26 Hunyo 2025
Paggunita kay San Josemaria Escriva de Balaguer, pari
Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 16, 1-12. 15-16 (o kaya: 16, 6b-12. 15-16)/Salmo 105/Mateo 7, 21-29
Mamuhay nang banal at payak. Ito ang layunin ng samahang tinatawag na Opus Dei, ang samahang itinatag ng Santong ginugunita ng Simbahan sa araw na ito na si San Josemaria Escriva de Balaguer. Hindi nababatay sa kalagayan o estado ng bawat isa sa atin sa lipunan ang pamumuhay nang banal. Anuman ang kalagayan o estado sa buhay ng bawat isa sa atin, maaari tayong makapamuhay nang banal at payak. Lagi tayong binibigyan ng pagkakataong mamuhay nang banal at payak.
Sa Unang Pagbasa, inilahad ang salaysay ng pagsilang ng isa sa mga anak ng ama ng pananampalataya na walang iba kundi si Abraham na si Ismael. Tiyak na magtataka ang ilan sa ugnayan ng salaysay na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa sa Opus Dei o 'di kaya sa mga aral na nais isalungguhit ng tagapagtatag ng nasabing samahan na si San Josemaria Escriva. Katunayan, mismong si Sara ang naghikayat sa kaniyang kabiyak ng pusong si Abraham na sipingin ang kanilang aliping si Agar na taga-Ehipto upang matiyak na si Abraham ay magkakaroon nga ng anak. Saka lamang napuno ng inggit at selos si Sara nang magkaanak nga si Agar kay Abraham. Paano nga ba natin maiuugnay ito sa Opus Dei? Kung tutuusin, maaari itong ituring na isang iskandalo. Hindi biro ang iskandalong ito.
Kahit sino pa tayo, anuman ang ating nakaraan o pinagmulan, maaari pa ring tahakin ng bawat isa sa atin ang landas ng kabanalan. Maaari pa rin nating tahakin sa bawat sandali ng ating payak na pamumuhay sa mundong ito ang landas ng kabanalan. Ang bawat oras at sandali ng pansamantala nating pamumuhay sa mundong ito ay mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa atin upang tahakin ang landas ng kabanalan. Hindi ito para sa mga piling tao lamang. Bagkus, para ito sa ating lahat.
Ito ang dahilan kung bakit hinikayat ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang lahat na laging magpasalamat sa Panginoong Diyos. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, awa, habag, at kabutihan, tayong lahat ay Kaniyang binibigyan ng pagkakataong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Kahit sa mga sandaling hindi natin akalain, ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataon upang maging banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Hindi hadlang ang estado, kalagayan, at posisyon sa buhay at lipunan.
Ang Ebanghelyo ay tungkol sa taos-pusong pagtahak sa landas ng kabanalan. Buong linaw na isinalungguhit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tapat at taos-pusong pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Hindi sapat ang mga salitang binibigkas ng ating mga labi. Bagkus, kinakailangan natin itong isabuhay sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig.
Upang maipahayag nating nananalig at umaasa tayo sa Diyos nang taos-puso, dapat nating pagsikapang hanapin ang kabanalan sa pang-araw-araw na pamumuhay. Ang kabanalan ay mahahanap natin sa kapayakan ng buhay. Hindi lamang mahahanap sa mga 'di pangkaraniwang bahagi at sandali ng buhay. Bagkus, mahahanap rin natin ang kabanalan sa mga payak at karaniwang sandali ng buhay.
Wala tayong dahilan upang ang landas ng kabanalan ay hindi tahakin. Kung tunay at taos-puso nga tayong nananalig at umaaasa sa Diyos, ang Kaniyang mga utos at loobin ay lagi nating isasabuhay sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig. Huwag nating gawing dahilan ang ating kalagayan, posisyon, at estado sa buhay upang hindi mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Bilang mga Kristiyano, dapat mamuhay tayo nang banal at payak.