1 Enero 2018
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21
Isa sa mga titulo ng Mahal na Birheng Maria ay ang titulo ng Theotokos. Ang kahulugan ng Theotokos ay "Tagapagdala ng Diyos" o "Ina ng Diyos". Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang Salitang nagkatawang-tao sa loob ng siyam na buwan. At matapos ng siyam na buwan ng pananahan sa sinapupunan ni Maria, iniluwal ang Sanggol na Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Dinala at iniluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan - ang Kanyang Bugtong na Anak at ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus.
Ang pagkakaloob ng pinakadakilang pagpapalang ito ay pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia. Wika ni Apostol San Pablo na isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus at Siya'y isinilang ng isang babae nang sumapit ang takdang panahon. Nagmula sa sinapupunan ng isang babae, isang dalaga, ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus at ang dalagang nagdala, nagluwal, at umalaga sa Kanya ay si Maria.
Sa huling bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtutuli sa Banal na Sanggol at ang pagpapangalan sa Kanya. Ang pangalang ibinigay nina Maria at Jose sa Banal na Sanggol ay ang pangalang ibinigay ng anghel noong Siya'y ipinaglihi. Hesus ang Pangalang ibinigay sa Kanya. Ang kahulugan ng pangalang ni Hesus sa wikang Hebreo ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Sa pangalan pa lamang malalaman ang misyon ng Banal na Sanggol sa Kanyang paglaki. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pastol sa unang bahagi ng Ebanghelyo ay umuwing nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Nakita ng mga pastol ang Sanggol na magliligtas sa lahat pagdating ng takdang panahon. Ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos ay nakita ng mga pastol sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban. Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob Niya sa santinakpan.
Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa sangkatauhan sa iba't ibang pamamaraan. Tulad na lamang sa Unang Pagbasa. Iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na ibigay kina Aaron at sa kanyang mga anak ang pormula ng pagbebendisyon sa bayang Israel. Sa pamamagitan ng bendisyon ng mga saserdote, ibinibuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa Kanyang bayan. At ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa lahat ng tao ay Kanyang ibinuhos sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapala ng Kanyang pagliligtas.
Si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Kanyang Kalinis-linisang Birheng Inang si Maria na Ina rin nating lahat, ay ipinagkaloob para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, nasilayan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos, ang pagliligtas Niya sa lahat sa pamamagitan ni Hesus, ay nagdulot ng kagalakang tunay sa lahat ng tao sapagkat namalas nila ang kadakilaan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento