Martes, Disyembre 19, 2017

ANO NGAYON?

20 Disyembre 2017 
Simbang Gabi/Misa de Gallo - Ikalimang Araw
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38 


Alam nating lahat bilang mga Kristiyano na ang buhay ng Panginoong Hesukristo, lalung-lalo na ang mga importanteng nangyari sa Kanya, ay hinulaan ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang buhay ng Panginoong Hesukristo ang paksa ng karamihan ng mga pahayag ng mga propeta. At alam rin nating iniuugnay ng apat na manunulat ng Mabuting Balita na sina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan, ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng Panginoong Hesus sa mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ang mga Pagbasa ngayon ay walang pinagkaiba sa iba pang mga talata sa Banal na Bibliya tungkol sa mga yugto ng pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus sa Bagong Tipan at ang koneksyon nito sa mga hinulaan ng mga propeta ng Lumang Tipan. 

Inihayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa kung paanong isisilang sa abang daigdig na ito ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang pagsilang ng Mesiyas ang palatandaang ibibigay ng Diyos sa Kanyang bayan. Una itong ibinunyag ng Panginoong Diyos kay propeta Isaias sa pamamagitan ng isang rebelasyon at ito naman ay kanyang ibinabahagi't ipinapamalita sa bayang Israel. Ang Mesiyas na tatawaging Emmanuel, ang pangalang ito'y nangangahuluga'y "Ang Diyos ay sumasaatin", ay ipaglilihi at iluluwal mula sa sinapupunan ng isang dalaga. Isang dalaga, isang birhen ang magiging tahanan ng sanggol na Mesiyas sa loob ng siyam na buwan. Ang dalagang ito ang siyang magluluwal sa sanggol na Mesiyas mula sa kanyang sinapupunan na naging tahanan ng sanggol sa loob ng siyam na buwan. 

Sa Ebanghelyo, ipinakilala kung sino ang dalagang tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang propesiya sa Lumang Tipan. Ang Mahal na Birheng Maria ang dalagang inilarawan sa propesiya ni Isaias. Isang dalagang Nazarena, isang birhen mula sa isang bayan sa Galilea na nagngangalang Nazaret, na nagngangalang Maria ay hinirang ng Kataas-taasang Diyos upang maging ina ng Mesiyas na si Hesus. Ang propesiya ni Isaias sa Lumang Tipan ay natupad sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Mahal na Inang si Maria. Bagamat isang dalaga, si Maria'y pinili't hinirang ng Diyos na maging tagaluwal ni Kristo. Niloob ng Diyos na si Maria ang dalagang magdadala at magluluwal sa Manunubos mula sa kanyang sinapupunan. Bagamat hindi niya lubusang naintindihan noong una niya itong narinig, ang kalooban ng Diyos ay buong pusong tinanggap at tinalima ng Mahal na Birheng Maria. 

Marahil, mayroong ilan sa atin na nagtatanong "Ano ngayon?" Para bang walang halaga o saysay ang katuparan ng propesiyang ito. Dahil lang natupad na iyon, para bang wala na tayong pakialam sa propesiya. Ano nga ba ang halaga nito? Bakit may mga propesiyang tulad nito? Bakit patuloy nating binabalik-balikan ang nakaraan? Natupad na, eh. Anong saysay ng pagbabalik-tanaw at pagbubulay-bulay sa isang propesiyang matagal nang tinupad? Kailangan pa ba nating gawin ito? Nakakalungkot aminin subalit totoo ito. Nakakalungkot sabihin na para bang wala nang halaga para sa atin ang propesiyang ito dahil matagal na itong tinupad. 

Binabalik-tanaw, inaalala't pinagninilay-nilayan natin nang mabuti ang mga propesiyang ito dahil sa kahalagahan nito. Sa pamamagitan ng mga propesiyang ito, ang Diyos ay nagbibitiw ng pangako para sa lahat ng tao. Sa pamamagitan naman ng katuparan ng mga propesiyang ito, tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako. Ipinapakita ng Diyos sa pamamagitan ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan at ang katuparan ng mga ito sa Bagong Tipan na Siya'y tapat at totoo sa Kanyang pangako. Loobin Niyang tuparin ang Kanyang pangakong binitiwan sa Kanyang pamamaraan at sa panahong Kanyang itinakda. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang mga pangako. 

Ang mga propesiyang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan ay hindi dapat mawalan ng saysay o halaga, kahit matagal na itong tinupad. Hindi natin ito dapat ibalewala o dedemahin na lamang. Ang mga propesiyang inihayag ng mga propeta sa Lumang Tipan ay isang pagpapahayag ng pangako ng Diyos. Nagbitiw ng pangako ang Diyos sa Kanyang bayan. Ang pangako Niyang ito'y Kanyang tinupad sa panahong Kanyang itinakda at sa Kanyang pamamaraan. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Diyos na Siya'y tunay na tapat at totoo sa Kanyang mga ipinangako. 

Huwag nating itanong, "Ano ngayon?". Bagkus, dapat nating imulat ang ating mga mata at mga puso't isipan sa katotohanang ang Diyos ay hindi nakakalimot sa Kanyang mga pangako. Lagi Niya itong inaalala. Siya'y tapat at totoo sa Kanyang pangako; ito'y Kanyang tinutupad. Sa pamamagitan nito'y nahayag sa lahat ang Kanyang pag-ibig na walang hanggan. Ang Panginoong Diyos ay laging tapat at totoo sa Kanyang mga pangako dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig na walang hanggan. Iyan ang dahilan kung bakit mayroong Kapaskuhan na ating pinaghahandaan at pinanabikan nang buong kagalakan sa panahon ng Adbiyento at Simbang Gabi (Misa de Gallo). 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento