang hinangad ang mga kaaway ni Hesus kundi makita Siyang magdusa na walang kalaban-laban. At noong unang Biyernes Santo, sa bundok ng Golgota, nakamit nila ang kanilang minimithi. Si Hesus na taga-Nazaret, ang labis nilang kinapopootan nang buong puso't kaluluwa, ay walang kalaban-labang ipinako sa krus sa kanilang harapan sa bundok ng Kalbaryo. Pinagmamasdan nila't pinapanood ang unti-unting pagkamatay ni Hesus sa isang kahoy na krus. Habang pinagmamasdan ang pagdurusa't pagkamatay ni Hesus sa krus, nilibak nila Siya. Nagbitiw sila ng mga masasamang salita upang laitin Siya. 

Subalit, higit na nakakagulat ang ginawa ng Panginoong Hesus habang nakabayubay sa krus para sa Kanyang mga kaaway. Sa halip na hilingin Niya sa Ama na sumpain, lipulin, o parusahan ang Kanyang mga kaaway na walang awang umuusig sa Kanya, Siya'y taimtim na dumalangin sa Ama para sa kanila. Nakuha pa ni Hesus na humingi ng tawad para sa kanila mula sa Ama. Nakuha pa ni Hesus na magpakita ng awa sa Kanyang mga kaaway. Kahit napakasama ng ginawa nila sa Kanya, kahit na wala silang ibang hinangad kundi ang makita nilang Siya'y magdusa't mamatay na walang kalaban-laban, pinili ng Panginoong Hesus na hilingin sa Ama na sila'y kahabagan at patawarin. 

Hindi karapat-dapat ang mga kaaway ni Hesus na makamit ang Kanyang kapatawaran. Hindi sila karapat-dapat na maranasan ang awa't habag ng Panginoon. Napakasama ng kanilang ginawa laban sa Kanya. Si Hesus na hindi nagkasala kahit kailan ay kanilang inuusig at pinapatay na walang kalaban-laban. Dahil sa kanila, isang inosente ang pinatawan ng parusang kamatayan. Hindi nga sila nahihiya sa ginagawa nila. Ginagawa nilang katatawanan ang walang hustisyang pagpaslang sa isang inosente sa harapan nila. Tunay ngang kasuklam-suklam, karumal-dumal ang kanilang ginawa sa Panginoong Hesus. 

Nararapat lamang na iparanas sa kanila ang galit ng Panginoon. Subalit, pinili pa rin ni Hesus na hilingin sa Ama na patawarin ang mga umuusig sa Kaniya. Gaano mang katindi ang pag-uusig sa Kanya ng Kanyang mga kaaway, gaano mang kasakit ang mga salitang  nakakainsulto na binitiwan nila, ipinagdasal pa rin sila ni Hesus sa Ama. Gaano pa mang ka-sama ang kanilang ginawa, silang lahat ay ipinanalangin ni Kristo. Ipinalangin ni Kristo na sila'y mapatawad, kahit na sila'y hindi nakokonsensya sa kasamaang ginagawa nila. Kahit na wala silang puso, kahit na hindi nila pinagsisihan ang kanilang ginagawa, hindi ipinagkait ng Panginoon ang Kaniyang dakilang habag at kapatawaran sa kanila. Hindi Niya ninanais na mapahamak o malupig sila dahil sa kasamaang ginawa nila laban sa Kanya. 

Ang pagpapatawad ay hindi madaling gawin. Lalo itong mahirap gawin kapag ang kinatatayuan ay tulad ng kinatatayuan ni Hesus noong sinambit Niya ang salitang ito. Si Hesus ay nakabayubay sa krus ng Kanyang mga kaaway na walang puso. Mas madali pa para sa isang tao na hilingin sa Diyos na sumpain o lipulin ang mga taga-usig. Subalit, pinili ni Hesus na patawarin ang Kanyang mga taga-usig. Pinili ni Hesus na idalangin sila sa Ama upang sila'y mapatawad, kahit ito'y napakahirap gawin sa mga sandaling iyon. 

Itinuturo sa atin ni Hesus sa wikang ito na dapat nating patawarin ang mga nagkakasala laban sa atin. Gaano pa mang kabigat ang kasalanan nila sa atin, gaano pa man sila naging ka-sama sa atin, dapat natin silang patawarin. Naranasan ni Hesus ang tindi ng kasamaan ng Kanyang mga kaaway. Tinanggap Niya ang lahat ng panlalait at pagpapahirap mula sa kanila. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, taimtim na nanalangin si Hesus sa Ama upang sila'y mapatawad. 

IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43):
"SINASABI KO SA IYO: 
NGAYON DI'Y ISASAMA KITA SA PARAISO."


Mayroong isang napakahalagang aral na nais ituro ni Hesus sa wikang ito, bagamat ang wikang ito'y bahagi lamang ng Kanyang pakikipag-usap sa nagtitikang salarin na nagngangalang Dimas. Habang mayroong hininga ang bawat isa, mayroon pang pag-asang magbagong-buhay. Gaano pa mang kasama ang pag-aasal ng isang tao, may pag-asa pa siyang magbagong-buhay. Walang limitasyon sa awa't habag ng Diyos. Kapag ang isang makasalanan ay buong kababaang-loob na nagsisi't tumalikod sa kaniyang mga kasalanan, hindi ipagkakait sa kanya ang dakilang awa't habag ng Diyos. Makakamit ito kapag ang isang makasalana'y taos-pusong nagsisi sa kaniyang mga kasalanan at nagbalik-loob sa Diyos. Mayroon pang panahon ang bawat isa na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Panginoon habang nabubuhay sa daigdig na ito, kahit pansamantala lamang ito. 

Batid ni Dimas ang katotohanang pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa noong siya'y nakabayubay sa krus sa Kalbaryo kasama ni Kristo. Noong siya'y ipinako sa isang krus sa Kalbaryo, tiyak na pinagbulay-bulayan niya nang buong kataimtiman ang bawat sandali ng kanyang buhay. Buong buhay niya, siya'y nagkasala. Napakalaki ng kasalanang kanyang ginawa. Dahil sa bigat ng kasalanang ginawa niya, sinentensyahan siya ng parusang kamatayan. Napakasama niyang tao. Puno ng kadiliman ang kanyang nakaraan. At dahil umabot na sa sukdulan ang kanyang kasamaan, hinatulan siya ng kamatayan sa krus. 

Kaya nga, nang makita ni Dimas ang isa pang nakapakong kasama niya na si Hestas na nakikisali sa paglilibak kay Hesus na nakapako sa gitna nila, pinagsabihan niya ito. Napakahalatang may taning na ang kanyang buhay dahil siya'y nakabayubay sa krus, pero hindi pa rin niyang sinamantalahan ang pagkakataong pagsisihan ang mga kasalanang ginawa at humingi ng awa't kapatawaran mula sa Diyos. Inamin ni Dimas na nararapat lamang siya mamatay bilang kabayaran sa mga kasalanang ginawa niya. At nang tinitigan siya ni Hesus, buong kababaang-loob siyang nagmakaawa sa Kanya. At nang makita ni Hesus ang pagmamakaawa ni Dimas, ipinangako Niya sa kanya na siya'y makakasama Niya sa tunay na Paraiso, ang Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan. 

Batid ni Hesus ang pagiging makasalanan ni Dimas. Batid Niya kung gaano siya naging kasama at kung gaano kabigat ang kasalanang ginawa niya labag sa batas na siyang dahilan kung bakit siya hinatulan ng kamatayan sa krus. Subalit, ang madidilim na nakaraan at mga kasamaang ginawa ni Dimas ay binalewala ni Hesus nang marinig Niya ang taos-pusong pagsisi't pagmamakaawa ng salarin. Ipinagkaloob ni Hesus kay Dimas ang pangako ng tunay na Paraiso, ang Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, dahil sa kanyang taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos sa mga huling sandali ng kanyang buhay. 

Pansamantala lamang ang buhay dito sa daigdig. Habang pansamantalang namumuhay dito sa lupa ang bawat tao, mayroong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos para sa bawat isa. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan babawiin ng Diyos ang ating buhay dito sa lupa. Kaya naman, itinuturo ng Simbahan sa lahat ang panawagan ng Panginoon na pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay at manumbalik sa Diyos. Hindi tayo mamumuhay dito sa daigdig magpakailanman. Hindi tayo mga imortal. Tayo'y mga tao lamang na biniyayaan ng Diyos ng buhay. Ang biyaya ng buhay ay hiniram lamang natin mula sa Diyos at ito'y babawiin Niya sa panahong itinakda. Kaya naman, ang panawagan ng Panginoon ay ipinaparating sa atin ng Simbahan. Habang mayroon tayong hininga, mayroon tayong pag-asang magbagong-buhay at magbalik-loob sa Diyos. Binibigyan tayo ng Diyos ng maraming pagkakataong makapagsisi't makapagbalik-loob sa Kanya habang tayo'y namumuhay dito sa lupa. Samantalahin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Panginoong Diyos na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. 

Huwag tayong matakot na humingi ng awa't kapatawaran mula sa Diyos. Walang kasalanan na hindi kayang patawarin ng Diyos. Ang Kanyang awa't kapatawaran ay walang limitasyon. Walang hanggan ang awa't kapatawaran ng Diyos. Hindi Niya ipagkakait ang Kanyang awa't kapatawaran sa sinumang lumapit sa Kanya nang buong kababaang-loob upang pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at manumbalik sa Kanya. Gaano mang kabigat ang mga kasalanang ginawa, ang Awa ng Diyos ay hinding-hindi kayang pantayan o higitan ng mga ito. Ang Awa ng Diyos ay higit na dakila't makapangyarihan sa kapangyarihan ng kasalanan. 

Nais ng Diyos na makapiling natin Siya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, ang tunay na Paraiso. Kaya naman, habang tayo'y nabubuhay, samantalahin natin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang makapagsisi't makapagbalik-loob sa Kanya nang buong puso. Habang mayroon tayong hininga, paulit-ulit tayong binibigyan ng pagkakataong pagsisihan ang ating mga kasalanan at manumbalik sa Diyos. Kapag taos-puso nating pinagsisisihan ang ating mga kasalanan at nanumbalik sa Diyos, makakamit natin ang Awa ng Diyos na lumilinis sa ating lahat mula sa karumihan ng ating mga kasalanan. Sa gayon, tayo'y Kanyang tatanggapin at makakapiling sa Kanyang kaharian sa kalangitan, ang tunay na Paraiso, sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. 

IKATLONG WIKA (Juan 19, 26-27):
"GINANG, NARITO ANG IYONG ANAK...
NARITO ANG IYONG INA."




Si Hesus ang Anak ng Diyos at Anak ng Mahal na Birheng Maria. Kaya naman, noong binilin Niya kay Apostol San Juan na si Maria'y kanyang angkinin at ituring bilang ina, ang lahat ng Kanyang mga tagasunod ay naging Kanyang mga kapatid. Hindi lamang para kay San Juan ang habiling ito ni Hesus. Ang habiling ito ay para sa lahat ng mga Kristiyanong nananalig at sumasampalataya sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas nang buong puso't kaluluwa. Tayong lahat ay iniatasan ng Panginoon na ituring ang Kanyang Mahal na Inang si Maria bilang Ina nating lahat. Ang Ina ni Kristo ay Ina rin ng sambayanang Kristiyano. Sa pamamagitan ni Maria, tayong lahat ay naging mga kapatid ni Kristo. 

Maraming ibinigay ang Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Ibinigay Niya ang Kanyang Katawan at Dugo sa anyo ng tinapay at alak noong itinatag Niya ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya sa Huling Hapunang pinagsaluhan Niya kasama ang mga apostol. At habang nakabayubay sa krus, ibinigay Niya ang Kanyang Inang minamahal na si Maria. Si Maria na nagsilang at umaruga sa Kanya ay ibinigay Niya sa atin upang maging Ina nating lahat. Hangad ng Panginoong Hesus na tulad Niya, maranasan rin nating lahat ang maka-inang pag-aruga at pagkupkop ng Mahal na Birheng Maria. 

Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa kadahilanang tayo'y makasalanan, ginawa pa rin ito ni Hesus habang Siya'y nakabayubay sa krus. Sa pamamagitan nito'y nahayag ang dahilan kung bakit Siya pumarito sa sanlibutan. Ang Diyos ay bumaba mula sa langit nang buong kababaang-loob at nagkatawang-tao katulad nating lahat, maliban sa kasalanan, upang tayo'y tubusin sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Hesus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Hindi naman kinailangang gawin ni Hesus ang lahat ng iyon. Subalit, ibinigay Niya ang buo Niyang sarili bilang hain para sa ating kaligtasan upang ihayag sa atin na tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. 

Ito ang laging ipinapaalala sa atin ng Mahal na Inang si Maria. Tunay tayong minamahal ng ating kapatid at Panginoong si Kristo Hesus. Tunay Niya tayong inibig sa kabila ng ating mga pagkakasala. Gaano mang kabigat ang mga kasalanan natin laban sa Kanya, inibig pa rin tayo ng Panginoon. Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Hindi matutumbasan ng kabigatan ng ating mga pagkakasala ang kadakilaan ng Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, ibinubo Niya ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo para sa ating kaligtasan. Dahil sa Kanyang pag-ibig, ibinigay Niya si Maria upang maging ating Ina. 

Kaya naman, nararapat lamang na ibigin natin si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay ibinigay sa atin ng Panginoong Hesukristo upang maging ating Ina. Bilang ating Inang Mahal, hindi tayo pinababayaan ng Birheng Maria. Tayo'y lagi niyang sasamahan at tutulungan na ibigin at sambahin nang buong katapatan at kababaang-loob ang Diyos. Tayong lahat ay lagi niyang isinasama sa kanyang mga panalangin sa Panginoong Hesus na ating Kuya upang tayo'y ipagsanggalang mula sa mga pwersa ng kasamaan. Tayo'y laging aakayin ni Inang Maria patungo sa ating minamahal na kapatid na si Hesus, ang ating Panginoon at Manunubos. 

Ang bawat Pilipino ay tinatawag na "Juan" o "Juana". May habilin si Hesus para sa lahat, lalung-lalo na para sa mga Katolikong Juan at Juana. Dapat nating mahalin si Maria bilang ating Mahal na Ina. Tayong lahat ay inihabilin Niya sa pangangalaga ng Inang Mahal na si Maria. Sa pamamagitan Niya, inihayag Niya na kapatid ang turing Niya sa bawat isa sa ating lahat. Bilang mga Juan at Juanang nananalig at sumasampalataya kay Kristong ating Kuya, tuparin natin ang Kanyang habilin. Palalimin natin ang ating pagmamahal at pagdedebosyon sa Mahal na Ina. Kung tunay nating mahal ang Panginoong Hesus, tutuparin natin ang Kanyang atas na ibigin ang ating Mahal na Inang si Maria nang buong puso't kaluluwa. 

IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34):
"DIYOS KO! DIYOS KO!
BAKIT MO AKO PINABAYAAN?"


Hango mula sa Salmo 22 ang ikaapat na wikang namutawi mula sa mga labi ng Panginoong Hesus habang nakabayubay sa krus. Ang Salmo 22 ay isang panalangin ng isang taong nagdurusa. Hindi biro ang pagdurusang pinagdaanan niya. Matindi ang pagdurusang hinaharap at dinadanas niya. Siya'y napupuno ng kapaitan at kahapdian sa sandaling iyon. Tunay ngang madilim ang sandaling yaon ng kanyang buhay. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, hindi siya nawalan ng pag-asa't tiwala sa Diyos. Umasa pa rin siya sa Diyos na siyang nagdudulot ng kaligtasan. 

Batid ng bawat tao ang pagdurusang dinanas ng tagapagsalita ng Salmo 22. Nababatid ng bawat isa kung ano ang pakiramdam ng kabiguan. Nababatid ng bawat isa kung ano ang pakiramdam ng pagiging mag-isa. Nababatid ng bawat tao kung ano ang pakiramdam na iwanan, talikuran, at pabayaan ng lahat. Nababatid ng bawat tao kung ano ang pakiramdam na wala nang makapitan. Nauunawaan ng lahat ng tao ang hinanakit ng mang-aawit ng Salmo 22. 

Marahil, ito ang panalanging sinasambit ng bawat tao sa mga madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. Marahil, ginagamit ng bawat tao ang mga unang salita ng Salmo 22 bilang katanungan sa Diyos. Tinatanong ang Diyos kung nasaan na nga ba Siya sa mga sandali ng pagsubok. Tinatanong ang Diyos kung bakit wala Siya sa mga sandaling labis na kinakailangan ang Kaniyang pagtulong at pagsagip. Kung kailan labis na kinakailangan ang Diyos saka pa Siya wala. Saka pa lamang Siya hindi magpaparamdam. Napapahimutok na lamang tayo sapagkat hindi natin maramdaman ang presensya ng Diyos sa mga oras na labis natin Siyang kailangan. Batid ng bawat tao kung ano ang pakiramdam noon. 

Kapag hinaharap at pinagdadaanan natin ang mga pagsubok sa buhay, tayo'y napapahimutok sapagkat pakiramdam natin walang Puso ang Diyos. Inihayag ng Diyos sa Banal na Kasulatan na mayroon Siyang Puso para sa atin. Subalit, sa mga sandali ng matinding pagsubok, tahimik ang Diyos. Napapatanong tayo sa Diyos, tinatanong natin sa Kanya kung mayroon ba talaga Siyang Puso. Tinatanong natin kung bakit tila wala Siyang Puso sa mga sandaling tayo'y labis na pinahihirapan ng mga pagsubok sa buhay. O di naman kaya napapatanong tayo kung totoo ba ang Diyos. Napapatanong tayo kung ang Diyos ay tunay o Siya'y isa lamang gawa ng ating mga guni-guni o imahinasyon. Napapatanong tayo kung tunay ngang mayroong Diyos. Napapatanong tayo kung mayroon ba talagang saysay ang ating sinasampalatayanan at inaaasahan bilang mga Kristiyano. 

Ang Diyos ay totoo. Ang Kanyang pagmamahal at pag-aruga ay totoo. Mayroon tayong Diyos na umiibig sa atin nang tapat at totoo. Sa mga sandali ng matitinding pagsubok, Siya'y ating karamay. Dinadanas rin Niya ang ating mga dinadanas. Ang ating mga pagdurusa ay nararanasan Niya rin. Nakikiisa Siya sa ating pagdurusa. Hindi Niya nilalayo ang Kanyang Puso mula sa atin. 

Tunay ngang mayroong Diyos. Mayroong Diyos na nagmamahal at kumakalinga sa atin. Hindi Siya gawa ng ating imahinasyon; totoo Siya. Totoo ang Diyos na ating sinasampalatayanan at sinasamba nang buong puso't kaluluwa. Siya'y tunay na mapagmahal at mapag-aruga sa atin. Dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal, kusa Siyang bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang maging hain para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. 

Ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Kristong nakabayubay sa krus na Siya'y tunay ngang kaisa ng bawat tao sa pagharap at pagdanas ng matinding pagdurusa sa buhay. Ang Diyos ang tunay na karamay na maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay. Kaisa't karamay natin ang Diyos sa hirap at ginhawa. Iyan ay ipinakita sa atin ni Kristo sa pamamagitan ng Kaniyang pagdurusa't kamatayan sa krus. 

IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"NAUUHAW AKO!"


Hindi lamang pisikal ang pagkauhaw ng tao. Mayroong mga taong uhaw sa pangangailangan. Mayroon ring mga taong uhaw sa pagtanggap. Mayroon ring mga uhaw para sa respeto ng iba. Mayroon ring mga uhaw sa pagmamahal. Pati dugo, kinauuhawan na rin. Uhaw sa kapangyarihan, uhaw sa ambisyon, uhaw sa dugo ng iba, uhaw sa kayabangan. Sari-sari ang mga kinauuhawan ng tao. Maaaring mabuti ang kinauuhawan ng bawat tao, maaari rin maging masama ito. 

Dalawang uri ng pagkauhaw ang itinampok sa salaysay ng Pasyong Mahal ni Kristo Hesus. Una, ang pagkauhaw ng mga tao, at ang pangalawa'y ang pagkauhaw ng Panginoong Hesus. Unang isinalaysay ang pagkauhaw ng mga tao. Kinauhawan ng mga tao ang Dugo ng Panginoon. Noong si Kristo'y iniharap ni Poncio Pilato sa taumbayan, hiniling nila kay Pilato na Siya'y hatulan ng kamatayan sa krus. Hiniling nila kay Pilato ang pagkamatay ni Kristo sa krus. Buong kamuhiang itinaas ng bawat tao ang kanilang mga kamao habang hiniling nila sa gobernador na si Poncio Pilato ang pagdanak ng Dugo ni Kristo. 

Ang ikalawang uri ng pagkauhaw na itinampok sa salaysay ng Pasyon ay ang mismong pagkauhaw ni Kristong nakabayubay sa krus. Noong idiniit ng isa sa mga kawal sa Kanyang bibig ang isang espongha na naglalaman ng alak na hinaluan ng suka, hindi Niya ito inubos. Sinipsip lamang Niya ang pinaghalong alak at suka na inialok sa Kanya ngunit hindi Niya ito inubos. Hindi inubos ni Kristo ang alak at sukang pinaghalo na ibinigay sa Kanya sa isang espongha hindi dahil sa lasa nitong napakapait. Bagamat ang Kanyang Katawan ay nauubusan na ng tubig dahil sa patuloy na pagpatak ng Dugo mula sa pretoryo patungong Kalbaryo, hindi iyon ang uri ng pagkauhaw na tinutukoy ni Kristo. 

Si Hesus ay uhaw para sa ating pagmamahal. Kinauuhawan ni Hesus ang ating pagmamahal. Nagpakita Siya ng pagmamahal noong Siya'y buong kababaang-loob na bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang tayo'y iligtas mula sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal. Kahit maaari Niyang takasan o pigilan ang malagim na katapusan ng Kanyang buhay sa Kalbaryo, hindi Niya iyon ginawa dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Hindi naman Niya kinailangang harapin at danasin iyon, subalit pinili Niya itong gawin upang ipakita sa ating lahat kung gaano Niya tayo iniibig. 

Habang nakabayubay sa krus, inihayag ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo ang Kanyang pagkauhaw. Hinahangad Niya na matugunan at mapawi natin ang Kanyang pagkauhaw sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating buong puso't kaluluwang pananalig, pagmamahal, at pagsamba sa Kanya. Subalit, hindi tayo pinipilit ng Panginoon. Dahil sa Kanyang pag-ibig, binigyan Niya tayo ng kalayaan upang magpasiya kung paano natin Siya tutugunan. Hindi tayo pipilitin o didiktahan ng Panginoon na pawiin ang Kaniyang pagkauhaw. Ibinigay Niya sa atin ang kalayaang pagpasiyahan kung ano ang magiging tugon natin. 

Nilikha ng Diyos ang iba't ibang anyo ng tubig. Hinati Niya ang tubig ng Dagat ng mga Tambo upang makatawid ang mga Israelita. Ginawa Niyang alak ang tubig. Ibinigay ang Kaniyang Dugo bilang inumin. Ibinubo Niya ang Kaniyang Dugo upang tayong lahat ay maligtas. Sa pamamagitan ng mga ito'y ipinakita ng Panginoon ang kadakilaan ng Kanyang pagmamahal. Tinugon Niya ang bawat tao sa mga sandali ng pangangailangan. Ipinagkaloob Niya ang mga pangangailangan ng bawat tao. Kaya naman, nararapat lamang na ibigay natin sa Kanya ang ating pananalig, pagtalima, pagsamba, at pagmamahal. Hindi man matutumbasan nito ang ginawa Niyang pag-aalay ng sarili para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus, subalit iyon naman ang tanging kinauuhawan Niya. Iyan ang magdudulot ng tuwa sa Kanyang Puso. 

Kinauuhawan ng Panginoon ang ating pananalig, pagtalima, pagsamba, at pagmamahal. Ano ang magiging tugon natin? 

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30): 
"NAGANAP NA!"


Naganap na ang lahat ng mga hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa Mesiyas. Naganap na ang ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan. Naganap na ang lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesus na nakabayubay sa krus. Kahit unti-unti Siyang nagdurusa sa krus hanggang sa mamatay, ang sandaling yaon ay isang sandali ng tagumpay para kay Kristo. Sapagkat sa sandaling yaon, nagkaroon ng kaganapan ang lahat ng mga sinabi tungkol sa Kanya. Sa sandaling yaon, ang dakilang pag-ibig ng Panginoon para sa sangkatauhan ay Kaniyang ipinamalas. 

Ganap nang naihayag sa lahat ang dahilan ng pagparito ni Hesus. Si Hesus ay naparito upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi Siya pumarito upang lupigin ang sangkatauhan dahil sa kanilang mga pagkakasala. Naparito Siya dahil sa Kaniyang pag-ibig. Nais Niyang imulat ang mga mata ng bawat tao sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoon para sa atin ang nagdulot sa atin ng kaligtasan at kalayaan sa pamamagitan ng Kanyang paghahain ng sarili sa isang kahoy na krus sa Kalbaryo, ang Bundok ng mga Bungo. 

Hindi naman kinailangang bitiwan ng Panginoon ang pangakong iyon. Hindi namang kinailangan ng Panginoon na bumaba mula sa langit at maging tao upang tayo'y iligtas. Hindi naman kinailangan ng Panginoon na tahakin ang landas ng pagdurusa patungong Kalbaryo. Hindi naman kinailangan ng Panginoon na ihandog ang Kanyang Katawan at ibubo ang Kanyang Dugo para sa ating kaligtasan. Maaari naman Niya tayong iligtas kahit na manatili lamang Siya sa langit. Sabihin lamang Niya ang Salita at tayo'y maliligtas. Pero bakit hindi Niya ginawa iyon? Bakit hinayaan Niyang magtiis Siya ng maraming kahirapan at kamatayan sa krus para sa ating kaligtasan? 

Ang Diyos ay bumaba mula sa langit at niyakap ang ating pagkatao sa pamamagitan ng Bugtong na Anak Niyang si Kristo upang ipakita sa lahat na hindi nalalayo ang Kanyang loob sa ating lahat. Nais ng Diyos na makilala Siya ng lahat bilang isang bathalang lumalapit sa kanila. Nais ng Diyos na makilala Siya bilang isang diyos na malapit sa kanila. Hindi Siya isang diyos na nalalayo mula sa ating lahat. Hindi nais ng Diyos na isipin ng tao na Siya'y isa lamang guni-guni o gawa lamang ng imahinasyon. Nais ng Diyos na makilala Siya bilang isang totoong diyos na may puso para sa ating lahat. Siya ay lumalapit upang maging karamay natin sa bawat sandali ng ating buhay, sa hirap at ginhawa. 

Nang mamutawi mula sa mga labi ni Kristo ang mga katagang "Naganap na!", Siya'y nagbigay ng isang hudyat na ganap nang pinatunayan na totoo ngang lumalapit ang Diyos sa bawat tao. Ang Diyos ay tunay na karamay at kasama natin palagi. Lagi Siyang pumapatnubay at gumagabay sa atin sa bawat araw. Hinding-hindi tayo pinababayaang mapahamak. Tunay ngang mapagmahal at mapag-aruga ang Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat. 

Isang deklarasyon na dapat nating pakinggan nang mabuti ang ikaanim na salitang namutawi mula sa bibig ni Hesus. Sa deklarasyong ito, inihayag ng Panginoong Hesus na nagkaroon na ng kaganapan ang pangako ng Diyos sa pamamagitan Niya. Ang pangakong pagliligtas ng Diyos na Kanyang inihayag sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan ay nagkaroon ng  kaganapan sa pamamagitan ni Hesus. Nahayag sa pamamagitan ni Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagliligtas. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ito ang dahilan kung bakit tayo'y Kaniyang iniligtas sa pamamagitan ng Manunubos na si Kristo Hesus. 

IKAPITONG WIKA (Lucas 23, 46):
"AMA, SA MGA KAMAY MO'Y 
IPINAGTATAGUBILIN KO ANG AKING ESPIRITU."


Bago malagutan ng hininga sa krus, mayroong itinuro si Hesus. Ang ikapito't huling wikang namutawi mula sa Kanyang mga labi ay isang aral na ibinibigay Niya sa ating lahat. Hindi tayo ang may-ari ng ating buhay natin dito sa lupa. Sa Diyos nagmula ang ating buhay. Siya ang tunay na nagmamay-ari sa ating buhay. Hiniram lamang natin mula sa Diyos ang buhay natin. Babawiin rin ng Diyos ang ating buhay pagdating ng takdang panahon na walang sinuman ang nakakaalam. Kaya nga, kapag sinasabi nating patay na ang isang tao, sinasabi nating "binawian siya ng buhay." Sino nga ba ang bumabawi ng buhay? Ang Diyos. 

Hindi tayo mga imortal. Lahat tayo ay mamamatay balang araw. Walang sinuman sa mundo ang nakakaalam kung kailan siya mamamatay. Tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan tayo mamamatay. Siya naman talaga ang may-ari ng ating buhay. Sa katapusan ng ating buhay, binabalik sa Diyos ang biyaya ng buhay na hiram. Binabawi mula sa atin ang biyaya ng buhay na ating hiniram mula sa Diyos sa sandaling nalagutan tayo ng hininga. 

Kaya nga, sabi sa Ikalimang Utos ng Sampung Utos ng Diyos, "Huwag kang papatay." (Exodo 20, 13) Hindi natin maaring kitilin ang buhay ng ating kapwa. Gaano pa mang kasama ang bawat tao, hindi dapat ikitil ng sinumang tao dito sa mundo ang kanilang buhay. Diyos lamang ang may karapatang gawin iyon. Hindi tayo ang tunay na may-ari ng ating buhay. Kaya, wala tayong karapatang kumitil ng buhay. Walang karapatan ang sinuman na pumatay ng kapwa-tao. Kinakailangang igalang ng bawat tao ang buhay ng kanilang kapwa. Kahit sino pa man sila, kinakailangang igalang pa rin ang karapatan nilang mamuhay. Sapagkat nagmula sa Maykapal ang karapatan nilang mamuhay

Dahil ang Diyos ang pinagmulan ng buhay, ang buhay ay sagrado. Ang buhay natin ay isang pagpapala. Isang sagradong pagpapala ang ating buhay. Ipinahiram lamang natin ito mula sa Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig. Nais ng Diyos na maranasan natin ang kagandahan ng biyaya ng buhay. Subalit, hindi ito permanenteng ibinibigay ng Diyos sa ating lahat. Hindi tayo mabubuhay dito sa sanlibutan magpakailanman. Pansamantala lamang ang ating buhay dito sa buhay. Kaya nga, ang buhay natin ay hiniram lamang natin mula sa Diyos. 

Sabi nga sa Panalangin ni San Ignacio de Loyola, ang Suscipe, "Mula sa Iyo ang lahat ng ito." Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng mga mabubuting bagay, kabilang na rito ang biyaya ng buhay natin. Sa katapusan ng panahon, lahat ng iyon ay babalik sa Kanya. Siya naman talaga ang tunay na may-ari ng lahat ng mabubuti. Mga tagapangasiwa lamang tayo ng Kanyang mga pagpapala. 

Ang ating buhay ay isang sagradong pagpapala mula sa Diyos. Ang Diyos ang pinagmumulan ng ating buhay. Siya ang nagkaloob sa atin ng buhay. Tayong lahat ay nabubuhay nang pansamantala dito sa mundo dahil sa Kanya. Siya ang may kakayahang kontrolin ang buhay ng bawat tao. Siya talaga ang may-ari ng ating buhay. Ang sagradong biyayang ito'y hiniram lamang natin mula sa Diyos. Pagdating ng takdang panahon, ibabalik rin natin mula sa Diyos ang mga biyayang hiniram natin mula sa Kanya, lalung-lalo na ang biyaya ng ating buhay. 

Lagi nating tatandaan ang araw-araw ang aral ng ikapito't huling wika ng Panginoong Hesus mula sa krus. Sa Diyos nagmumula ang ating buhay, sa Diyos rin babalik ang biyayang ito sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng buhay dito sa lupa. Siya rin ang babawi nito pagdating ng takdang panahon na Siya lamang ang nakakaalam. Huwag na huwag nating kalilimutan iyon sa bawat araw ng ating paglalakbay dito sa lupa. Ibabalik sa Diyos ang biyaya ng buhay na ating hiniram mula sa Kanya sa katapusan ng ating buhay dito sa lupang ibabaw. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento