Biyernes, Disyembre 29, 2017

TUNAY NA ILAW

29 Disyembre 2017
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35 


Muling inilalahad at binibigyang-diin sa mga Pagbasa ngayong Ikalimang Araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ang tema ng liwanag. Si Kristo ang tunay na liwanag. Wika ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat na ang kadiliman ay napapawi ng tunay na liwanag (2, 8). Si Kristo ang liwanag na nagniningning at pumapawi sa kadilimang bumabalot sa buong lupain. Ang pagpawi ng tunay na liwanag na si Kristo sa kadiliman ay nasaksihan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sa daigdig. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdadala sa Sanggol na Hesus sa Templo. Nang makita ang ni Simeon ang Banal na Sanggol, buong kagalakan niyang inihayag na maaari nang bawiin ng Diyos ang kanyang buhay sapagkat nasilayan na niya ang liwanag ng kaligtasan. Nakita na niya ang tunay na liwanag mula sa kalangitan na nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang tunay na kaliwanagan na si Hesus ang magdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ililigtas Niya ang lahat na namumuhay sa ilalim ng pamumuno ng kadiliman. Hindi na ang mga pwersa ng kadiliman ang maghahari o mamamayani sa buong lupain sapagkat ang liwanag ng Panginoong Hesukristo ang papawi nito. Paiiralin ng Panginoong Hesus ang Kanyang maningning na liwanag sa buong lupain. 

Si Hesus ang tunay na kaliwanagan. Siya ang kaliwanagang umaakay sa ating lahat sa landas ng kaligtasan. Siya ang nagpapalaya sa lahat mula sa kapangyarihan ng kadilimang bumibihag at umaalipin sa bawat isa. Sa pamamagitan ng pagningning ng Kanyang liwanag, inihatid Niya sa lahat ng tao ang kagalakan at kapayapaang kaloob Niya. At ang kagalakan at kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesus ay higit pa sa kagalakan at kapayapaang kaloob ng sanlibutang ito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento