26 Disyembre 2017
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22
Inilaan ng Simbahan ang araw na ito, ang araw pagkatapos ng Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, upang gunitain ang kauna-unahang martir ng Simbahan na si San Esteban. Ang kwento ng kanyang buhay ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. Si San Esteban ang unang santong ipinaslang dahil sa kanyang paninindigan para sa kanyang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo. Hindi siya tinanggap ng lipunan sa bayan ng Israel noong kapanahunang yaon, lalung-lalo na ng mga bumubuo ng Sanedrin, dahil siya'y buong pusong nanalig at sumampalataya sa Panginoong Hesukristo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan.
Nagbigay ng babala ang Panginoong Hesus sa mga alagad tungkol sa mga pag-uusig sa Ebanghelyo. Pinaalala ni Hesus ang mga alagad na hindi magiging madali ang kanilang pagmiministeryo at pagsaksi sa Kanya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sapagkat makakaranas sila ng matinding pag-uusig. Ang pagmimisyon ng mga apostol bilang mga saksi at tagapangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus ay may kalakip na pagdurusa. Sa kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ng Panginoong Hesus, mararanasan ng mga alagad ang poot at pag-uusig mula sa iba't ibang tao. Kapopootan sila't uusigin dahil sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus. Subalit, ipinangako ni Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo na maliligtas ang mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas.
Sa pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag sa lahat ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Inihatid ng Sanggol na Hesus sa sangkatauhan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Ito ang buod ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang Diyos ay mahabagin at nagmamagandang-loob. Ang habag at kagandahang-loob ay inihatid ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo ay hinihikayat na magpatotoo at ipalaganap ang Mabuting Balitang ito sa lahat. Hinahamon rin tayong lahat na manatiling tapat sa ating pananalig at pananampalataya sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kung tayo'y mananatiling tapat sa ating pananalig at pananampalataya sa Panginoon hanggang wakas, tayong lahat ay gagantimpalaan Niya ng biyaya ng Kanyang pagliligtas at Siya'y ating makakapiling magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit.
May panawagan para sa atin ang Panginoong Hesus. Manatiling tapat tayo sa Kanya at sa Mabuting Balita tungkol sa habag at kagandahang-loob na ipinamalas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Sa kabila ng lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay, tinatawag tayo ni Hesus na manatiling tapat sa Kanya. Hindi madaling gawin ito. Subalit, ang habag at kagandahang-loob hatid ng Panginoong Hesus na naging sanggol noong unang Pasko ang magdudulot sa atin ng katatagan ng loob upang harapin at pagtagumpayan ang lahat ng mga sandali ng pag-uusig at pagsubok. Kung tutuparin natin ang habilin ni Hesus na manatiling tapat sa Kanya hanggang wakas sa kabila ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay, at kung pahihintulutan natin Siyang palakasin ang ating loob upang harapin ang pagtagumpayan ang mga ito, makakamit natin ang biyaya ng kaligtasan. Tayo'y gagantimpalaan ng Panginoon kung tayo'y mananatiling tapat sa Kanya at sa Mabuting Balita hanggang wakas at hayaan natin Siyang magdulot ng tibay ng loob sa atin. Ang gantimpalang iyan ay ang pamumuhay na kapiling ang Panginoon magpakailanman sa tunay na Paraiso, ang Kanyang kaharian sa langit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento