Linggo, Disyembre 24, 2017

PISTA NG PAG-IBIG

24 Disyembre 2017
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bisperas] 
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25) 


Akmang-akma ang Salmong Tugunan sa pagdiriwang ngayon. Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin. Isa itong pagpapatotoo sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan. Hindi ito mapapantayan ng sinumang tao dito sa lupa. Tunay ngang naangkop ang Salmong ito sa pagdiriwang ng Bisperas ng Pasko sapagkat ang Pasko ay pagdiriwang ng pag-ibig. Sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, inaaalala natin ang ipinamalas ng Diyos sa lahat noong unang Pasko. Ipinasiya ng Diyos na Siya'y magkatawang-tao, ipaglihi, at iluwal mula sa sinapupunan ng isang Nazarenang dalaga na nagngangalang Maria. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na si Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang ihayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Kaya nga, ang Pasko ay tunay na pagdiriwang ng pag-ibig. 

Bukambibig sa mga Pagbasa ngayon ang pag-ibig ng Diyos. Nagsalita si propeta Isaias tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa bayang Israel sa Unang Pagbasa. Labis na kinalulugdan at iniibig ng Diyos ang bayang Israel. Nagsalita rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagkakaloob ng Diyos sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo bilang Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng pagkakaloob Niya kay Hesukristo bilang Mesiyas at Tagapagligtas, inihayag ng Diyos ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa sangkatauhan. Ito rin ang binigyang-diin ni San Mateo sa Ebanghelyo na napakahaba. Hindi lamang kung paanong si Hesus ay isinilang ang isinalaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo. Ibinahagi rin ni San Mateo ang talaan ng angkang pinagmulan ni Kristo Hesus. Ang mga naging ninuno ni Kristo ay hindi perpekto. Lahat sila'y nagkaroon din ng mga pagkukulang at pagkakasala laban sa Diyos. Si Jacob ay nagnakaw at nanlinlang. Nilinlang niya ang kanyang amang si Isaac na naghihingalo, at ninakaw pa niya ang basbas na nararapat sa kanyang kapatid na si Esau. Si Haring David ay nakiapid sa dating asawa ni Urias na si Batseba. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya ng Diyos na mapabilang sa angkan ng mga makasalanan sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. 

Noong sumapit ang unang Pasko, ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Ipinakita Niya ito sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Hindi naman kinailangan ng Diyos na gawin ito. Hindi naman kinailangan ng Diyos na magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak. Subalit, nais ng Diyos na mamulat ang mga mata ng sangkatauhan sa misteryo ng Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Nais ng Diyos na makilala Siya ng sangkatauhan bilang isang diyos na tunay na nagmamahal at nag-aaruga sa kanila. Nais ng Diyos na malaman ng bawat isa sa atin kung gaano Niya tayo iniibig sa pamamagitan ng pagtanggap at pagyakap sa ating pagkatao, maliban sa kasalanan, at pamumuhay na kapiling natin. Nais ng Diyos na mapalapit sa ating lahat upang maranasan natin ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria at nakahimlay sa isang sabsaban. 

Sa pagdiriwang ng Pasko, inaalala ng Simbahan ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinakita Niya noong gabi ng unang Pasko. Ipinakita ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus kung gaano Niya iniibig ang sangkatauhan. Ang Diyos ay nagpasiyang magkatawang-tao at iluwal ng Mahal na Inang si Maria mula sa kanyang sinapupunan alang-alang sa ating lahat. Siya'y nagkatawang-tao at iniluwal mula sa sinapupunan ni Maria sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus upang ipalaganap at ihatid sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig. Sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag ng Diyos ang natatanging dahilan kung bakit Siya'y nagkatawang-tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus upang ipamalas at ipagkaloob sa lahat ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. 

Kaya, nararapat lamang na ipagdiwang ang Kapaskuhan nang may buong tuwa't galak. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig ng Diyos sapagkat inaalala natin kung paano Niyang ipinamalas ang Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao at pagsilang ng Sanggol na Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng lahat; ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento