Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Kawikaan 31, 10-13. 19-20. 30-31/Salmo 127/1 Tesalonica 5, 1-6/Mateo 25, 14-30 (o kaya: 25, 14-15. 19-21)
"...ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad sa pagdating ng magnanakaw." (1 Tesalonica 5, 2). Isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang sinumang taong namumuhay dito sa lupa ang makababatid kung kailan ang Araw ng Panginoon. Sabi nga ng Panginoong Hesus na ang Ama lamang ang tanging nakakaalam kung kailan sasapit ang takdang panahon (Mateo 24, 36). Tulad ng pagdating ng isang magnanakaw, ang Araw ng Panginoon ay sasapit sa panahong hindi nating inaasahan. Walang nakakaalam kung kailan. Tanging Diyos Ama lamang ang nakakaalam.
Binigyang-diin ngayong Linggo sa Unang Pagbasa at sa Ebanghelyo ang kahalagahan ng pagiging mabuting lingkod ng Panginoon bilang paghanda para sa pagsapit ng takdang panahon. Habang pinanabikan natin ang pagdating ng Panginoon sa katapusan ng panahon, kinakailangan nating maging mga mabuti't matapat na lingkod. Kailangan nating maging mga mabuti't matapat na lingkod, tumatalima sa Kanyang kalooban, sa pamamagitan ng ating mga salita't pagkilos. Ang maybahay sa Unang Pagbasa, ginamit ang kanyang mga talento upang paglingkuran ang kanyang pamilya't komunidad, lalung-lalo na ang mga kapus-palad. Ang dalawang alipin ng manlalakbay sa talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo, ginamit ang kanilang mga talento upang magkaroon ng tubo ang salaping ibinigay ng kanilang amo sa kanila. Kung paanong ginamit nila ang kanilang mga talentong ipinagkaloob sa kanila ng Diyos para sa kabutihan, gayon din naman, dapat nating gamitin ang mga talentong bigay ng Diyos sa atin para sa kabutihan.
Tayong lahat ay biniyayaan ng Diyos ng mga talento upang gamitin para sa kabutihan. Hindi ito dapat balewalain at ilihim, tulad ng tamad at masamang alipin sa talinghaga ni Kristo na napakinggan sa Ebanghelyo ngayon. Nasasayang lamang ang biyaya ng Panginoon. Hindi rin ito dapat gamitin para sa masama. Kapag ginamit natin ang mga talentong iyan sa masama, inaabuso natin ang pagpapalang iyon. At iyan ay kinasusuklaman ng Diyos sapagkat ang biyayang Kanyang ipinagkakaloob ay dapat ginagamit para sa kabutihan, hindi para pairalin ang kasamaan. Pang-aabuso iyan ng Kanyang mga biyaya. Hindi naman iyan ang layunin ng Diyos noong ipinagkaloob Niya sa atin ang Kanyang mga biyaya. Bagkus, ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos ay dapat nating gamitin para sa kabutihan. Ang mga biyayang ating tinanggap ay banal sapagkat ang mga ito'y nagmula sa bukal ng lahat ng kabanalan, ang Panginoong Diyos na makapangyarihan. Nararapat lamang ipalaganap ang Kanyang kabutiha't kabanalan sa lahat ng dako, tulad ng Kanyang ninanais.
Habang tayo'y nabubuhay sa daigdig na ito bilang mga manlalakbay at mga lingkod ng Diyos, gamitin natin nang mabuti ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ipinagkalooban tayo ng Diyos ng Kanyang mga biyaya sa ating lahat upang matupad natin ang Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng paggamit sa mga pagpapalang kaloob ng Diyos sa atin para sa kabutihan, nagpapatotoo tayo sa Kanya na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan. Sa pamamagitan ng paggamit ng mga talentong binigay sa atin ng Panginoon, lalo natin Siyang niluluwalhati't dinadakila. Sapagkat ang tanging hinahangad ng mga naglilingkod sa Panginoon nang buong katapatan ay gamitin ang mga pagpapalang kaloob ng Diyos para sa higit na ikaluluwalhati ng Kanyang Pangalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento