9 Nobyembre 2017
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22
Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paglilinis sa Templo. Labis ang galit ni Hesus nang makita Niya ang mga mangangalakal sa Templo. Para kay Hesus, isang uri ng pambababoy at paglapastangan ang ginagawa ng mga mangangalakal at mga tindero't tindera sa Templo. Naniniwala ang mga Hudyo na sa Templo nananahan ang Diyos. Dahil diyan, ang Templo ay daluyan ng grasya ng Diyos. Subalit, mas binibigyan nila ng halaga ang pagkita ng pera kaysa sa pagsamba sa Diyos.
Noong tinawag at hinirang ng Diyos si Moises upang palayain ang mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto, inutusan Niya si Moises na tanggalin niya ang kanyang mga panyapak sapagkat banal ang lugar na kinatatayuan niya (Exodo 3, 5). Sagrado ang lugar na inaapakan ni Moises, kaya kinailangan niyang tanggalin ang kanyang mga panyapak upang mabigyan ng galang. Sapagkat ang bundok na iyon, ang Bundok ng Horeb, ay ang Bundok ng Diyos. Sa mismong sagradong lugar na iyon, tinawag at hinirang ng Diyos si Moises upang ilabas ang mga Israelita mula sa Ehipto kung saan namumuhay sila bilang mga alipin, punung-puno ng pait at sakit, sa ilalim ng pamumuno ng isang malupit na Faraon.
Kabaligtaran nito ang nangyari sa Bagong Tipan. Hindi na ginalang ang Templo, ang pinakasagradong lugar sa Jerusalem. Sa Templo, nananahan ang Diyos. Subalit, hindi na binigyan ng halaga ang presensya ng Diyos sa Templo. Hindi na importante sa mga tao ang kasagraduhan ng Templo. Mas binigyan nila ng halaga ang pagkita ng pera. Mas importante para sa kanila ang pera kaysa sa Diyos. Ang lugar sa kanilang buhay na dapat para sa Diyos ay ibinigay nila sa pera. Ginawa nilang diyos-diyosan ang pera. Ito ang nagpagalit sa Panginoong Hesus, kaya sila'y pinalayas Niya mula sa Templo dahil sa kalapastangang ginawa nila.
Hindi lamang isang ordinaryong gusali ang Templo, ang Simbahan. Ito ang tahanan ng Diyos. At ayon sa pangitain ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa, ang Templo ay isang batis; dito bumubukal ang tubig na nagbibigay-buhay. Inilalarawan nito kung paanong ang tahanan ng Maykapal ang bukal ng lahat ng pagpapala. Ang tahanan ng Maykapal ang daluyan ng Kanyang grasya. Dagdag pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto, nananahan ang Espiritu Santo sa bawat Kristiyano. Ang bawat Kristiyano ang bumubuo sa Simbahan, ang tahanan ng Diyos. Kaya, ang bawat Kristiyano ay daluyan ng grasya ng Diyos. Umaagos ang grasya ng Panginoong Diyos mula sa bawat Kristiyano sapagkat Siya'y nananahan sa bawat Kristiyano. At ang pundasyon ng Simbahang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo.
May tanong iniwan para sa atin ang mga Pagbasa ngayong Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma, na dapat nating pagmuni-munian at suriin nang masinsinan. Pera o grasya ng Diyos? Makamundong kayamanan o grasya ng Diyos? Ano ang ating pipiliin? Alin ang mas pinahahalagahan natin? Alin sa dalawa ang isinesentro natin sa ating buhay? Suriin natin ang ating mga sarili, pagnilayan natin nang mabuti ang mga tanong na ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento