Sabado, Disyembre 30, 2017

HINDI MADALI

31 Disyembre 2017 
Linggo sa loob ng walong araw na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B) 
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 [o kaya: Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)]/Salmo 104 [o kaya: Salmo 127]/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 [o kaya: Colosas 3, 12-21]/Lucas 2, 22-40 


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang paghirang ng Diyos kay Abram, na ngayo'y kilala bilang si Abraham. Si Abraham, na kilala dati sa pangalang Abram, ay hinirang ng Diyos upang maging ama ng maraming bansa. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan ang bilang ng kanyang mga anak at apo, sa kabila ng katandaan niya at ng kanyang asawang si Sara na dating kilala bilang si Sarai. Si Abraham ay magiging ninuno ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa. Ang angkan ni Abraham ay bubuin ng maraming tao mula sa iba't ibang bansa, ayon sa pangako ng Panginoon. 

Ang kwento ng pananampalataya ni Abraham, na isinalaysay nang buo sa Lumang Tipan, ay binigyan ng isang maikling buod sa Ikalawang Pagbasa. Inilahad ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang mga benepisyo at gantimpalang natanggap ni Abraham dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Hindi naging madali para kay Abraham na manalig sa Diyos. Subalit, dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos, siya'y ginantimpalaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinakita ni Abraham ang kanyang malalim at buong puso't kaluluwang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Tumalima si Abraham sa kalooban ng Diyos, gaano pa mang kahirap tuparin at sundin ito, dahil sa kanyang pananalig. Dahil dito, si Abraham ay tumanggap ng maraming gantimpala mula sa Diyos. Siya at ang kanyang asawa ay ginantimpalaan ng anak sa kabila ng kanyang katandaan. At noong ipinasiya ni Abraham na ihandog ang kanyang anak na si Isaac bilang hain sa Diyos, tulad ng Kanyang iniutos, ipinagkaloob ng Diyos ang isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac. 

Sa mahabang salaysay ng Mabuting Balita (2, 22-40), isang matandang lalaki na ang pangala'y Simeon ay nagsalita sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa magiging misyon at tadhana ng Sanggol na Hesus paglaki Niya. Bagamat ang mga salitang ito ay winika ni Simeon kay Maria, marahil ay pinakinggan rin ni San Jose ang mga salitang ito tungkol sa Banal na Sanggol. Narinig ng mga magulang ni Hesus na hindi maganda ang mangyayari sa Kanya pagdating ng panahon. Isang kabalintunaan ang mangyayari - ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus na dapat magsilbing palantandaan ng pagtubos ng Diyos ay hahamakin ng marami. Kamumuhian Siya ng Kanyang mga kababayan, kahit na Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa kanila upang sila'y maligtas Niya. At ang mangyayari kay Hesus pagdating ng takdang panahon ay magdudulot ng matinding hapdi't kirot sa puso ng Maria. Ang hapdi't kirot na ito ay kasinghapdi ng paghiwa ng isang balaraw. Ang puso ng Mahal na Inang si Maria ay parang tatarakan ng isang balaraw dahil sa mangyayari sa kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose sa mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Simeon tungkol sa magiging tadhana ng kanilang Anak. Iisa lamang ang ibig sabihin ng mga winika ni Simeon sa Templo, ang kanilang minamahal na Anak ay papatayin ng Kanyang mga kababayan. Kaloob nga Siya ng Diyos sa Kanyang bayan, subalit hindi Siya tatanggapin ng Kanyang mga kababayan. Kapopootan, kamumuhian Siya ng lahat, lalung-lalo na ng mga pinuno ng bayang Israel. Napakasakit para sa kanila na malamang iyan ang kalooban ng Diyos. Para kina Maria at Jose, napakasakit at napakahirap tanggapin ang katotohanang papatayin ng kanilang mga kababayan ang kanilang Anak na ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan bilang Mesiyas at Manunubos at wala na silang magawa upang mapigilan ito. 

Sa kabila ng masakit na katotohanan ukol sa kalooban ng Diyos, ang masakit na katotohanan na walang magawa para pigilan ang pagpatay sa kanilang Anak na labis nilang minamahal at inaaaruga, hindi nawalan ng pananalig at pananampalataya ang Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Diyos. Patuloy na nanalig at sumampalataya nang buong puso't kaluluwa sina Maria at Jose sa kalooban ng Diyos sapagkat ito'y higit na dakila at higit na mabuti kaysa sa kanilang sariling kalooban at naisin. Tulad nina Maria at Jose, si Hesus ay tumalima sa kalooban ng Ama. Kaya nga Siya'y kinalugdan ng Diyos sa simula't simula pa lamang. Kahit gaano pa mang kahirap na tuparin ang kalooban ng Ama, pinili ni Hesus na maging masunurin sa kalooban ng Ama. Siya, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay naging masunurin sa plano ng pagliligtas na binuo bago pa man Siya pumanaog sa lupa at magkatawang-tao. Ang Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria, at Jose ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Ama nang buong katapatan, gaano mang kahirap itong sundin at tuparin. 

Ang kalooban ng Diyos ay hindi madaling tuparin at sundin. May mga pagkakataong hindi natin maintindihan o maunawaan ito nang mabuti. Hindi ito matarok nang lubusan ng bawat tao, kahit ng pinakamatalinong tao sa mundo. Mayroon ding mga pagkakataon na tayo'y masasaktan dahil sa mga kailangang isakripisyo para sa katuparan nito. Subalit, kung hahayaan natin ang Diyos na maging sentro ng buhay natin bilang pamilya, kung isusuko natin ang lahat sa Kanya, binibigyan natin ng pahintulot ang pagtupad ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan natin. Kung hahayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa buhay natin, malalampasan natin ang lahat ng mga pagsubok na haharapin natin sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Magkakaroon tayo ng lakas at tibay ng loob upang sundin ang kalooban ng Diyos, na higit pang dakila at maganda kaysa sa mga naisin ng bawat tao. Sapagkat sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtupad at pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinapakita't inihahayag natin ang ating pagmamahal, pananalig at pananampalataya sa Kanya na Siyang Makapangyarihan sa lahat ng nilalang. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento