Sabado, Disyembre 16, 2017

HESUS: ANG KALIWANAGANG NAGDUDULOT NG KAGALAKAN

17 Disyembre 2017
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Linggo ng Gaudete 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalawang Araw
Isaias 61, 1-2a. 10-11/Lucas 1/1 Tesalonica 5, 16-24/Juan 1, 6-8. 19-28 


Ang salitang Gaudete ay nangangahulugang "magalak". Ngayong Ikatlong Linggo ng Adbiyento ay kilala rin bilang Linggo ng Gaudete o Linggo ng Kagalakan. Habang ipinagpapatuloy natin ang ating paghihintay at paghahanda ng sarili para sa Kapaskuhan ngayong kapanahunang ito ng Adbiyento, tayong lahat ay hinihimok ng Simbahan na magalak. Wika nga ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa, "Magalak kayong lagi." (5, 16) Subalit, ano nga ba ang dapat nating ikagalak? Hindi pa nga sumasapit ang araw ng Pasko. Napapaloob pa rin tayo sa panahon ng Adbiyento, isang panahong inilaan para sa pananabik at paghahanda ng sarili. Ano nga ba ang dapat nating ikagalak habang tayo'y nananabik at naghahanda ng sarili ngayong kapanahunang ito?

Nakasaad sa Ebanghelyo ngayon ang dahilan kung bakit dapat tayong magalak, kahit na tayo'y napapaloob pa rin sa isang kapanahunan ng paghihintay at paghahanda. Noong si San Juan Bautista ay tinanong ng mga eskriba't mga Pariseo kung bakit siya nagbibinyag kahit hindi siya ang Mesiyas, tumugon siya ng ganito, "Ako'y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng kanyang panyapak." (1, 26-27) Ang tinutukoy ni Juan Bautista ay walang iba kundi ang kanyang kamag-anak na si Hesus, ang tunay na Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Isinalaysay pa nga sa unang bahagi ng Ebanghelyo na si Juan Bautista ay nagpatotoo tungkol sa ilaw. Ang ilaw na pinatotohanan ni San Juan Bautista sa kanyang pangangaral at pagbibinyag sa Ilog Jordan ay walang iba kundi ang kamag-anak niyang si Hesus, ang Mesiyas, ang tinatawag niyang higit na dakila kaysa sa Kanya. Bilang liwanag na nagningning sa karimlan, si Hesus ay nagdudulot ng galak sa lahat ng mga nakakakita sa Kanya. 

Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesus, nagkaroon ng katuparan ang propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ang Panginoong Hesus ang ipinangakong Mesiyas na ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. Ang kahulugan ng salitang Mesiyas ay "Hinirang". Nakasaad sa bahaging ito ng aklat ni propeta Isaias kung ano ang magiging misyon ng Mesiyas. Natupad ang lahat ng mga inihayag ni propeta Isaias tungkol sa magiging misyon ng Mesiyas sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Bilang tunay na kaliwanagan, inihatid ni Kristo ang Mabuting Balita sa mga mahihirap, pinagaling ang mga sugatang puso, at pinalaya ang mga bihag at bilanggo. Ang lahat ng mga namuhay sa ilalim ng kadiliman ay nakaranas at napuspos ng kagalakan nang masilayan nila ang tunay na kaliwanagang si Hesus. Bilang liwanag, kagalakan ang hatid ni Hesus sa abang sangkatauhan na nalugmok sa kasalanan at kadiliman. 

Bilang kaliwanagang tunay, si Hesus ay nagdudulot ng kagalakan sa lahat. Ang Kanyang liwanag ang pumawi sa kadiliman. Siya ang liwanag na nagligtas sa ating lahat mula sa mga pwersa ng kadiliman at kasalanan. Siya ang liwanag na umaakay sa ating lahat pabalik sa Amang mapagmahal at maawain. Siya ang liwanag na nagpapamulat ng ating mga mata, mga puso't isipan sa katotohanang iniibig at kinakalinga pa rin tayong lahat ng Diyos sa kabila ng ating pagsuway sa Kanya, at dahil sa Kanyang pag-ibig at pagkalinga para sa ating lahat, lagi Siyang handang tanggapin at yakapin muli kung tayo ay magsisisi't magbabalik-loob sa Kanya. Iyan ang natatanging dahilan kung bakit ang ilaw na si Hesukristo ay pumanaog sa mundo - upang ihayag sa lahat ang misteryo ng walang hanggang awa't pag-ibig ng Diyos para sa lahat. Dahil sa Kanyang awa't pag-ibig na walang hanggan, Siya'y bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Anak upang tubusin ang abang sangkatauhang labis Niyang iniibig at kinakalinga.

Si Hesus ang sanhi ng ating kagalakan. Siya ang liwanag na nagdudulot ng galak sa lahat. Inaanyayahan Niya tayong makibahagi sa kagalakang dulot Niya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento