Sabado, Marso 24, 2018

NAMATAY ALANG-ALANG SA LAHAT

30 Marso 2018
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42


Sa mga mahahabang Pagbasa para sa Biyernes Santo, pinagtutuunan ng pansin ang dalawang titulo ng Panginoong Hesukristo. Ang dalawa sa napakaraming mga titulo ng Panginoong Hesukristo na itinatampok at tinatalakay ng mga Pagbasa ay ang mga titulo ng Dakilang Saserdote at Kordero ng Diyos. Ang dalawang papel na ito ay ginampanan ng Panginoong Hesus sa Kalbaryo sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa't kamatayan sa isang kahoy na krus. 

Binanggit ni San Juan sa kanyang salaysay tungkol sa Pasyong Mahal ni Hesukristo na inihayag sa Ebanghelyo ang mga sinabi ni Caifas sa kanyang mga kasamahan sa Sanedrin. Sinabi ni Caifas sa kanyang mga kasamang autoridad na isang tao lamang ang dapat mamatay alang-alang sa bayan (18, 14). Isang tao ang ibibigay at ihahandog upang ang sambayanan ng Israel ay hindi mapahamak. Inilarawan ng mga salitang ito ang pamamaraan ng pagkamatay ng Panginoong Hesukristo. Si Kristo ay ihahain tulad ng isang kordero. Siya'y ibibigay sa mga Romano upang patayin. At ang mga salitang ito ni Caifas ay natupad sa Lugar ng Bungo na tinatawag na Golgota noong unang Biyernes Santo.

Ang mga kaganapan sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo ay inihayag ni propeta Isaias sa Lumang Tipan. Ang propesiyang ito tungkol sa pagpapakasakit ng Mesiyas ay itinampok sa Unang Pagbasa. Wika ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa, "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa paghihirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Kanyang tinanggap." (53, 5) Ito rin ang siyang binibigyang-diin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesus ay labis na nasugatan at pinahirapan hanggang sa mamatay alang-alang sa atin. Kahit inosente, kahit na hindi Siya nagkasala kailanman, tinanggap at tiniis Niya ang pagdurusa't kamatayan sa krus upang tayong lahat ay maligtas. Tiniis Niya ang inhustisiya at ang pagkabarbariko ng Kanyang mga kaaway hanggang sa Kanyang pagkamatay. Sa pamamagitan ng paghahain ng buo Niyang sarili sa krus, tinupad Niya ang Kanyang tungkulin bilang Dakilang Saserdote at Bagong Korderong Pampaskuwa. 

Dagdag pa ni propeta Isaias sa kanyang propesiya na inihayag sa Unang Pagbasa, ang nagdurusang lingkod ng Diyos na si Kristo'y halos hindi na makilala kung Siya'y tao nga ba dahil sa pambubugbog sa Kanya (52, 14). Punung-puno ng mga pasa ang Mukha ni Kristo. Duguan na ang Kanyang Mukha. Tinanggap Niya ang mga pambubugbog sa Kanya. Labis Siyang pinahirapan ng Kanyang mga kaaway. Dahil sa tindi ng pagpapahirap na ginawa sa Kanya, ang buo Niyang Mukha't Katawan ay napuno ng mga sugat. Bago pa man Siya ipako sa krus, labis-labis ang mga paghihirap na tiniis ni Hesus sa kamay ng Kanyang mga kaaway na halos ikamatay pa Niya ito. Bago ipako sa krus, unti-unti Siyang pinapatay. Walang salitang sasapat upang ilarawan kung gaano karumal-dumal ang pagdurusa't kamatayan ng Panginoong Hesus sa krus. 

Hindi sapilitan ang pagtanggap at pagtitiis ni Hesus. Kusa Niyang tinanggap at tiniis ang lahat ng ito. Kaya nga, noong Siya'y dinakip ng mga kawal sa halamanan, kusa Niyang ipinakilala ang Kanyang sarili. Wika Niya, "Ako si Hesus... Kung Ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito." (18, 5-8) Siya ang lumapit nang kusa sa Kanyang mga kaaway. Kahit na Siya ang hinahanap ng mga kawal, kahit batid Niya ang malagim na kamatayang naghihintay sa Kanya, hindi tumakas si Hesus. Bagkus, kusa Niyang hinarap at nilapitan ang mga kawal na padala ng Kanyang mga kaaway upang ihain ang buo Niyang sarili alang-alang sa kaligtasan at kalayaan ng lahat ng mga minamahal Niya. 

Wika nga ni Hesus, "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan." (Juan 15, 13) Ito ay pinatunayan Niya sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa't pagkamatay sa krus. Bilang Dakilang Saserdote at Bagong Korderong Pampaskuwa, si Hesus ay kusang nag-alay ng buo Niyang sarili sa krus upang ang lahat ay maligtas at mapalaya mula sa pamumuhay sa ilalim ng mga pwersa ng kadiliman at kasamaan. Ang lahat ng tao ay naligtas at napalaya sa pamamagitan ng Dugong ibinubo ni Hesus mula sa krus. Siya'y namatay alang-alang sa kaligtasan at kalayaan ng lahat. Sa pamamagitan ng kusang paghahain ng sarili alang-alang sa ating lahat, nahayag ang dakilang pag-ibig ni Hesus. Tunay ngang walang makahihigit o makakapantay sa dakilang pagmamahal ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento