3 Disyembre 2017
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7/Salmo 79/1 Corinto 1, 3-9/Marcos 13, 33-37
Muling sinisimulan ang isang panibagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan sa pamamagitan ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon na mas kilala bilang panahon ng Adbiyento. Binibigyang-diin sa panahong ito ang kahalagahan ng paghahanda ng sarili habang hinihintay natin ang pagdating ng Panginoon. Hindi lamang nating pinaghahandaan ang sarili para sa Pasko ng Pagsilang; pinaghahandaan rin natin ang ating sarili para sa ikalawang pagdating ng ating Panginoon sa katapusan ng panahon. Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan magaganap ang lahat ng iyon kundi ang Diyos Ama lamang.
Ang panawagan ng Simbahan sa bawat isa ngayong panahon ng Adbiyento ay hango mula sa mga salita ng Panginoong Hesus sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito. Wika ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon, "Maging handa kayo!" (13, 37) Ang mga salitang ito ni Hesus ay hindi lamang para sa Kanyang mga disipulo. Ang mga salitang ito ay para sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong katapatan. Nais iparating ng Simbahan ang mensaheng ito mula kay Kristo sa Mabuting Balita para sa buong kapanahunan ng Adbiyento.
Hatid ng Panginoon sa Kanyang pagdating ang pagpapala't pag-asa. Inihayag sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias na ang Panginoong Diyos ang tanging pag-asa't Amang aaasahan (63, 16b). Sa Diyos lamang umaaasa ang Kanyang sambayanan. Tanging ang Diyos lamang ang kanilang pag-asa. Ang Diyos, na Siyang bukal ng tanang kabutihan, ang tanging inaasahan ng Kanyang sambayanan.
Ibinunyag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat sa mga taga-Corinto kung paanong ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang mga pagpapala. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ibinuhos ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa sangkatauhan. Ito ang pakay ng Panginoong Hesus sa sanlibutan. Ihatid at ipalaganap ang mga pagpapala ng Diyos sa lahat ng tao. Ang Diyos, na Siyang bukal ng lahat ng pagpapala't kabutihan, ay pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao upang ihatid sa sangkatauhan ang Kanyang mga pagpapala sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo.
Si Hesus ay pumarito upang ihatid sa sangkatauhan ang pagpapala't pag-asang kaloob ng Diyos. Siya, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay pumarito hindi upang maghasik ng lagim. Hindi Siya pumarito upang magdulot ng takot o sindak. Bagkus, naparito Siya upang ipalaganap ang Kanyang pagpapala. Siya ang Panginoong bukal ng tanang kabutihan. Siya'y nagdudulot ng grasya, pag-asa, at pagpapala para sa lahat.
Huwag nawa nating kalimutan ang tunay na dahilan kung bakit tayo'y naghahanda at naghihintay nang buong kagalakan ngayong panahon ng Adbiyento. Ang pagdating ni Kristo na naghahatid ng pag-asa at iba pang mga pagpapala ang ating pinaghahandaan at pinananabikan ngayong banal na panahon ng Adbiyento, ang panahon ng pananabik at paghahanda.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento