Sabado, Disyembre 23, 2017

ANG PINAKAMAHALAGANG ARAL AT MENSAHE NG ADBIYENTO

24 Disyembre 2017
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B)
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikasiyam na Araw
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Roma 16, 25-27/Lucas 1, 26-38 


Iisa lamang ang aral at mensaheng nais iparating ng mga Pagbasa ngayon habang unti-unting nagwawakas ang kapanahunan ng Adbiyento, ang panahon ng taimtim na paghahanda at paghihintay para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang aral at mensaheng ito ay ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit pinaghahandaan natin ang ating mga sarili ngayong panahon ng Adbiyento. Ito ang napakahalagang aral at mensaheng nais iparating sa atin ng Simbahan ngayong kapanahunan ng Adbiyento. Sa pamamagitan ng apat na Linggong paghahanda sa panahon ng Adbiyento, tayong lahat ay tinutulungan ng Simbahan na imulat ang ating mga mata, ang ating mga puso't isipan, sa katotohanang ang Diyos ang bukal ng pag-ibig, at ang pag-ibig na Kanyang kaloob sa bawat isa ay hinding-hindi mapapantayan o mahihigitan ng sinumang tao dito sa lupa. 

Hindi na kailangang bilangin kung ilang ulit gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Diyos dahil sa pag-ibig sa bawat aklat ng Banal na Bibliya, mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. Tiyak na kapaguran lamang ang aabutin natin sa pagbibilang nang eksakto ang mga pagkakataong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Panginoon upang ipamalas ang Kanyang dakilang pag-ibig sa lahat. At kung tutuusin, isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ngayon ang dalawa sa napakaraming mga pagkakataong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay ang Panginoong Diyos upang ipamalas ang Kanyang pag-ibig. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa kung paanong naging hari ng Israel si David. Si David, isang batang namuhay nang payak bilang pastol ng mga tupa ng kanyang pamilya, ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging hari ng Israel. Para kay David, isa itong napakalaki at napakabigat na pananagutan. Dagdag pa riyan, hindi naman nagmula sa isang pamilyang maharlika si Haring David. Subalit, siya'y itinaas ng Diyos mula sa kanyang kalagayan bilang isang payak na pastol ng mga tupa ng kanyang pamilya at ginawang hari ng Israel. Sa pamamagitan nito'y ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa Kanyang bayan. Isang pastol ang Kanyang ipinagkaloob sa Kanyang bayan upang maging pinuno't hari nila. Isang pastol, na tatalima't susunod sa mga utos at habilin ng Panginoong Diyos, ang hinirang upang maging hari ng bayang Israel. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Arkanghel si San Gabriel sa Mahal na Inang si Maria. Ibinalita ni San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria na siya'y pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ng Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan nito'y natupad ang hula ni propeta Isaias kung saang inihayag niya na isang dalaga ang maglilihi't manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging Emmanuel (7, 14). Isang napakalaking pananagutan ang ibinigay ng Diyos kay Maria. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin at iluwal mula sa kanyang sinapupunan pagkatapos ng siyam na buwan ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat na si Hesus. Sa pamamagitan ni Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tuparin ang Kanyang pangako ng pagliligtas sa lahat ng tao. Ipinamalas ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan noong ipinasiya Niyang bumaba mula sa langit at magkatawang-tao para tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Kristo Hesus. 

Iyan ang aral at mensaheng nais iparating ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo. Ang Diyos ay puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. Hindi Siya nauubusan ng pag-ibig at kagiliwan para sa ating lahat. At sabi pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, ang Mabuting Balitang ito ukol sa Panginoong Hesukristo ay nagpapatibay sa bawat isa. Pinapatatag at pinapagaan ng Diyos ang ating mga kalooban sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Kaya nga ito'y Mabuting Balita. Mabuti ang ibinabalita sa atin ng Salita ng Diyos. Ang Mabuting Balitang iniuulat sa atin ng Salita ng Diyos ay tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. Ang Mabuting Balitang ito'y nagdudulot ng tibay ng loob sa ating lahat. Sino pa naman sa atin ang hindi lalakas at gagaan ang kalooban kapag narinig ang Mabuting Balita tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus? 

Ang pinakamahalagang aral at mensaheng nais bigyang-diin sa buong kapanahunan ng Adbiyento - ang Diyos ay puspos ng pag-ibig. Hindi nauubusan ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa atin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit mayroong Kapaskuhan ating pinaghahandaan nang buong kataimtiman at ipinagdiriwang nang buong tuwa't galak pagkatapos ng apat na Linggo ng Adbiyento. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit at pumanaog sa lupa bilang tao katulad natin upang tayo'y tubusin at palayain mula sa mga tanikala ng kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento