Linggo, Disyembre 24, 2017

ANG PINAKADAKILANG AGUINALDO

25 Disyembre 2015
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi]
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 


Tuwing sasapit ang kapanahunan ng Pasko, marami ang mga nagbibigayan ng mga aguinaldo, lalung-lalo na sa mga bata. Sa kasaysayan ng ating daigdig, panigurado na may mga taong nakatanggap at nakapagregalo ng mga mamahaling aguinaldo. Mayroon ring mga taong hindi nakatanggap o nakapagregalo ng mamahalin. Hindi sa pinatatamaan ang tradisyon nating mga Pilipino ng pagbibigay at pagbabahagi ng mga aguinaldo tuwing Pasko, pero may isang aguinaldo na hindi mabibili ng pera o anumang kayamanan sa daigdig. Ang aguinaldong ito ay walang katulad. Ito ang pinakadakilang aguinaldo sa kasaysayan ng ating daigdig. Ito ang pinakamahalagang aguinaldo, higit pa sa milyones at bilyones ng salapi. Katunayan, ang aguinaldong ito'y hindi mabibili ng pera; hindi ito kayang bayaran ng pera. At isa pa, ang aguinaldong ito'y hindi mula sa sanlibutang ito. 

Ano naman ang aguinaldong ito? Inilarawan ito sa mga Pagbasa ngayon. Sa Unang Pagbasa, inihayag ni propeta Isaias na isang sanggol na lalaki ang isinilang para sa lahat ng tao. Ang Sanggol na ito ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan (9, 6). Dinugtungan pa ng mang-aawit ng Salmo at ng mga anghel na nagpakita sa mga pastol sa Ebanghelyo kung sino nga ba ang Sanggol na ito. Ang Sanggol na ito ay ang Tagapagligtas na si Kristo. Ang Sanggol na si Kristo na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birhen ang pinakadakilang aguinaldo. At ang nagkaloob ng pinakadakilang aguinaldo - si Kristo Hesus - ay walang iba kundi ang Diyos na Siyang naghayag ng Kanyang kagandahang-loob sa lahat na nagdulot ng kaligtasan, tulad ng inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. 

Ibinigay ng Diyos ang Kanyang sarili noong unang Pasko. Sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus, ang Diyos ay pumanaog sa lupa't nagkatawang-tao. Niyakap at tinanggap Niya ang ating mga tao upang makapiling natin Siya. Ipinasiya ng Diyos na magkatawang-tao at ipanganak ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng Panginoong Hesus upang tubusin ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan, inihayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan ang inihatid ng Sanggol na Hesus noong unang Pasko. Ito ang pinakadakilang regalo, ang pinakadakilang aguinaldong tinanggap ng sangkatauhan. Walang sinumang tao dito sa lupa ang makapagbibigay ng aguinaldong kapantay o higit pa rito. Tanging ang Panginoon lamang ang nakapagbigay sa atin ng pinakadakilang aguinaldo - ang kaligtasan ng lahat sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan nito, inihayag sa santinakpan ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos na walang hanggan.

Si Hesus ang pinakadakilang aguinaldo. Siya ang Diyos na Sanggol na isinilang ni Maria sa bayan ng Betlehem. Ang kahulugan ng pangalan ng Betlehem, ang bayang kung saan Siya'y ipinaglihi't isinilang ni Maria, ay "Tahanan ng Tinapay." Napakahalaga ang kahulugan ng pangalan ng bayang ito sa misyon ni Hesus sapagkat Siya'y bumaba mula sa langit at pumanaog sa lupa upang maging pagkaing nagdudulot ng buhay at kaligtasang walang hanggan. Si Hesus ang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit. Sa pamamagitan ng Kanyang pagsilang, dumating ang pagkaing magdudulot ng buhay at kaligtasan. Sa pamamagitan Niya, ibinigay ng Diyos ang buo Niyang sarili bilang Tinapay na nagdudulot ng buhay at kaligtasan sa lahat ng tatanggap at kakain nito. Tunay ngang napakadakila ang pamaskong aguinaldong ito na nagmula sa Panginoong Diyos na puspos ng pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat. 

Hindi mabibili o matutumbasan ng pera at anumang kayamanan sa mundo ang pinakamahalaga at pinakadakilang aguinaldong ibinigay ng Diyos noong gabi ng unang Pasko. Hinding-hindi masusukatan ng pera ang halaga nito. Ang pinakamahalaga't pinakadakilang aguinaldong tinanggap ng bawat tao ay ibinigay ng Diyos noong unang Pasko - si Hesus, ang Tinapay ng Buhay. Sa pamamagitan ni Hesus, niyakap at tinanggap ng Diyos ang ating pagkatao upang lalong mapalapit sa atin. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob na walang hanggan. Dahil sa Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos na tubusin tayong lahat sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Talaga namang ito ang pinakadakilang aguinaldong ibinigay. At ang aguinaldong ito mula sa Panginoong Diyos ay para sa ating lahat na tunay Niyang iniibig at inaaruga nang lubusan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento