Huwebes, Disyembre 21, 2017

KARANASAN NG DALAWANG BABAE

22 Disyembre 2017
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikapitong Araw
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Dalawang babae ang itinatampok ng mga Pagbasa ngayon. Ang dalawang babaeng ito'y nagbigay ng papuri sa Diyos dahil sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanilang nasaksihan at naranasan. Itinatampok sila dahil sa halimbawang kanilang ipinakita sa mga Pagbasa ngayon. Ang unang babaeng karakter na itinatampok ngayon ay ang ina ni Samuel na si Ana, na ating narinig sa Unang Pagbasa, at ang pangalawang babaeng karakter na itinatampok ngayon ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, na ating narinig sa Ebanghelyo. Itinuturo sa atin ng mga Pagbasa ngayon na ang halimbawang kanilang ipinakita ay dapat tularan. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung ano ang ginawa ni Ana matapos isilang ang kanyang anak na si Samuel. Kung matatandaan natin, lumuluha't nanalangin nang taimtim si Ana sa Diyos. Hiniling niya sa kaniyang madamdaming pananalangin sa Diyos na pagkalooban siya ng isang anak na lalaki at nangakong ihahandog niya ang kanyang anak nang siya'y maawat. Unang inakala ng saserdoteng si Eli na siya'y lasing nang makita niyang nanalangin si Ana nang gabing yaon. Nang maipaliwanag ni Ana ang kanyang sarili, binasbasan siya ni Eli at pinauwi. Hindi nagtagal at naglihi't nanganak ng isang sanggol na lalaki si Ana na kanyang pinangalanang Samuel. Nang dumating ang panahong umawat na si Samuel, tulad ng nasasaad sa Pagbasa, siya'y inihandog ng kanyang ina sa Diyos upang Siya'y paglingkuran ng kanyang anak habambuhay. At matapos nito, nagbigay ng papuri sa Diyos si Ana sapagkat naranasan niya ang kabutihan at habag ng Diyos. 

Gayon din ang naranasan ng Mahal na Birheng Maria. Kaya nga, ang mga titik ng Magnificat (Ang puso ko'y nagpupuri), ang awit ng Mahal na Birhen, ay itinampok sa Ebanghelyo ngayon. Sa awiting ito, inilarawan ni Maria kung ano ang ginawa niya ng Diyos para sa kanya. Mula sa kanyang abang kalagayan bilang alipin, siya'y itinaas ng Panginoon. Dahil siya'y itinaas, si Maria ay tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi (1, 48). Bagamat hinulaan ni propeta Isaias na isang dalaga ang maglilihi't magluluwal sa sanggol na Mesiyas, walang nag-akalang ang simpleng dalagang ito na mula sa bayan ng Nazaret, isang dalagang Nazarenang payak ang pamumuhay, ang pipiliin ng Diyos na maging ina ng Mesiyas. Sinong mag-aakala na gayon ang mangyayari? Hindi magmumula sa isang maharlikang pamilya ang Mesiyas. Siya'y magmumula sa isang pamilyang payak ang pamumuhay, namumuhay bilang mga dukha. Sinong mag-aakalang gayon ang mangyayari? 

Kung pagtutuunan rin natin ng pansin ang mensahe at aral na nais iparating sa awitin ng Mahal na Ina sa Ebanghelyo, makikita natin ang pagkakatulad nito sa mga itinuturo ng kanyang anak na si Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Itinuro ni Hesus nang ilang ulit sa Ebanghelyo ni San Lucas, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." (14, 11; 18, 14) Ito ang aral na nais iparating ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang awit. Ang lahat ng mga may kababaang-loob, ang lahat ng mga nasa abang kalagayan, ay itataas ng Diyos. At naranasan mismo ni Maria kung paanong itinaas ng Diyos ang isang abang aliping katulad niya. Si Maria ang abang aliping itinaas ng Diyos dahil binigyan niya ng kaluwalhatian ang Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtalima sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan nito'y naranasan ni Maria ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Naranasan ng dalawang kababaihang itinampok sa mga Pagbasa ngayon ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Tulad ng Mahal na Birheng Maria sa Ebanghelyo at ni Ana sa Unang Pagbasa, inaanyayahan tayong maranasan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na Kanyang ipinapamalas sa Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Masasaksihan at mararanasan lamang ito kung buong pananalig at kababaang-loob tayong tatalima sa Diyos, isusuko't ihandog natin ang ating mga sarili sa Kanya. Sa pamamagitan nito'y binibigyan natin ng papuri't pagsamba ang Panginoong Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi na rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento