Linggo, Disyembre 17, 2017

IMULAT ANG SARILI SA PAG-IBIG NG DIYOS

18 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikatlong Araw
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24


🎶Kung ikaw ay isang panaginip, ayoko nang magising...🎶 

Siguradong batid ng karamihan sa atin, lalung-lalo na ang mga kabataan, ang kahulugan ng mga linyang ito. Ito'y dahil maiuugnay ang linyang ito sa buhay pag-ibig. Nauunawaan natin ito sapagkat may mga pagkakataon sa buhay natin na kung saan nagkakaroon tayo ng mga magandang panaginip habang tayo'y natutulog ng mahimbing. Alam natin kung ano ang pakiramdam ng inilalarawan sa awiting ito. Tiyak na naranasan nating minsan na panaginipan si crush, kung ano ang magiging itsura ng ating buhay na kasama nila. Hindi ba kay sarap ng buhay na kasama si crush, kayo ang magkarelasyon? Ang sarap sa pakiramdam. Kung panaginip lamang ang ganyang pamumuhay, nanaisin nating huwag nang gumising. Kung maaari, mamuhay na lamang tayo sa pangarap, panaginip ng isang buhay na kasama nila. Dahil sa totoo lang, masarap ang buhay na kasama ang ating crush, ang buhay kung saan karelasyon natin sila, hindi ba? 

Ibang uri ng panaginip ang isinasalaysay sa Ebanghelyo ngayon. Si San Jose ay hindi nanaginip tungkol sa isang masarap na pamumuhay na kasama ang kanyang crush o sa kasong ito, ang kanyang kasintahan - ang Mahal na Inang si Maria. Ang napanaginipan ni Jose ay isang anghel. Isang anghel ng Panginoon ang nagpakita sa panaginip ni Jose upang ipaliwanag sa kanya ang sitwasyon. Nasa gitna ng isang kumplikadong sitwasyon si Jose sa mga sandaling yaon. Bago pa man ang araw ng kasal, natagpuang nagdadalantao si Maria. Isa itong napakalaking iskandalo noong kapanahunang yaon. Napakakumplikado ang sitwasyon para kay Jose. Pinag-isipan niya nang maigi kung paano niyang itong malulusutan o masosolusyonan. Ang napag-isipan niyang solusyon sa problemang ito ay hiwalayan nang palihim si Maria. 

Subalit, hindi tinuloy ni San Jose ang kanyang plano sapagkat binigyang-linaw ng anghel na nagpakita sa kanyang panaginip ang sitwasyon. Ang pagdadalantao ng Mahal na Inang si Maria bago pa man maganap ang kanilang pag-iisang-dibdib ay hindi kaso ng kataksilan. Nabuntis si Maria sapagkat ito'y kalooban ng Diyos. Ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay hindi isang ordinaryong sanggol; ito ang Anak ng Diyos na nagpasiyang magkatawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang sanggol na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay ang Haring tinutukoy ni propeta Jeremias sa kanyang propesiya sa Unang Pagbasa. Ang sanggol na dinadala ni Maria ang itinakdang Hari, Tagapagligtas, at Mesiyas. Ang sanggol na ito na nananahan sa sinapupunan ni Maria ay nagangalang "Hesus". 

Sa pamamagitan ng pagdadala ni Maria kay Hesus sa kanyang sinapupunan, natupad ang propesiya ni propeta Isaias na siya ring binanggit ni San Mateo sa Ebanghelyo. Inihayag ni propeta Isaias na ipaglilihi at ipanganganak ng isang dalaga ang isang sanggol na lalaki na tatawaging "Emmanuel", ang kahuluga'y "Sumasaatin ang Diyos". Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang naglihi at nagluwal sa sanggol na ito - ang Panginoong Hesus, ang Diyos na nagpasiyang mamuhay na kapiling tayo dahil sa Kanyang awa't pag-ibig para sa lahat. 

Ang mga mata at ang puso't isipan ni San Jose ay namulat sa katotohanan tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Namulat siya sa katotohanang niloob ng Diyos na dalhin ng Mahal na Birheng Maria sa sinapupunan ang sanggol na si Kristo Hesus, ang itinakdang Hari't Manunubos ng tanan. Namulat siya sa katotohanang ito'y hindi isang iskandalosong gawain ng Mahal na Ina kundi isang kahanga-hangang gawa ng Diyos na ipinasiya Niyang gawin dahil sa Kanyang pag-ibig. Namulat siya sa katotohanang hindi mapapantayan ng sinumang tao dito sa daigdig ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang hanggan. At namulat siya sa katotohanan na dahil sa Kanyang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang sanggol na nananahan sa sinapupunan ng Mahal na Inang si Maria. 

Tulad ni San Jose, imulat natin ang ating mga mata at ang ating mga puso't isipan sa misteryo ng pag-ibig ng Diyos. Imulat natin sa tunay na dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Pasko. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa langit, yakapin ang ating pagkatao, at mamuhay na kapiling natin. Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ni Hesukristo upang ihayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ang dakilang gawaing ito ng Diyos na nagpamalas ng Kanyang pag-ibig ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ninuman kailanman. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento