26 Nobyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A)
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46
Ngayong Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan kung anong uri ng hari si Kristo. Paano nga ba naiiba si Kristo bilang hari sa iba pang mga hari o pinuno dito sa mundo? Ito ang nais talakayin ng mga Pagbasa para sa maringal na pitang ito na ipinagdiriwang ng Santa Iglesia sa huling araw ng linggo sa Kalendaryo Liturhiko.
Sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel, ang Panginoong Diyos ay nagpakilala bilang isang mapagkalingang pastol at hari. Inihayag ng Diyos na Siya na mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa Kanyang mga tupa. Bukod sa pagiging hari at hukom, ang Panginoon ay isang maamo at mapagkalingang pastol. Hindi Niya nais na mapahamak ang Kanyang kawan. Hangad Niya na makahimlay ang Kanyang mga tupa sa Kanyang piling magpakailanman. Sa Kanyang piling, mararanasan nila ang Kanyang habag at malasakit na walang katapusan.
Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo kung paanong ipinamalas ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang habag at malasakit sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Wika ni Apostol San Pablo, "Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayon din naman, dumating din ang muling pagkabuhay ng isang tao." (15, 21) Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo upang ipagkaloob sa sangkatauhan ang biyaya ng muling pagkabuhay, bagong buhay, buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan nito, pumasok sa daigdig ang habag at malasakit ng Diyos.
Ang punto ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang siya ring punto ng Panginoong Hesus sa ika-10 kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan noong Kanyang winika, "Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay; isang buhay na ganap at kasiya-siya." (10, 10) Iyan ang buod ng misyon ni Hesus. Si Hesus ay naparito upang bigyan ng isang buhay na ganap at kasiya-siya ang Kanyang mga tupa sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, ipinamalas at ipinadama ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang awa't habag para sa Kanyang kawan na labis Niyang iniibig at pinapahalagahan.
Sino ang mga kabilang sa kawan ni Kristong Hari? Sabi ni Kristo sa ika-10 kabanta ng Ebanghelyo ni San Juan, "Nakikinig sa Aking tinig ang Aking mga tupa." (10, 27) Ang mga nakikinig kay Hesus ay kabilang sa Kanyang kawan. At dahil nakikinig sila kay Hesus, isinasabuhay at sinusunod nila ang Kanyang kalooban. Ang halimbawa ni Hesus ay kanilang tinutularan. Ipinapalaganap nila sa iba't ibang dako ng daigdig ang awa't malasakit ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang mga salita't pagkilos. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita't gawa, tumatalima sila sa mga utos ng Mabuting Pastol na si Kristong Hari. At lumalaganap sa iba't ibang dako ang awa't habag ng tunay na Hari na si Kristo Hesus.
Isinalaysay ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ngayon ang talinghaga tungkol sa mga tupa't mga kambing. Sa talinghagang ito, inilarawan ni Hesus ang mga kaganapan sa katapusan ng panahon. Ang mga tupa'y makikinabang sa pangako ni Hesus habang ang mga kambing naman ay mapapahamak sa walang hanggang apoy ng impyerno. Ginantimpalaan ng dakilang hari't hukom na si Kristo Hesus ang mga tupa dahil sa kanilang pagsunod at pagtalima sa Kanyang kalooban. Makakapiling ng mga tupa ang Panginoon sapagkat ipinalaganap nila ang Kanyang awa't habag. Kung paano Niyang ibinahagi sa kanila ang Kanyang awa't habag, gayon din naman, ibinahagi nila sa kapwa, lalung-lalo na sa mga kapus-palad, ang Kanyang awa't habag sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Noong ito'y ginawa para sa kapwa, lalo na para sa mga kapus-palad, ginawa rin ito para sa Panginoong Hesukristo, ang Haring walang hanggan.
Kung nais nating mapabilang sa kawan ni Kristong Hari, kung nais nating mapabilang sa mga tupa sa talinghaga ng Panginoon sa Ebanghelyo, tumalima tayo sa Kanyang mga utos. Tularan natin ang Kanyang halimbawa. Ibahagi natin ang Kanyang awa't habag sa kapwa, lalo na sa mga kapus-palad. Sa gayon, maririnig natin ang mga salitang ito mula kay Kristo sa katapusan ng ating buhay, sa katapusan ng panahon, "Halikayo, mga pinagpala ng Aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan." (25, 34) Mararanasan natin ang gantimpala ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa kalangitan. Makikinabang tayo sa Kanyang pangako ng walang hanggang paghimlay sa Kanyang kaharian, ang tunay na Paraiso.
Si Hesus ang tunay na Pastol at Hari. Siya'y puspos ng habag at malasakit para sa Kanyang kawan. Ang Kanyang kawan ay lagi Niyang kinakalinga at pinahihimlay sa piling Niya magpakailanman. Ang Kanyang Awa't Pagkalinga ay walang hanggan. Salamat sa Diyos sa pagkakaloob Niya kay Hesus upang maging ating Pastol at Haring maawain at mapagkalinga.
VIVA CRISTO REY!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento