Biyernes, Disyembre 15, 2017

MAGANDANG BALITA

16 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Unang Araw
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36


Sa mga Pagbasa ngayong unang araw ng Simbang Gabi, ang tradisyunal na pagsisiyam o pagnonobena para sa Kapaskuhan, isinalungguhit ang hatid ng Salita ng Diyos. May magandang balitang hatid ang Salita ng Diyos. Ang Magandang Balitang inihahatid sa atin ng Salita ng Diyos ay nakaugnay sa misteryo ng Kanyang dakilang awa't pag-ibig na walang hanggan. Panay itong isinasalungguhit sa Banal na Bibliya, simula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan. 

Ang mga propeta sa Lumang Tipan ay hinirang ng Diyos upang iparating sa Kanyang bayan ang Kanyang Salita. Isang halimbawa nito'y si propeta Isaias, na ating napakinggan sa Unang Pagbasa. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias sa Kanyang bayan. Mayroon Siyang magandang balita para sa Kanyang bayan. Inihayag ng Panginoon na hindi na magluluwat at magaganap ang ipinangako Niyang pagliligtas sa Kanyang bayan. Malapit nang sasapit ang oras ng pagliligtas ng Diyos. Ang mga salitang ito'y nagdulot ng matinding kagalakan sapagkat ito'y tunay ngang Magandang Balita. Tutubusin ng Panginoong Diyos ang Kanyang bayang hinirang at iniibig nang lubos. Kahit na ilang ulit nilang sinuway ang Panginoon, inihayag pa rin Niya sa kanila ang Kanyang awa't pag-ibig. 

Natupad ang mga winika ng Diyos sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Panginoong Hesukristo. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na ang mga gawang ipinagagawa sa Kanya ng Ama ang nagpapatotoo sa Kanya. Ang mga gawa ni Hesus ang nagpapatotoo na Siya nga ang Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. Ang mga gawa ni Hesus ang nagpapatotoo na Siya nga ang Diyos na nagkatawang-tao alang-alang sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkakatawang-tao, inihatid ng Salitang nagkatawang-tao na si Hesus ang Mabuting Balita na ang Diyos ay tunay na maawain at mapagmahal sa lahat ng tao, kahit na paulit-ulit Siyang sinusuway nila. 

Mapalad tayong lahat sapagkat mayroon tayong Diyos na nagmamahal sa atin. Sa kabila ng ating pagiging masuwayin sa Kanya, hindi pa rin Siyang nauubusan ng pag-ibig para sa ating lahat. Bagkus, patuloy Niyang iniibig nang lubos ang sangkatauhan sa kabila ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit si Hesukristo ay pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao upang tayong lahat ay iligtas. Sa pamamagitan ng pagparito ni Kristo Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas, inihayag ang walang hanggang awa't pag-ibig ng Diyos para sa lahat ng tao. Sa kabila ng ating mga pagkakasala, patuloy tayong minamahal ng Diyos. Iyao ang Mabuting Balita, ang Magandang Balitang inihahatid sa atin ng Salita ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesukristo. 

Tulad ng nais bigyang-diin ng mang-aawit sa Salmo ngayon, nararapat lamang na ang Diyos ay lagi nating purihin at sambahin. Mapalad tayo sapagkat kahit patuloy tayong nagkakasala laban sa Kanya, patuloy pa rin tayong iniibig ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit sinugo Niya ang Panginoong Hesus upang maging ating Mesiyas at Tagapagligtas. Kaya naman, nararapat lamang na ibigay natin sa Diyos ang ating palagiang pagpuri at pagsamba sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento