Linggo, Disyembre 24, 2017

KAGALAKANG HATID NG DIYOS NA SANGGOL

25 Disyembre 2017 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway]
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20


Sa huling bahagi ng Ebanghelyo, ipinakita ang naging reaksyon ng mga pastol matapos nilang makita't sambahin ang Sanggol na Hesus na nakahimlay sa sabsaban. Ang mga pastol ay umalis na nagpupuri sa Diyos nang buong kagalakan. Tunay ngang Mabuting Balita ang inihayag sa kanila ng mga anghel. Nakita nila ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Nakita nila ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Nakita nila ang kahanga-hangang gawa ng awa ng Diyos. Nakita nila sa pamamagitan ng Banal na Sanggol sa sabsaban kung gaano kadakila ang habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. 

Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ang nagdulot ng ating kaligtasan. Ito ang kaligtasang inihayag mismo ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Wika ng Panginoon na Siya'y paparito upang iligtas ang Kanyang bayan. Sa pamamagitan ng pagliligtas sa Kanyang bayan, ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag at kagandahang-loob na hindi mapapantayan, matutumbasan, masusukatan, o mahihigitan ninuman. Ang dakilang habag at kagandahang-loob ng Diyos  ay namalas ng lahat nang ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para sa kaligtasan ng santinakpan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus. 

Nagsalita rin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa habag at kagandahang-loob ng Diyos. Muling binigyang-diin ni Apostol San Pablo ang misteryo ng dakilang habag at kagandahang-loob ng Diyos na ipinamalas noong unang Pasko. Ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon ang tanging dahilan kung bakit tayo'y naligtas. Ang habag at kagandahang-loob ng Panginoon ang nagdulot ng kaligtasan sa ating lahat. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay ipinamalas sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagsilang ng Sanggol na Hesus. 

Kagalakan ang hatid ng Sanggol na Hesus sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang. Ang kagalakang ito ay bunga ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdulot ng ating kaligtasan ay dapat nating ikagalak. Ang pagpapamalas ng habag at kagandahang-loob ng Diyos noong unang Pasko sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo ang dahilan kung bakit ang napakaespesyal na araw na ito'y ipinagdiriwang ng Simbahan nang buong kagalakan. Kagalakan sapagkat tunay ngang mahabagin at may kagandahang-loob ang Diyos. Kagalakan sapagkat dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, tayong lahat ay Kanyang tinubos. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin ng Diyos na tayo'y tubusin sa pamamagitan ni Kristo Hesus dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob sa ating lahat. 

Ang Kapaskuhan ay panahon ng taimtim na pagpupuri, pagsamba, at pagpapasalamat sa Diyos sapagkat Siya'y tunay na mahabagin at nagmamagandang-loob. Ipinakita sa atin ng Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban, ang Sanggol na Hesus, ang dahilan kung bakit. Dahil sa Kanyang habag at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa kalangitan, pumanaog sa lupa, at magkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo upang tayong lahat ay tubusin. At tunay ngang nagdudulot ng kagalakan ang misteryo ng habag at kagandahang-loob ng Diyos na ibinunyag sa ating lahat ng Sanggol na Hesus na nakahiga sa sabsaban. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento