Lunes, Marso 26, 2018

ARAW NG PAGBUBUNYI AT PAGDIWANG NANG BUONG KAGALAKAN

1 Abril 2018
Pasko ng Muling Pagkabuhay (Araw ng Linggo) 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 (Misa sa Gabi: Lucas 24, 13-35) 


Ang araw ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay araw ng kagalakan at pagdiriwang. Ito ang pinakamahalagang araw sa Kalendaryo ng ating Simbahan. Sa araw na ito, ginugunita ang pagbangon at paglabas ng Muling Nabuhay na si Hesus mula sa libingan. Si Hesus ay hindi nanatili sa loob ng libingan. Pagsapit ng ikatlong araw, si Hesus ay muling nabuhay. Ang Kanyang kamatayan sa krus ay hindi naging katapusan Niya. Ang Kanyang kamatayan sa krus ay bahagi lamang ng Kanyang misyon. Ang Kanyang Muling Pagkabuhay ang huling bahagi ng Kanyang misyon bilang Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay tunay ngang iniligtas ni Hesus. Kaya nga, nararapat lamang na magdiwang nang buong kagalakan ang lahat sa araw na ito. 

Laman ng mga Pagbasa ngayon ang mga patotoo tungkol sa Muling Pagkabuhay ni Kristo. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro tungkol sa pagkamatay at Pagkabuhay ni Kristo. Si Kristong pinatay sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ay hindi nanatili sa loob ng libingan. Si Kristong pinatay sa krus ay nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Nang Siya'y muling mabuhay, nagpakita Siya sa lahat ng mga apostol upang ang lahat ay maniwala sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo at pangangaral. Sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, inilarawan ni Apostol San Pablo si Kristo bilang Korderong Pampaskuwa. Si Kristo ang Bagong Korderong Pampaskuwa inihain para sa kaligtasan at kapatawaran ng lahat ng tao. At ang Bagong Korderong Pampaskuwa na si Kristo ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Tumawid Siya mula sa kamatayan patungo sa Muling Pagkabuhay. Ito ang ating ginugunita tuwing Pasko ng Pagkabuhay. 

Nakatuon sa libingang walang laman ang salaysay ni San Juan sa Ebanghelyo. Ang libingan ni Hesus ay natagpuang walang laman. Hindi na mahanap ang bangkay ni Hesus. Una itong nakita ni Santa Maria Magdalena. Nakita rin ito ng dalawa sa mga apostol na sina Pedro at ang minamahal na alagad ni Hesus na si Juan. Nang makita nina Apostol San Pedro at San Juan, nakita nila ang mga kayong lino at ang panyong ibinalot sa ulo ni Hesus na nakatiklop. Walang pagnanakaw na naganap dahil hindi namang ititiklop ng mga magnanakaw ang mga kayong lino. Aaalis na lamang sila agad-agad. Subalit, ang mga telang pinambalot kay Hesus ay nakatiklop at nakaayos. Ito ang nagpapatunay na ang Panginoong Hesus ay tunay ngang nabuhay na mag-uli, tulad ng Kanyang ipinangako. 

Hindi nagpakalat ng pekeng balita ang mga apostol. Totoo ang kanilang ipinangaral at pinatotohanan sa lahat. Ang Panginoong Hesukristo ay namatay ngunit nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, Siya'y nagtagumpay laban sa mga pwersa ng kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Kinamit Niya ang tagumpay para sa ating lahat. Dahil sa tagumpay na Kanyang nakamit sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay Kanyang naligtas at pinalaya mula sa kaalipinan. Tayo ay tumawid mula sa pagiging mga alipin ng kasamaan at kadiliman patungo sa bagong buhay na puno ng kalayaan bilang mga inampong anak ng Diyos dahil sa tagumpay ng Panginoong Hesukristo na Kanyang kinamtan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ito ang Mabuting Balitang pinatotohanan at sinasampalatayanan ng Simbahan mula noon hanggang ngayon. Si Hesus ay muling nabuhay sa ikatlong araw. Inalay Niya ang buo Niyang sarili sa krus at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw upang tayong lahat ay maligtas. Iyan ang rurok ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus ang rurok ng Mabuting Balitang pinahahalagahan at sinasampalatayanan natin bilang mga Kristiyano. At ang krus at Muling Pagkabuhay ay magkakaugnay sapagkat kung hindi hinarap ni Kristo ang Kanyang kamatayan sa krus, walang Muling Pagkabuhay na magaganap. Ang krus at Muling Pagkabuhay ang bumubuo sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus, ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay Kanyang tinubos. 

Kaya nga, nararapat lamang na ang bawat isa'y magdiwang nang buong kagalakan sa araw na ito. Ang araw na ito ay araw ng kagalakan, pagdiriwang, at pagbubunyi dahil kinamtan ng Panginoong Hesus ang tagumpay na naghahayag ng Kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang Misteryo Paskwal, ang Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, tayong lahat ay tinubos at pinalaya ni Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento